Sais

12 1 1
                                    

    Nagising ako sa marahang pag-alog, si Eds ang bumungad sa akin. Basa ang buhok nito at bahagyang namumutla, nang magmulat ako ng mata ay bumuntong hininga ito at umayos ng upo sa loob ng kotse.

    “Pauwi na tayo, ” sabi niya sa akin.

    Sa harapan namin ay walang kibo sina George at Yanzee, madalas na magkabangayan ang dalawa, may mga oras naman na tahimik sila pareho. Pero iba ang dahilan ng katahimikan nila ngayon. Alam naming lahat kung bakit.

    Nagsimulang bumilis ang takbo ng kotse, malapit na kami sa bahay nila Yanzee. Ilang beses ang ginawang pagliko ng kotse. Para kaming nasa roller-coaster, ang kaibahan ay walang sumisigaw, o di kaya ay tumatawa. Maya-maya pa ay nasa tapat na kami ng gate ng bahay.

    Naunang bumaba si Yanzee, padabog na isinara ang pinto ng kotse, sumunod si George at kami ni Eds.

    Madilim ang langit, walang buwan o bituin, mahalumigmig ang buga ng hangin at basa pa rin ang sahig. Nakatayo lang kaming apat sa tapat ng gate. Sa mga oras na iyon ay walang may alam kung anong dapat na gawin. Pero mukhang iba si George, parang siya lang ang hindi nakalog ng nangyaring aksidente.

    “Kailangan nating maipasok sa bahay ʼtong babae. ” Sinilip niya ang trunk ng kotse, walang kahit anong bakas ng krimen ang makikita roon.

    Nauna siyang pumasok sa bahay kasama si Yanzee, sinabihan kaming dalawa ni Eds na maghintay muna sa labas. Katulad ng mga asong masunurin sa amo ay nanatili kaming nakatayo doon.

    “Juls, ” tawag ni Eds bago punusan ang mukha gamit ang sariling kamay.

    Tinapik ko ang likod nito. “Kung ano mang ipinag-aalala mo, ganoon din ang akin. Hindi ko na alam ang nangyayari, ” sagot ko sa kanya.

    Huminga ito ng malalim at saka tumango.

    Magkasunod na lumabas ng bahay sina Yanzee at George. Sa kamay ni Yanzee nakalagay ang kumot na puti, ibinuka niya ito mula sa maayos na pagkakatupi ng kung sino man.

    “Diyan, ” malamig niyang wika bago ihagis ang kumot na mabilis sinalo ni George.

    Inilatag nila ang kumot sa sahig bago binuksan ni George ang trunk. Alam ko na kung para saan ang kumot, para sa babaeng kasama namin.

    “Edwa— Julian, ikaw na lang. Buhatin natin. ”

    Umiling ako. Hindi ako gumalaw sa kinatatayuan ko. “Tutulong na ako kapag n-nasa kumot na, ” sabi ko, mahina iyon pero sigurado naman akong narinig niya dahil mahina itong nag mura.

    “Ikaw na lang. ” Hinila niya si Eds sa braso.

    Sabay nilang binuhat ang babae. Sa bandang ulo si George habang si Edward sa binti. Marahan nilang inilagay ang babae sa kumot. Mabilis na hinawakan ni Yanzee ang dulo ng kumot sa bandang ulo ng babae, ibig sabihin ang akin ay sa bandang paa. Sinenyasan ako nito na buhatin na.

    “Ang bigat, baka mahulog siya, ” sabi ko kay Yanzee nang pareho na naming buhat ang babae. Nagsimula na siyang lumakad paunahan.

    “Ano naman? Patay na siya. ”

    Hindi na ako sumagot pa.

    Hindi ko alam kung kalmado si Yanzee o nawalan na siya ng pake.

    Ginamit ni George ang flashlight ni Yanzee para ilawan ang daraanan namin. Inilapag namin ni Yanzee ang babae sa isang metal na mesa na nasa isang kuwarto na ginawa ng bodega. Lumabas agad kami pagkatapos. Inabot ni George ang pinto at isinara bago sinusian.

    “Anong gagawin natin. ”

    Tiningnan ko si Eds na nasa daanan, nilagpasan siya ni George at isinara ang main door. Hinila ko si Eds at pinaupo sa sofa. Malayo ang tingin ng mga mata niya. Tinapik tapik ko ang likod niya bilang pahiwatig na ayos lang. Ayos nga ba?

    Siguro isa akong malaking biro. O baka ang lahat ng ʼto ang malaking biro?

    “Tumawag na tayo ng pulis. Kasi tingnan mo… ”

    Hindi niya tinapos ang sasabihin at mabilis na dinukot ang cellphone sa bulsa.

    Saka ko naalala ang papel na nasa bulsa ng pantalon ko, mabilis ko itong dinukot, kahit yupi na dahil sa pagkakaipit ay nababasa pa rin naman ang number at pangalan. Ang number na bigay ng babaeng  pulis sa pangalang Melissa Santos.

    Ipinakita ko ito kay Edward at mabilis siyang nagdial sa cellphone niya, inilagay ko ulit sa bulsa ko ang papel nang makumpleto niya ang numero. Akmang pipindutin na niya ang call button nang hablutin ni George ang cellphone sa kamay niya.

    “Gago ka ba? ” tanong nito sa mahinang boses, ngunit halatang galit ito dahil sa higpit ng hawak niya sa telepono ni Edward.

   
    “George, hindi mo naiintindihan! Pinapalaki mo lang ʼtong gusot—”

    Hinawakan ni George ang kwelyo ni Edward at mabilis itinaas ang bakanteng kamay para sana suntukin si Eds, pero mabilis na pinigilan ni Yanzee ang kamao ni George at hinila siya palayo.

    “Huwag mo kong pakialaman. Alam kong doon ka magaling, Eds. Huwag ngayon. ” Masama ang tingin nitong tinalikuran ang kaibigan.

    Hindi yata tama ang salitang 'kaibigan' para sa dalawa.

    Inakay ko si Eds tungo sa kwarto namin. “Huwag nating pakialaman si George. ”

    Alam kong mali na pabayaan si George na kontrolin ang buong sitwasyon, pero paniguradong kami ang mapapahamak kapag sinagad namin ang pasensya niya.

    Hindi ito kumibo at dahan-dahang humiga sa kama. Magkatabi kami at parehong nakatihaya. Tahimik lang na pinagmamasdan ang kisame.

    “Parang gusto niya akong patayin, pare. ”

    May bigat na dumagan sa dibdib ko, sinubukan kong huminga nang malalim pero di naman iyon nawala.

    “Hindi niya ʼyun gagawin, Eds. ”

    Hindi ko alam kung ang mga salitang sinabi ko ay para kumbinsihin si Edward o para kumbinsihin ang sarili ko.

Minsan Nga LangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon