KLEIN's POV
-"Hindi ka pa uuwi?"
Kinuha ko ang gamit sa loob ng locker at inayos iyon. Nasa tabi ko si Ripley na seryosong nakatingin sa akin. Nakasalpak na sa tenga niya ang headphone niyang wala namang kantang nagpe-play doon.
"Mamaya na siguro," tipid na sagot ko sa kanya. Inaantok na ako at wala na sa mood makipag-usap o asaran man lang.
"Sigurado ka?"
I sighed. Ang kulit niya talaga.
"Ripley, I'm fine. May paa ako. Kaya kong umuwi mag-isa." Hindi ko na napigilang mainis sa tanong niya. Pumipitik na rin ang ugat ko sa sentido dahil ramdam ko na ang pagod at antok.
"I just wanted to make sure you're okay." Seryoso na rin siyang pinagmamasdan ako.
"Okay lang ako. Umuwi ka na. Kaya ko ang sarili ko." Iyon lang at umalis na ako sa harap niya. Mukhang napagod din siyang kulitin ako dahil hindi na siya sumunod sa akin hanggang sa sleeping quarters na nasa second floor ng office. Pumasok ako at tinungo ang isang bed saka humiga. Kahit isang oras lang akong makatulog ay ayos na. Ayokong umuwi nang masakit ang ulo.
Pumikit ako at saglit lang ay hinila agad ng antok.
Nang magising ako ay saktong six thirty am na. Bumangon ako bago kinuha ang gamit ko saka lumabas ng sleeping quarter. Kahit paano ay nawala ang sakit ng ulo ko nang makatulog. Tinungo ko na ang elevator at pinindot ang down button. Mga five minutes siguro akong naghintay hanggang sa bumukas iyon. Tila naging slow motion pa ang pagbukas dahil si TL Roscoe at TL Aria ang sakay ng elevator. Nakahawak pa si TL Aria sa braso ni TL Roscoe nang tuluyang magbukas ang elevator. Hindi na sana ako sasakay pero may kung anong nagtulak sa akin para pumasok. Ngayon ay tatlo na kaming sakay ng elevator. Nasa likod ko silang dalawa. Ang lakas ng tibok ng puso ko habang hinihintay bumaba sa Lower Ground ang elevator.
"Sabi ni Mama nagluto siya ng paborito mong chicken curry. See? My mother loves you." Dinig kong wika pa ni TL Aria ngunit wala naman akong narinig na sagot kay TL Roscoe.
"Saka nga pala, next week kasi birthday ni Uncle. 'Di ba nakita mo na sila nung nasa Pangasinan tayo? Invited ka raw sa birthday niya. Sama tayo please?"
Totoong si TL Roscoe at Aria na nga.
Mahigpit kong hinawakan ang bag na dala ko at hiniling na sana ay bumilis ang pagbaba ng elevator. Hindi ako komportableng kasama sila.
"I'll check my schedule first, Aria."
"Sige. Sana makasama tayo. Miss ka na raw nila."
Nang bumukas ang elevator ay nagmadali na ako sa paglabas at nauna sa kanila. Saktong may dumaang taxi kaya pinara ko agad iyon at sumakay.