Yanzee||George

2 1 0
                                    

    Mabilis ang takbo ng kotse na minamaneho ni George papunta sa grocery store. Hindi kumikibo si Yanzee habang nasa byahe, maya-maya pa ay binasag na ni George ang katahimikan sa pagitan nila. Pakiramdam niya kasi nasasakal siya sa kawalan ng ingay ni Yanzee.

    “Ano na ʼyung frat? ”

    Lumingon dito si Yanzee, nakakunot ang noo. “Wala na ʼyun. ʼDi ko na itutul---”

    Mabilis na pinitpit ni George ang busina ng kotse. “Ano ba?! ” sigaw nito sa lalaking nakayuko habang tumatawid, kamuntikan na niya itong mabangga.

    Maraming laman ang utak ni George, mga plano. Hindi isa roon ang magdala ng pangatlo pang bangkay sa tinitirahan nila ngayon. Napailing na lang siya at itinuloy ang pagmamaneho.

    “Baka makatulong sa atin ʼyun, Yanzee. Pag-isipan mo muna, ” saad nito.

    Sa loob-loob ni Yanzee ay gusto niyang magsisigaw at magwala. Idadagdag pa ba niya ang letseng frat na ʼyon sa problema nila ngayon? Siguro nga ay nahihibang na si George.

    “Oo. Sa susunod, ” sagot niya na ikinailing ni George.

    Sa sitwasyon nila ngayon ay isa lang ang naiisip ni Yanzee. Kailangan niyang iligtas si Julian. Dahil ito na lang ang wari niyaʼy natitira na hindi nila katulad ni George.

    Ang tanong, ano ba sila?

    Hindi niya rin masagot. Pero kailangan niyang mailayo si Julian bago pa ito matulad kay Edward. Gusto niyang sakalin si George hanggang malagutan ito ng hininga sa ginawa nito kay Edward. Pero kung gagawin niya ʼyon ay wala siyang kaibahan sa lalaking kasama niya sa loob ng kotse.

    Kailangan niyang mailayo si Julian kay George. Ngunit may parte kay Yanzee na nagtatanong :

    Gusto mo bang iligtas si Julian dahil kaibigan mo siya at ayaw mong mabiktima siya ng mga kamay ninyo ni George, o gusto mo siyang iligtas dahil mas gagaan ang kalooban mo dahil kahit papaano ay nakagawa ka ng mabuti para hugasan ang mga mantsa ng pagkakamali mo?

    Hindi niya rin kayang sagutin.

    Napalingon siya kay George. Kahit gaano pa man ito kahayop at kagago ay hindi niya ito kayang lubayan. Gusto ni Yanzee na sakalin ang sarili. Hindi niya kayang lubayan si George kahit na paniguradong kriminal na ito kung tutuusin. Pakiramdam niya kasi ay iisa lang sila. Iisa ng utak at puso, iisa ng isip at gusto. Nagkataon nga lang na si George ay mas pinaiiral ang bugso ng damdamin. Hinahayaan ng binata na kainin siya ng sitwasyon.

    Biglang nilamig si Yanzee. May munting pasasalamat sa isip niya na kahit papaano ay may takot siya.

———

    Hinihingal na pinasok ni George ang pinto kung saan naroroon ang dalawang bangkay. Napamura siya nang marinig ang malakas na pagbukas ng pinto sa kuwarto sa itaas, sana lang ay gumagawa na si Yanzee ng paraan.

    Pero malamang ay hindi nito kayang iligpit si Julian. Umiling siya, hindi niya rin naman ito magagawa kay Julian. Iba ang kilabot na nararamdaman niya tuwing tinitingnan ito, napupuno siya ng kakaibang dami ng hiya.

    “Yanzee! Tulungan mo ʼko dito! ” sigaw niya. Wala na siyang maisip na plano.

    Hindi niya alam ang gagawin, wala sa plano niya na bigla na lamang tatawag ng pulis si Julian, sinabi nito ang plate number ng kotse nila at nagkataong dadaan sa pulis station ang kotse bago umuwi dahil halos kahilera lang nito ang grocery store.

    Halos magwala si George nang marinig ang sirena ng mga pulis. Pinukpok niya ang noo gamit ang ibabang parte ng palad, humihiling na baka mayroong pumasok na ideya sa utak niya.

    Maya-maya pa ay nagulat na lang siya nang may pumasok na lalaki sa bahay at nagsalita sa harapan niya, wala siyang maintindihan sa pinagsasabi nito habang sunod-sunod na mga pulis ang nilibot ang bahay.

    Parang natulig si George sa nangyari, hanggang sa hinawakan na siya sa magkabilang braso at hinila palabas. Nagsisisigaw siya, pilit binabawi ang braso sa mga pulis.

    Nang mahila na siya palabas ng pinto ay saka niya nakita si Yanzee na hawak na rin ng mga pulis. Wala itong kibo. Nakayuko lang at… umiiyak nang tahimik. Dahilan para tumigil siya sa pagwawala at tahimik na lang din na sumama.

    Sa totoo lang, wala naman siyang balak na sirain ang bakasyon nila. Kung tutuusin nga ay mas gugustuhin niya na lang din na isugod sa ospital ang babae kahit pa dead on the spot na ito. Nangibabaw kasi ang galit sa kanya. Iyon din ang dahilan kung bakit si Eds ay...

    Noong gabing nakabangga siya ay nakita na niya ang babae, hindi ito masyadong nasisinagan ng flashlight ni Yanzee, wari niya ay siya nga lang ang talagang nakakita sa mukha ng babae. May kung ano sa kanya na bigla na lamang nagngitngit, biglang bumalik sa paningin niya ang imahe ni Edward na masaya at siya sa kabilang banda ay nalulugmok.

    Hindi naman mangyayari ang lahat ng ʼyun, kung hindi lang kamukha ni Heidi ang babae.
   

Minsan Nga LangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon