Nuebe

9 1 1
                                    

    Nanatili akong nakaupo sa sofa, ano nang sunod?

    Nagtungo ako sa kusina, nakita ko roon ang kutsilyo na nakalagay sa lababo. Agad kong dinampot ang patalim at pumunta sa bodega. Binuksan ko ang pinto at sinilip ang dalawang katawan na natatakpan ng puting kumot.

    Matapos ʼyun ay mabilis akong nagpunta sa kuwarto namin ni Eds. Isinara ko nang maigi ang pinto at ini-lock.

    Nasisinagan ng araw ang kutson na nasa sahig, magulo ang parte ng kama na hinigaan ko, kabaliktaran sa parte na iniwan ni Edward. Umupo ako roon, hinawakan ang kumot at unan niya.

    Wala na nga talaga si Eds.

    Huminga ako nang malalim bago tumingin sa labas ng bintanang bukas. Kakahuyan ang likod noon. Sabi ni Yanzee sa kaduluhan n'on ay may bakod dahil ang kabilang lupain ay wala nang nagmamay-ari. Sabi niya may bangin daw doon, tapunan daw ng mga pinapatay. Sa tingin ko doon nila dadalahin sila Eds. Mapapasama na siya sa mga katawang nabulok at kinain na ng kalikasan.

    Hindi man lang niya nakita ulit ang Lolo niya.

    Nagmamadali kong kinapa ang cellphone ko at binuksan ito.

    “I miss you mama. ”

    Isinend ko sa kanya ang message na ʼyon. Gusto ko sanang sabihing ʼI love youʼ pero baka isipin niya na may mali, o ʼdi kayaʼy napapaano na ako. Kahit na totoo namang may mali, ayokong pakabahin si mama.

    Pero, siguro nararamdaman ni mama ʼyon ngayon. Nararamdaman niya siguro na nasa panganib si Julian. Ganoon naman kasi kalimitan, nararamdaman ng mga nanay ang papalapit na delubyo. Pero hindi nila alam na delubyo ʼyon. Minsan napagtatanto lang nila na panganib ang sigaw ng puso nila kapag tapos na, kapag may napinsala na. Masakit ʼyun. Mas mabuti na lang siguro na hindi nila maramdaman na may mali, para kahit papaano ligtas sila sa sariling pagsisisi.

    “Sabi ko na nga ba! Dapat pala hindi ko… dapat pala… ”

    Ayokong maramdaman ni mama na may mali, ayokong magkaroon ng posibilidad na sisihin niya ang sarili niya kasi may nangyaring masama kay Julian.

    Huminga ako ng malalim. Buo na ang pasya ko.

    Kinuha ko ang kumot ko, tinupi nang isang beses at saka inilagay sa bibig ko, kinagat ko ito kahit niyakap ako ng ngilo. Itinapat ko sa pulso ko ang kutsilyo.

    “Julian?! Julian, lumabas ka riyan! ”

    Ipinikit ko ang mata ko at idiniin ang kutsilyo sa balat ko, mabilis ko itong pinadaan sa pulso ko. Nakagat ko nang maigi ang kumot. Agad na nanginig ang kanang kamay ko na may hawak ng kutsilyo.

    Isang malakas na lagabog ang narinig ko sa labas ng pinto. Kasunod ang boses ni Yanzee.

    “Tangina, Julian! Lumabas ka diyan! ”

    Sunod-sunod na lagabog ang narinig ko, gumagalaw ang pinto paloob, malamang ay itinutulak niya ito. Natigil ang ingay at sinundan ng pagpukpok, sinisira na yata niya ang pinto.

    Umiling ako at muling itinutok ang ang kutsilyo sa pulso, sa ibaba ng sariwang sugat ko idinikit ang talim ng kutsilyo. Mapurol ang patalim kaya hindi masyadong malaki ang sugat pero masakit sa balat.

    Dahan-dahan kong ibinaon ang kutsilyo sa balat ko. Nanlamig ang pakiramdam ko nang unti-unting tanggapin ng balat ko ang talas ng hawak kong panghiwa. Mabilis kong pinadaan sa pulso ko ang kutsilyo, pero mukhang mas napalalim ang sugat ngayon dahil sa gulat ko nang biglang bumukas ang pinto.

    Isang suntok sa pisngi ang natanggap ko, nailuwa ko ang kumot, nalaglag sa kamay ko ang kutsilyo at mabilis ako napahiga sa kutson.

    “Julian, anong ginawa mo?! ” sigaw niya at inundayan ako ng suntok.

    “Papunta na sila rito, Juls… tangina… sabi ko na nga ba… ikaw… ”

    Tumigil siya sa pagsuntok at hinila ako paupo, naramdaman kong hinawakan niya ang pulso ko.

    “Magpapakamatay ka?! Julian, gago ka ba?! ”

    Narinig ko na itinapon niya ang kutsilyo sa kung saan, kasunod noon ay ang sunod-sunod na pagsuntok. Nakaibabaw na siya sa akin at pinauulanan ng kamao niya ang mukha ko.

    “Yanzee! Tulungan mo ʼko dito! ” sigaw ni George.

    Maya-maya pa ay umalingawngaw na ang sirena ng mga pulis. Muli kong narinig ang sigaw ni George sa ibaba. Unti-unting humina ang pagsuntok niya Yanzee, muli niya akong hinila paupo.

    Naramdaman ko ang pagbalot ng braso ni Yanzee sa akin. Niyakap niya ako nang mahigpit. Nangibabaw sa pandinig ko ang pag-iyak ni Yanzee.

    “Sorry, Julian… so-sorry… ayoko na… ”

    Naduduling na ako at bumibigat na rin ang mukha ko, siguro dahil sa pagsuntok ni Yanzee sa akin. Kinapa ko ang likod niya at niyakap siya pabalik. Alam ko, hindi ko dapat siya niyayakap ngayon, pero sa tingin ko parehas naming kailangan ʼyon. Para sa akin, ito ang pinaka angkop na desisyon.

    “Patayin mo na ʼko Yan---”

    Lalong lumakas ang pag-iyak niya. “Juls a-ayoko… ayoko ng gan-ganon… ”

    Narinig namin ang mga lagabog sa labas at ang boses ng pag-alma ni George.

    May dinukot si Yanzee sa bulsa niya at ibinalot iyon sa nagdurugo kong sugat sa pulso. Kumalas siya sa pagkakayakap.

    “Diyan ka dumaan sa bintana, Juls. Umalis k-ka na… please. ” Tinulungan niya akong tumayo at saka siya pumunta sa pinto.

    “Yanzee. ”

    Lumingon siya, tumango lang ako, ganoon din ang ginawa niya bago tuluyang lumabas at isinara ang sirang pinto.

    Tumalon ako sa bintana, hindi ko alam pero wala akong maramdaman. Nang tumayo ako ay may kirot sa bandang balakang ko pero hindi iyon sapat para sabihin kong may bali ako o kung ano man.

    Narinig ako ang boses ni George at ang pagpasok ng mga tao sa bahay at ang pagbukas ng pinto, at ang sunod-sunod na pagsigaw.

    “Bitawan nʼyo ʼko! ” sigaw ni George nang ilang beses.

    Tuloy-tuloy akong naglakad hanggang sa makaabot ako sa masukal na parte ng kakahuyan habang nanalangin na walang makakita sa akin.

    Nakaabot ako sa bakod na yari sa mga tabla, luminga ako para masigurong ako lang mag-isa sa lugar na iyon bago sipain nang paulit-ulit ang bakod. Hindi agad ito nasira dahil nanlalambot na ako pero nang bahagya itong gumawa ng espasyo ay ginamit ko ang buong lakas ko para palakihin iyon. Pumasok ako sa ʼdi kilalang lupain hanggang sa unti-unting dumilim ang langit at nagsimulang bumuhos ang ulan.

    “Magkasama sana tayo ngayon, Eds, ” bulong ko.

    Marahil, narinig yata ni Eds ang sinabi ko, dahil isang malakas na pagkidlat ang nagpa-ilaw sa langit. Ngayon ay hindi ako napatalon sa gulat o takot, napangiti lang ako habang unti-unting naghalo ang ulan at luha sa aking pisngi.

   

Minsan Nga LangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon