Chapter 5: Ang Munting Kapistahan

907 0 0
                                    

Paulit-ulit na ang pag-bisita ko sa aking mga “panaginip.” Marami akong nalalakad na mga lupain, natatanaw na mga magagandang tanawin, at namumuhay na tila nasa isa akong paraiso. Karaniwan akong nakakabisita sa isang magubat na lugar, na kung saan marami akong natutuklasang mga bagay na mayroong koneksyon sa mga pangyayari sa mga sumusunod na araw. Nakakabilib! Pero nasasanay na rin ako sa tuwing mapapadpad ako sa mga iba't-ibang lugar. Biruin mo, halos araw-araw na yata akong nakakabisita sa mga pantasyang ito. Sino ba namang hindi masasanay ng ganun?

Ilang araw ang lumipas, sumapit ang aking ika-14 kaarawan. Ika-apat ng Agosto, binati ako ng aking mga kaibigan sa aming recess time.

“Happy Birthday!” bati sa akin ni Ash tsaka ni Rodolfo.

“Salamat mga pare,” sinabi ko sa kanila.

Nilapitan ako ni Billy, at nag-abot ng isang Angry Bird na stuffed toy.

“Ano to dre?” tanong ko sa kanya.

“Stuffed toy, baliw! Hahaha regalo ni Jay yan sayo,” sinagot niya sa akin.

“Jay?”

“Hindi mo naaalala? Yung batang laging sumasama sa atin last schoolyear?!”

“Ahh...oo. Naalala ko na, haha!”

Pagkatapos ng aming pag-uusap ay sabay kaming kumain ng aking mga kaibigan. Kami ay nag-uusap hanggang sa nilapitan ako ni Anna. Matagal na din nung huli kaming nagka-usap. Naalala ko yun, dahil huli kaming nag-usap sa panaginip tungkol sa salaming bundok na naging halimaw. Medyo busy na kasi siya sa kanyang sinalihang club. Babatiin niya kaya ako?

“Uy Gerald!” sinabi niya sa akin ng naka-ngiti. Binati nga ako.

“Anna! Ikaw pala yan,” aking sinabi nang makita ko siya.

“Hehe. Umm.. Maligayang kaarawan, ah?” bati nniya sa akin, nakangiti.

“Salamat, Anna,” Grabe! Hindi ko inaasahang babatiin niya ako.

“Walang anuman, Gerald. Matagal na kasi tayong hindi nagkausap eh,” sinabi niya sa akin.

“Kaya nga eh, huli yata tayong nag-usap sa isang panaginip.”

“Panaginip?” nagtaka siya.

“Diba ikaw pa nga nagsabi sa akin nun? Nasa isa tayong gubat tas.. ikaw.. ahh.. ehh..” aking sinabi habang inaalala ang mga nangyari sa panaginip na yun.

“Nagbibiro ka, noh?”

“Pasensya, medyo stress utak ko ngayon eh,” sabi ko sa kanya.

“Okay lang yun! Naaalala ko lang ay hinatid mo ko pauwi  tapos inamin mo sa akin ang nararamdaman mo sa akin, haha!” sinabi niya sa akin.

“Hayys. Ganun ba? Pasensya talaga ah...” sinabi ko sa kanya.

Umupo siya sa aking tabi, at sinabi,

“Okay lang yun, Gerald. Wala namang masama kung aamin ka eh. I understand. Pero mahal naman kita as a friend, at proud akong sabihin yun.”

“As a friend?” tinignan ko siya sa mata.

“Oo. Dahil minsan tuwing may kinukwento ako sa iyong malungkot na pangyayari, napapangiti mo ako. At kung kinakailangan ko ng tulong, palagi kang handa upang tumulong. Ngunit hindi ako para sa iyo, Gerald. Sana maintindihan mo.”

Hindi ko na alam kung ano ang aking sasabihin. Pinagpatuloy ko na lang ang aking pagkain, pero may isang tanong na umiikot sa ulo ko na miski ako hindi ko masagot. Talaga bang siya ang nakausap ko sa aking panaginip? O kaya... hayys. Panaginip nga lang pala yun. Ngayon ko lang naintindihan, na ang mga nakikita kong mga pantasya ay talaga ngang konektado sa kung ano ang mangyayari sa mga araw na darating.

Habang kumakain kami nila Billy, Tristan, Ash, Rodolfo at ni Anna sa isang upuan, nagbago na naman ang paligid, at pati rin ang aming la mesa! Mula sa canteen, nagbago ang itsura ng paligid at ito’y naging isang pista sa dining room ng isang kastilyo. Kumakain pa rin kami, ngunit iba din ang aming kinakain bago magbago ang paligid. Sa “panaginip” na ito, si Billy ay nakasuot ng isang cape na kulay asul. Si Trisitan naman ganun din, ngunit ito’y kulay itim na tila anino ang kulay nito. Naiiba sila Rodolfo at si Ash dahil sila’y nakasuot ng armor ng mga knights. Nasa mesa kaming lahat, pati rin si Anna, na naka-puting toga, at may sampaguita sa kanyang buhok. Binati nila ako.

“Maligayang kaarawan!”

“Happy birthday!” muli nilang bati sa akin, habang itinataas ang kanilang mga gintong chalice.

Aking tuwa dahil kahit sa pantasyang ito ay dama ko pa rin ang sigla ng aking kaarawan. Ito’y isa sa aking hindi makakalimutang pantasya. Nagkausap kaming lahat.

“Ang sarap ng kinakain natin, pare!” sabi ni Rodolfo kay Billy.

“Bakit? Ngayon ka lang ba nakatikim ng pagkain?” tanong ni Billy kay Rodolfo. Eto na naman si bestfriend, mangti-trip.

“Ayan na naman kayo, haha!” sabi ni Anna sa sarili niya.

“Okay yung pagkain natin ngayon, birthday boy!” sabi ni Ash sa akin.

“Salamat sa opinyon mo sa lasa ng mga pagkain, Ash,” aking sinabi sa kanya.

Nag-usap usap kami habang kumakain, nang may isang alilang pumasok sa dining room. Makikita sa kanyang mukha na may dala itong masamang balita. Ano kaya ito?

“Gerald!”

“Ano yun?” tinanong ko siya.

“Kung hindi po ako nakakaistorbo sa iyong pagkain, nais ko lang po ibalita na napapalibutan ng mga masasamang kawal ang kastilyong ito.”

“Masasamang kawal? Nino?”

Hindi nasagot ng alila ang aking tanong, ngunit naglabas ito ng isang munting salamin, at iniabot ito sa akin.

“Tignan mo po ang salamin,” kanyang utos sa akin. Ginawa ko ang kanyang sinabi. Nakita ko ang aking sarili, pati na rin ang kainan, at si Tristan kumakain ng baboy. Ano kayang ibig-sabihin nito?

“Hindi ko po alam kung kaninong kawal, pero kailangan natin silang paalisin sa kahariang ito.”

Nang marinig ang sinabi ng alila, agad kong kinuha ang espadang nakasandal sa pader ng dining room, at sinabi ko sa aking alila na ako na mismo ang lalaban sa mga kawal.

Tumakbo ako palabas ng kastilyo. Nanlaki ang aking mga mata nang makita ang batalyon ng mga kawal, ngunit hindi ako nawalan ng katapangan. Inayos ko ang aking buhok, tapos iniangat ko ang aking espada. Nagsimula silang tumakbo papunta sa akin, habang patakbo din ako papunta sa kanila.

“Humanda kayong lahat sa akin!!!” aking sigaw sa kanila.

Tumalon ako sa ere, at sa aking paglapag sa lupa ay tinamaan ang isang kawal. Duguan itong bumagsak. Pagkatapos ay sinunod-sunod ko silang patumbahin gamit ang aking espada. Sa aking pag-atake, marami akong napapatumba. Nakakapagod ang umatake habang pinoprotektahan ang aking sarili, ngunit hindi nila ako napatumba. Kahit na pinalibutan nila ako, wala man lang kahit isang naka-sugat sa akin. Matagumpay ko silang natalo.

“Maligaya nga ang aking kaarawan,” sabi ko sa aking sarili nang ma-enjoy ko ang aking pagtagumpay. Ibinaba ko ang aking espada.

Ipinikit ko ang aking mata, at huminga ng malalim. Pagkadilat ko ay nasa eskwela ulit ako, nasa pila na ng section namin. Katabi ko si Tristan sa pila, at nakatitig pa sa akin na para bang kanina niya pa ako pinagmamasdan.

“Anong problema mo?!” tanong ko sa kanya ng pasigaw.

“Kanina ka pa kasi nakatulala pinsan eh, parang may iniisip ka na namang kung ano-ano diyan,” sagot niya sa akin.

“Adik ka rin eh! Sayo ko kaya sabihin yan?” sinigaw ko sa kanya.

“Chill lang bro, eto naman oh, di mabiro.”

“Sorry bro. Inaantok lang yata ako.”

“Okay lang yan!” kanyang sinabi sa akin.

Pagkatapos ng aming pag-uusap ay pinabalik na kami sa aming mga pila. Napa-isip ako sa naganap na laban kanina sa aking pantasya. Ano kaya ang ibig-sabihin ng mga kawal na aking nakalaban? Sino ang kumokontrol sa kanila? Para saan ang iniabot ng alila na salamin? Hayys. Ang  dami kong tanong. Hahaha! Pero nais ko pa rin na sana masagot ko lahat ng mga ito sa lalong madaling panahon. Whew!

Eskwela PantasyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon