Diyes

9 1 1
                                    

    Tuloy-tuloy akong naglakad hanggang sa tumila na ang ulan pero madilim pa rin ang langit. Napaupo ako sa gilid ng isang puno. Sumasakit ang ulo ko, lalagnatin pa yata ako. Isinandal ko ang ulo ko sa katawan ng puno.

    “Tabi-tabi po, ” bulong ko bago napagdesisyunan na umidlip.

    “Julian. ”

    Iminulat ko ang mga mata ko, si Edward ang unang bumungad sa akin. Dahan-dahan akong umupo, masakit ang likod ko at napagtanto na sa lupa pala ako nakahiga.

    “Tara na, Julian. ”

    Tiningnan ko ang kamay nito na nakalahad. Hindi ko iyon agad tinanggap. Kumunot ang noo ko bago ibalik sa mukha niya ang tingin.

    “Tara saan? ” takha kong tanong.

    Hindi pamilyar sa akin ang lugar, panay puno at mga kung anu-anong halaman ang nasa paligid. Napasigaw ako nang may nakita akong ahas sa paanan ko. Mabilis akong tumayo at naghagilap ng pamalo sa ahas.

    “Julian, huwag! ” sigaw ni Edward bago kinuha ang ahas at inilagay sa bulsa ng suot niyang hoodie.

    “Edward, baka kagatin ka niyan! ” saad ko pero umiling siya bilang sagot.

    “Kaibigan ko siya, hindi lang halata. Ikaw nga e… may kaibigan ka na parang hindi, dinala ka nila rito. ”

    Hindi ko siya maintindihan kaya nanatili akong nakatitig sa kanya. Natawa siya sa kung anong ekspresyon sa mukha ko.

    “Sila George at Yanzee, kako. Sila ang may dahilan kung bakit ka nandito. Kung bakit tayo nandito. ”

    Ahh. Oo nga pala.

    Nakapatay si George. Isinunod niya si Edward. Pinagtangkaan ako ni Yanzee. Inilaglag ko sila.

    Naramdaman ko ang kamay ni Edward sa pala-pulsuhan ko, marahan niya itong hinila. “Kaya Tara na, Juls. ”

    Hinila ko pabalik ang kamay ko, pero nanatili siyang nakakapit doon. “Tara saan, Edward? Saan tayo pupunta? ”

    “Sa malayo. Nandiyan na sila. ”

    Nagpahila ako kay Edward, naglakad kami hanggang sa unti-unting dumilim ang paligid. Hindi ko alam kung ang paligid nga ba ʼyun o ang sarili kong paningin.

    “Nga pala, Julian. ”

    “Oh? ” tanong ko bago siya lumingon sa akin, basa ang mukha niya ng… dugo?

    “Hindi ako kasama. Ikaw na lang mag-isa. ”

    Hinihingal akong napabalikwas. Umaambon na naman. Napanaginipan ko si Edward.

    Tumayo ako at napadaing nang makaramdam ako ng kirot sa parte na nilaslas ko. Nandoon pa rin nakatali sa pulso ko ang panyo ni Yanzee, pero tumatagos doon ang kakaunting dugo.

    Napagdesisyunan kong maglakad, papunta saan? Hindi ko alam. Binaybay ko lang ang nakikita kong puwedeng daanan.

    Naalala ko si mama. Kailangan kong makahanap ng puwedeng hingian ng tulong.

    Mas binilisan ko ang paglalakad dahil halos hindi ko na makita ang araw, maya-maya lang ay paniguradong didilim na. Hindi ko kabisa ang lugar, mas malaki pa ang tsansa na maligaw ako at makain ng kung anong mabagsik na hayop kaysa makahingi ng tulong. Kapag minalas baka dito na ako mamatay sa gutom at makakuha ng kung anu-anong sakit. ʼWag naman.

    Habang naglalakad, napayapak ako sa putik kaya nadulas ako. Akala ko hanggang doon lang. Pero nagdire-diretso ako paibaba, nagpagulong gulong ako at ramdam ko ang pagtama ng hindi ko mawari kung bato o ano man sa katawan ko. Hanggang sa bumangga ako sa isang matigas na bagay, natulig ako sa lakas ng paghampas ng ulo ko sa bagay na ʼyon.

Minsan Nga LangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon