Otso

4 1 1
                                    

    Minsan iniisip ko kung totoo ba ako, kung totoo ba ang mga nangyayari sa paligid ko. Sinubukan ko nang saksakin ang kamay ko ng gamit kong lapis sa pagd-drawing, hayskul ako n'on, hindi ko naman ibinaon ang lapis sa balat ko, masakit kasi. Inisip ko, sakit siguro ang basehan na buhay ka, na totoo ka. Kapag walang sakit, walang buhay.

    Napasulyap ako sa pinto ng bodega, sa likod noon ay dalawang bangkay. Hindi ko kilala kung sino ang babaeng nabangga ni George, pero kilalang kilala ko si Edward.

    Kilala ko nga ba?

    Gusto ko siyang tanungin pero hindi niya ako masasagot. Hindi na.

    “Julian. ”

    Wala akong maramdaman sa ngayon. Ako yata ang pangatlong bangkay sa bahay na ito. Sinusumpong ako ng awa at lungkot minsan, masakit sa dibdib pero hanggang doon lang. Minsan, naaaninag ko pa rin ang mukha ng babae, o kayaʼy nalalasahan ang sangsang ng dugo ni Edward. Nababaliw na yata ako.

    “Julian! ”

    Napatingin ako kay Yanzee. “Bakit? ”

    “Kanina pa kita tinatawag. Aalis kami ni George, may bibilhin lang. Dito ka lang, okay? ”

    Kumunit ang noo ko. Plano ba nilang iwan ako dito? Tapos ano? Tatawag sila ng pulis at ako ang mapagbibintangan?

    “Anong bibilihin ninyo? ” tanong ko.

    “Chlorine, plastic bag, dishwashing liquid, anything. Para hindi tayo mangamoy, ” sabi ni George habang nakatingin sa cellphone niya, pinatay niya ʼyon at ibinulsa.

    “Wala naman kayong planong iwan ako rito? Tumawag ng pulis at iframe-up si Julian para sa mga kagaguhan na ginawa ninyo? ”

    Hindi ko alam kung saan ako humuhugot ng lakas ng loob. Pero gusto kong malaman nila na hindi ako ang alipin dito. Kung may dapat kawawain ay hindi ako ʼyon.

    Tumingin si George kay Yanzee, nitong mga nakaraang oras ay hindi niya ako tinitingnan. Nagbulungan sila pero alam ko namang ako ang sentro ng usapan nila, kung anong tema ay hindi ko alam.

    “Bakit naman namin gagawin ʼyun? You think we're stupid? ” sagot ni Yanzee. “Kapag nangyari ʼyun, ilalaglag mo kami. Hindi ko kakayanin ang gagawin sa akin ni Daddy, Juls. Si Mommy may awa, pero kay Daddy nakasalalay ang bukas ko. Hindi niya gagamitin ang pangalan niya or connections niya para pagtakpan ang kagaguhan ng anak niya. ”

    “Ano pʼang akin. Baka si Dad pa ang gumawa ng paraan para maipasok ako sa kulungan, kung buhay akong madadala roon, baka bangkay na akong makalabas. ” Tumalikod si George matapos sabihin ʼyon, lumabas na siya ng bahay.

    Umupo si Yanzee sa tabi ko. Para kaming mga college students ulit. Ramdam ko ang pagod niya kahit papaano. Hinihintay kong magsalita siya tungkol sa bagsak na project, na sana namamalikmata lang ako o nahihibang kakainom ng kape, na ang totoo ay college pa rin kami at tumatambay.

    Minsan lang ako mag pantasya. Sabi ni mama, matuto raw akong tanggapin ang mga bagay-bagay. Naiinis ako minsan kapag sinasabi niya ʼyon. Sabi ko, mama hindi mo alam, pero wala akong karapatang sabihin ʼyon. Tama si mama. Pero ngayon pinapantasya ko na sana nananaginip lang ako.

    “Si Edward… ”

    “Patay na siya. ”

    Tumingin sa akin si Yanzee. “Sorry, ” bulong niya.

    Marami siyang gustong sabihin, pero hindi niya mailabas. Alam ko ʼyun. Maraming beses ko nang naranasan ang ganoon.

    “Dito ka lang, Juls. Please, ʼwag kang gagawa ng ikapapahamak natin. Ipangako mo. ”

    Natatawa ako sa mga pangako. Para sa akin corny ang ganoon. Baduy. At the end of the day, ang mga pangako ay talagang napapako.

    Tumayo na si Yanzee sa sofa. “Ipangako mo, Juls, ” sabi niya.

    “Sinungaling ako kung sasabihin kong nangangako ako, Yanzee, ” saad ko, ngayon ko lang ulit natitigan nang matagal ang mukha niya.

    Noon pa man, para sa akin maloko ang mga mata ni Yanzee. May kung ano roon na parang laging naglalaro, parang laging masaya, laging nang-aasar. Ganoon lagi ang mga mata niya, kahit na nagka black eye siya noon na gawa ng ka-banda niya.

    Tumitig siya sa akin pabalik. May namumuong luha sa mga mata niya ngayon. “Julian, ayokong ikaw ang sumunod kay Edward, ” bulong niya.

    Lumakad na siya palabas ng bahay, sumulyap siya sa akin bago isara ang pinto. Maya-maya pa ay narinig ko ang pag-andar ng kotse at ang pag-alis nito.

    Huminga ako nang malalim. “Kahit ako pa ang kasunod ni Edward. ”

    Hinugot ko sa bulsa ng pajama ko ang sarili kong cellphone, sa kabilang bulsa ay ang papel na may number ng babaeng pulis na nabangga ni Yanzee noon.

    Kahit kapalit pa nito ang sarili kong buhay. Hindi ako titigilan ng konsensiya ko kung magiging tahimik lang ako.

    “Edward… ” bulong ko, gusto kong sabihing nami-miss ko na agad siya.

    Natawa ako sa sarili ko, hinihintay ko ang boses ni Yanzee na sumigaw at sabihing bakla ako. Naiinis ako. Parte na ng buhay ko si Yanzee, kahit si George, lalo na si Eds.

    Huminga ako ng malalim. Kung wala akong gagawin ay wala akong pinagkaiba sa mismong may-ari ng mga kamay na gumawa ng krimen. Para ito sa babaeng ninakawan ng buhay, kung kanino man siyang anak o kapatid o nobya ay hindi ko alam. Para kay Edward na apo ng Lolo niya, na anak ng pobreng pamilya tulad ko, para kay Edward na kaibigan ko.

    Pinindot ko ang call button matapos i-dial ang phone number. Ilang segundo akong naghintay habang maayos na nakaupo sa sofa at pinakikinggan ang pag ring ng telepono.

    “Hello? This is---”

    Walang gatol kong sinabi ang address na kinatitirikan ng bahay, pati ang deskripsiyon kung anong hitsura ng tirahan mula sa labas; at kung anong meron sa loob. Isang ako, dalawang patay, at dalawa pang tao na puwedeng gawin akong pangatlong bangkay.

Minsan Nga LangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon