32

23K 843 1.2K
                                    

TW: sexual assault, violence

• 🏐 •

"Salamat po," sabi ko kay tatay pagkatapos niya akong bigyan ng isang basong tubig.

Ginulo niya lang ang buhok ko saka tumabi ulit sa 'kin dito sa terrace. Uminom ako nang kaunti saka pinatong ang ulo ko sa balikat niya habang pareho naming tahimik na tinitignan ang maulap na langit.

Hindi ko alam kung ilang minuto ba akong umiyak lang habang yakap ni tatay kanina. Wala na siyang ibang sinabi at hinayaan lang ako na ilabas ang sama ng loob ko sa mga sinabi ni nanay. At sa totoo lang, kahit paano ay gumaan ang nararamdaman ko.

Hindi na yata mawawala iyong sakit at lungkot sa 'kin nang malaman na hindi tanggap ni nanay kung ano ako at ang relasyon namin ni Nico pero sobrang nagpapasalamat pa rin ako na nandito si tatay sa tabi ko. Na bukod kay Nico ay may kakampi pa pala ako sa mga bagay na bago pa lang sa 'kin.

Kasi hindi ko yata kakayanin kapag pati si tatay ay ayaw rin sa 'kin.

"Tatay..." sabi ko pagkaraan ng ilang minutong katahimikan.

"Ano iyon, 'nak?" Marahan ang boses na tanong niya.

Huminga ako nang malalim. Hindi ko pa talaga nasasabi nang diretso sa kaniya ang tungkol sa sexuality ko at sa tingin ko ay ito na ang tamang oras para ro'n. Oo, may ideya na siya dahil alam na niyang boyfriend ko si Nico pero mas maganda pa rin kung pormal kong sasabihin.

"Bading po ako," sabi ko.

Hindi sumagot si tatay pero naramdaman kong sinandal niya ang ulo niya sa ulo kong nakapatong pa rin sa balikat niya.

"Nito ko lang po, uhm, na-realize."

Katahimikan ulit. Pero hindi nakakailang o nakakakaba ang katahimikang iyon. Para sa 'kin, sobrang sarap sa pakiramdam ng mga oras na iyon kasi sa wakas ay nasabi ko na. Hindi ako nakahinga nang maluwag dahil mabigat sa dibdib dalhin ang bago kong natuklasan tungkol sa sarili ko pero dahil sa nasabi ko iyon sa isa sa mga pinakaimportanteng tao sa buhay ko. At magaan na sa loob ko dahil alam kong hindi ako huhusgahan ni tatay.

Kaya naman no'ng inakbayan niya ako gaya ng ginagawa niya no'ng bata pa lang ako kapag napapagalitan ni nanay ay napangiti agad ako.

"Anak," aniya.

"Tatay," sagot ko.

"Ito palagi mong tatandaan ha? Palaging proud si tatay sa 'yo."

Hindi agad ako nakasagot. Naramdaman kong nagluluha na naman ako pero pinigilan ko agad kasi ayoko nang maiyak kahit alam ko namang patatahanin ako ni tatay. Ayoko kasing iyong umiiyak kong mukha ang maalala niya since babalik na ako ng Maynila bukas at ilang buwan ulit bago kami magkita.

Pero buti na lang talaga at nandito si tatay.

"H-Hindi ka po galit?" Tanong ko saka umayos ng upo para tignan ko si tatay. Naabutan ko siyang saglit akong nilingon saka sumandal sa upuan at pinagmasdan ang panggabing langit.

"Bakit naman ako magagalit?"

"Kasi po... bading ang bunso n'yo?"

"Ano namang nakakagalit do'n?"

"E, bakit po si nanay, galit?"

"Hindi galit ang nanay mo. Maniwala ka sa 'kin," sagot niya saka ako tinignan ulit sabay gulo sa buhok ko. "Nabigla lang iyon pero alam kong magkakaayos din kayo. Bigyan mo lang siguro ng kaunting panahon ang nanay mo, 'nak. Alam mo naman ang isang iyon. Masyadong konserbatibo sa mga bagay-bagay. Akala niya, hindi umiikot ang mundo. Akala niya, mali na kapag taliwas sa paniniwala niya. E, paano naman ang paniniwala ng iba? Paano naman ang nararamdaman ng iba?" Bumuntong hininga siya saka ako nginitian. "Kailangan lang natin ipaintindi sa kaniya ang mga bagay-bagay, 'nak. Kapag ayaw pa rin niya, aba, aawayin ko siya."

Jersey Number NineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon