George||Edward

2 1 0
                                    

  

    Nakaupo si George sa gilid ng kama niya habang ang mga siko ay nakapatong sa magkabilang hita. Nagngingitngit siya. Kung may papasok man sa kuwarto na ngingiti sa kanya ay baka maisaksak niya sa taong iyon ang lapis na nasa bedside table niya.

    “Split na tayo, George! Sinabi ko na sa ʼyo, ayoko na. Para ka namang hindi nakakaintindi, buti pa si Eddie nakikinig sa akin. Hindi ko nga maintindihan kung bakit kaibigan mo ʼyun e ang laki ng pagkakaiba ninyong dalawa! Just donʼt talk to me and everything is going to be fine. ”

    Kinamot niya ang gilid ng labi, pero mabilis din iyong itinigil, mahapdi kasi ang pasa na naroon. Nagkapalitan kasi sila ni Edward ng suntok kanina lang sa eskwela dahil sa babaeng iyon.

    “Punyetang buhay ʼto, ” wika niya bago hubarin ang sando at ibato ito sa kung saan.

    Alam na niya na may gusto si Edward kay Heidi noon pa man, hindi nito sinasabi pero hindi tanga si George para hindi niya malaman kung anong ibig sabihin ng tingin nito. Lalong lumalim ang gusot sa mukha ni George, hindi naman siya magkakaganito kung hindi niya mahal si Heidi, hindi siya makikipag bugbugan kay Edward kung wala siyang nararamdaman para sa babae.

    Lalong umiinit ang ulo niya dahil sa malakas na tugtog na nagmumula sa radyo ng lola niya, sarado na ang pinto ng kuwarto niya pero parang nananadya ang mundo na patagusin sa kahoy na pinto ang tugtugin dahil rinig na rinig niya iyon.

Habang naninimdim
Lalong nagmamahal
Sa puso kong baliw
Ang langit ay ikaw

    Ipinikit niya ang mata, nagngingitngit pa rin siya. “Tanginang kanta ʼyan, ” bulong niya sa sarili.

    Kung kaya lang niya ay baka napatay na niya si Edward. Umiling siya upang alisin iyon sa isip niya, saka siya dumapa sa kama niya at pinilit ang sariling matulog.

    Hibang ba siya? Patayin si Edward para kay Heidi? Imposible.

———

    “Bakit, Eddie? ”

    Umiling si Eds at tumingin kay Heidi. Hindi niya lang masabi na nakokonsensiya siya sa ginawa kay George, napuruhan kasi niya ito nang magkasuntukan sila.

    Ngumiti naman sa kanya ang babae, para tuloy siyang nabunutan ng malaking tinik.

    Kahit na ganoon ay may parte sa kanya na nababalisa dahil sa nagawa sa kaibigan. Sa kabila nito kahit papaano ay kampante siya dahil pareho ang nararamdaman nila ni Heidi para sa isa't isa.

    Sa puntong iyon ay parang lahat kayang suungin ni Edward, isama na rin ang galit sa kanya ni George. Pero masaya siya ngayon, sariling kaligayahan naman muna ang pagtutuunan niya ng pansin.

    Noong araw ding iyon, nang muling kinumpirma ni Heidi kay George ang pagtatapos ng relasyon nila at ang pag-iisa ng mundo nila ni Edward ay siya ring simula ng pagkakaroon ng lamat sa pagkakaibigan ng dalawa.

    Ilang linggo na rin nang sinabihan ni Heidi na ayaw na niyang makausap si George at kumakalas na siya sa relasyon nila. Hindi niya inaasahan na magkakasakitan ang dalawa, pero ngayong kasama niya si Edward ay masaya siya, pakiramdam niya ay ligtas siya sa mga bisig nito.

    Sa katunayan ilang buwan pa niyang pinag-isipan ang pakikipag hiwalay kay George; maayos naman ang pakikitungo nito sa kanya, hindi siya nito sinasaktan o kung ano man. Iyon nga ang ikinatatakot niya. Hindi siya sinasaktan ng nobyo, pero hindi siya sigurado kung kaya nitong pangatawanan iyon, dahil noong nakaraang buwan lang ay napilayan ang matagal na niyang ex-boyfriend at ang may kagagawan? Si George.

    “Hindi kita sasaktan, Heidi, pero hindi ko alam kung iyon din ang kaya ʼkong gawin sa iba. ”

———

P. S : Ang Daigdig Ko'y Ikaw ni Celeste Legaspi ang pinatutugtog ng lola ni George XD

Minsan Nga LangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon