Syete

5 1 4
                                    

 

BABALA :
Ang kabanatang ito ay naglalaman ng sensitibong paksa.

---

    “George, ano ba?! Kumalma ka muna---”

    Kumunot ang noo ko sa narinig, kagigising ko lang dahil sa mga ingay at lagabog na galing sa unang palapag ng bahay. Boses ni Yanzee ang nangingibabaw.

    “Teka lang! Okay--- teka nga lang! Kumalma kayo! ”

    Pakiwari koʼy may nag-aaway sa baba. Paniguradong si Edward at George. Agad kong dinampot ang cellphone ko at tiningnan ang oras. Malapit nang mag alas-diyes, nasapo ko ang ulo ko, kumikirot nang kaunti dahil siguro sa alak.

    Parang mga bala ng baril na sunod-sunod na lumubog sa sintido ko ang mga nangyari kagabi. Napabalikwas ako ng bangon. Kahit wala naman akong ginawang pisikal ay para akong hinahapo. Tumayo ako at iniwan na ang higaan, hindi ko na tiniklop ang ginamit kong kumot, katabi noon ay ang nakatuping kumot ni Eds na nakapatong nang maayos sa unan niya.

    Dali-dali akong lumabas ng kwarto at naabutan ko sa kusina si George at Edward, sa pagitan nila ay si Yanzee.

    “Baliw ka ba? Pinapalaki mo lang ʼtong problema e, sa ating magkakaibigan ikaw ang bukod tanging taga-dala ng problema sa barkada, ikaw ang laging nagdadala sa atin sa gusot, ” mahinang wika ni Eds, pero bakas doon ang diin.

    “Huwag mo ʼkong pagsalitaan ng ganyan. Alam mo sa sarili mong duwag ka, ayaw mo lang tumanggap ng responsibilidad dito---”

    Pinutol ni Edward ang sasabihin ni George at sarkastikong tumawa. “Responsibilidad? Big word, pare. Ang hirap sa iyo gusto mo lagi kang may karamay, gusto mo kapag nalulugmok ka may mahahatak ka rin pababa. Iba ʼto, George, buhay ang pinaglalaruan mo, malamang ay batas ang kinakalaban mo. ”

    Bumulong si Yanzee para pakalmahin si Edward, doon ako kumuha ng tsansa na bumaba sa hagdan at tapikin si Eds. Bihira kasi sa kanya ang ganito, komprontahin ang problema. Sa huli kasi ay nagsisisi siya.

    “Oo alam ko! Hindi ako tanga, alam kong labag ito sa batas. Pero, Eds, marami akong gustong gawin, kapag nakulong ako wala na naman akong kwenta kay Dad. Ayoko ng ganon, Eds. ”

    Natahimik kaming lahat. Mahigpit ang tatay ni George sa kanya, sa kanilang apat na magkakapatid si George ang laging bagsakan ng galit. Minsan na nga itong pumasok sa eskwela na may pasa sa mukha dahil nabugbog ng tatay, imbes kasi na umuwi dahil half day, nag lagi sa computer shop.

    “Minsan lang naman ako humingi ng pabor sa inyo. Tulong nʼyo na lang ʼto sa akin. Wala namang mangyayari kung walang magsasalita sa atin e, utang na loob, ” sabi nito, paos na ang boses, paniguradong nagpipigil ng luha.

    Pero kasi… hindi ba masyadong malaking pabor ʼyon?

    Pero kaibigan mo naman siya, Juls. Ang magkakaibigan, magkakasalo sa hirap at ginhawa.

    Hirap at ginhawa. Oo, tama naman ʼyun. Para na kaming magkakapatid. Pero hirap at ginhawa ang usapan, nasa kategorya pa ba ng hirap na matatawag ang lahat ng ʼto? Iba ang sigaw ng konsensiya ko, delubyo ʼto. Maaaring wala nang iba pang makaalam kundi kami lang… pero kakayanin ko ba na mabuhay dala ang pagsisisi na hinayaan kong masayang ang isang buhay kahit hindi ko kilala? Kakayanin ko bang pasanin ang konsensiya ko na nagsasabing kahit hindi akin ang mga kamay na bumuo ng krimen, ay isa ang mga mata ko na nagsilbing saksi sa pagtatago ng katotohanan?

    Masyado kang ma-drama, Julian.

    Papatayin ako ng konsensiya ko.

    Edi una mong patayin ang konsensiya mo.

    Umiling si Edward at naglakad papunta sa hagdan. “Tatawag ako ng pulis, sa ayaw o sa gusto nʼyo. Kung makukulong edi makulong. Magkakasama tayo. ” Diretso itong umakyat hanggang sa tapat ng pinto ng kuwarto nila Yanzee, ang pinto nila ay ilang hakbang lang bago ang hagdan.

    Inabot ni George ang pala-pulsuhan ni Eds. “Edward. I'm begging you. ”

    Hinila ni Edward ang sariling kamay. “Masyado ka nang maraming nahingi sa akin. Ako ang sumasalo ng mga akusasyon mo, ako ang nag takip sa butas na iniwan mo sa club, ilan lang ʼyon. Ako na lang lagi ang nakukuhanan, George, ayoko ng ganon, ” pabulong nitong saad.

    Biglang nag-iba ang emosyon sa mukha ni George. “Edward, ikaw ang suwerte! Nasa iyo na lahat, lahat lahat! Ngayon lang ako humingi ng ganito kalaking pabor, bakit ba ayaw mo?! Hindi ka ba nakakaintindi?! ”

    Hinarap ni Edward si George. Pareho kaming nasa ibaba ni Yanzee, nakatingala at nanonood sa susunod na mangyayari.

    “Hindi. Hinding-hindi kita maiintindihan. Makasarili ka, George. At oo, ʼyun ang dahilan kung bakit hindi ikaw ang pinili ni Heidi. ” Tumalikod si Edward.

    Nahigit namin ni Yanzee ang aming hininga. Ilang taon ko nang hindi naririnig ang pangalang ʼyon. Ang dahilan kung bakit may lamat ang pagkakaibigan ni Edward at George.

    Napasigaw si Yanzee nang biglang hilahin ni George si Edward. Hinawakan niya ang kuwelyo ng kaibigan at sunod-sunod na sinuntok.

    “Gago ka. ” Paulit-ulit iyong iwinika ni George habang patuloy na sinusuntok si Eds.

    Nakatayo lang ako roon. Pinapanood kung paano unti-unting magdugo ang mukha ni Eds. Si Yanzee ay umakyat sa hagdan at itinutulak palayo si George, pero hindi nagtagal ang pag-awat niya nang matamaan siya ng siko nito. Sapo niya ang panga na bumagsak sa harap ng pinto.

    “George, tama na, ” sabi ko.

    Hindi ko alam kung narinig nila ʼyun. Hindi ko maigalaw ang mga binti ko. Hindi ko rin maibaling ang tingin ko sa ibang direksyon. Pinanood ko kung paano undayan ng suntok ni George si Eds.

    Hanggang sa huling suntok ay itinulak ni George si Eds sa hagdan, at mabilis itong bumulusok paibaba. Doon lang nagising ang diwa ko nang marinig ko ang pagtama ng ulo ni Edward sa sahig.

    “Eds? Edward… ” Inabot ko ang likod niya at marahang niyugyog.

    Nakadapa ito kaya hindi ko makita ang mukha.

    “Juls… ” daing nito.

    Maya-maya pa ay kumulay na sa tiles ang sariwang dugo mula sa ulo ni Edward.

    “Si… s-si Lolo…” bulong nito bago nagsimulang manginig.

    “Edward?! Edward! ” sigaw ko at pilit siyang niyakap para sana pigilan ang pangingisay ng katawan niya. Pero naramdaman ko rin ang pag-alog ng sarili kong katawan dahil sa sarili kong pag-iyak na pakiwari koʼy rinig sa buong bahay.

    Yakap ko si Edward hanggang sa tumigil siya sa pangingisay.

    Yakap ko si Edward hanggang sa lumamig ang balat niya sa balat ko.

Minsan Nga LangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon