31

11.1K 740 678
                                    

• 🏐 •

Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko. Hindi rin maalis ang tingin ko kay Nico na kalmadong tuwid na tuwid ang pagkakaupo ro'n habang diretso rin ang tingin kina nanay at tatay. Ang tanging gumagalaw na lang yata sa 'kin ang ay ang puso ko na mabilis na kumakabog.

Sobrang dami ring tumatakbo ngayon sa isip ko. Alam... na nina nanay na boyfriend ko si Nico? Kanina lang ba nila nalaman? Pero paano? Nakita ba nila kami na nasa iisang kama? Minsan kasi tuwing umaga ay pumapasok si nanay sa kwarto ko. O baka naman... sinabi na ni Nico sa kanila?

Hala. Sinabi ba niya na... hindi pinapaalam sa 'kin?

Akala ko, ako ang magsasabi?

Akala ko, 'wag kaming magmamadali na sabihin iyon?

Hindi ko talaga magawang igalaw ang mga paa ko papunta sa kanila. Nakasilip lang ako ro'n at hindi ko rin alam kung bakit. Ang alam ko lang ay sobrang kinakabahan ako ngayon dahil hindi naman ito basta-bastang balita na nalaman nila. Higit pa sa relasyon namin ni Nico ay tungkol ito sa 'kin... sa kung sino ako.

Alam ko rin namang darating ang araw na 'to pero hindi ko inakalang ganito kabilis. Halos wala pa kaming tatlong linggo ni Nico bilang mag-boyfriend. Halos wala pang isang buwan simula nang maging maliwanag sa 'kin kung ano ang sexuality ko. Gusto ko sanang magkaro'n pa ng mas maraming kaalaman tungkol do'n pero sa nangyayari ngayon, hindi ako nagkaro'n ng pagkakataon na gawin iyon.

Pero tanggap ko ang sarili ko. Tanggap ko ang lahat sa 'kin. Tanggap ko ang nararamdaman ni Nico at ang nararamdaman ko rin para sa kaniya. At ilalaban ko iyon.

Siguro, ang hinihiling ko lang ay bigyan pa ako ng oras. Ng panahon para mag-ipon ng lakas ng loob lalo na pagdating sa mga taong malalapit sa 'kin.

Pero ito na nga, hindi natupad ang kaisa-isang hiling ko.

At lumalabas ang hindi ko pagiging handa sa ganitong sitwasyon sa nakikita kong malamig na ekspresyon sa mukha ni nanay habang si tatay naman ay marahan ang tingin sa kaniya na may kasamang pag-aalala.

Dumoble ang kaba sa dibdib ko.

Naramdaman ko rin ang kurot sa puso ko.

"Kailan pa... naging kayo ni Sebastian?"

Halos manginig ako sa lamig ng boses ni nanay. Kapareho iyon ng lamig ng ekspresyon sa mukha niyang palaging malambing sa 'kin.

"Naging kami po no'ng bago siya umuwi rito," sagot naman ni Nico, walang bakas ng kaba sa boses.

Bahagyang nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. At kasabay no'n ay nagtama ang mga tingin naming dalawa. Napaayos lalo siya ng upo at napaawang ang labi.

"Seb..." marahang tawag niya sa 'kin.

Napalingon sa 'kin sina nanay at tatay at iyon yata ang kanina pa hinihintay ng mga paa ko para gumalaw. Napayuko ako at dahan-dahang naglakad palapit sa kanilang tatlo. Ramdam na ramdam ko ang mga mata ng mga magulang ko sa 'kin pero hindi ko na sila binalikan ng tingin hanggang sa maupo ako sa tabi ni Nico.

Si Nico na hindi na rin ako nilulubayan ng tingin.

At kahit kabado ay binigyan ko siya ng maliit na ngiti. Hindi niya iyon sinuklian pero gusto kong malaman niya na ayos lang ako. Na ayos lang kami. Na magiging maayos ang lahat.

Kahit na malakas ang kutob kong hindi maganda ang kalalabasan ng pag-uusap na 'to.

Inalis ko ang tingin sa nag-aalala kong boyfriend at binaling iyon sa mga magulang ko. Si tatay na maliit na ngumiti sa 'kin kaya kahit paano ay kumalma ako. At si nanay na nagpabalik ng kaba ko sa pabalik-balik niyang tingin sa 'ming dalawa ni Nico.

Jersey Number NineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon