Chapter 12

325 24 7
                                    

UNEDITED

*****

"PAHINTAY lang po, Itay. Kukuha lang po ako ng pambayad sa loob," wika ni Thalia sa matandang lalaki na nagpasakay sa kanya patungo sa mansion.

"Huwag na, anak. Hindi naman ako namamasada ngayong araw. Nagkataon lang na dito ang daan ko kaya isinakay na kita nang makita kita kanina sa tabing daan," wika ng ginoo na ikinangiti ni Thalia.

"Salamat po kung ganoon, Itay. Mag-iingat ka po sa daan," nakangiting wika ni Thalia. Ngumiti sa kanya ang matandang lalaki at tumango bago nito muling pinatakbo ang tricycle na sinakyan niya patungo sa mansion. Kumaway pa siya sa papaalis na ginoo hanggang sa tuluyan itong mawala sa paningin niya.

Humarap si Thalia sa malaking gate ng mansion bago pinindot ang doorbell sa gilid niyon. Maaga pa pero sigurado siyang gising na ang mga tao sa mansion lalo na ang Nanay Betty niya. Hindi siya sigurado kung nakabalik na ang pamilya ng kanyang ama buhat sa bakasyon pero umaasa siya na sana ay wala pa ang mga ito sa mansion dahil sigurado siyang mapaparusahan na naman siya oras na malaman ng kanyang ama na ilang araw siyang nawala. Baka akalain ng mga ito na tumakas siya.

"Nanay Betty! Ako po ito, si Thalia! Pabukas po ng gate! Nakabalik na po ako!" sigaw ni Thalia habang sunod-sunod na pinipindot ang doorbell.

Habang naghihintay sa labas ng gate ay bumalik sa isipan ni Thalia ang tatlong lalaki na tinakasan niya, si Matthew at ang kambal na sina Warren at Darren. Kanina pagkagising niya ay sinamantala niya ang pagkakataon na tulog pa si Matthew na kasama niya sa kuwarto para bantayan siya. Walang ibang tao sa loob ng bahay nang makalabas siya sa silid ng binata kaya malaya siyang nakalabas ng bahay na walang nakakahuli sa kanya. Hindi rin niya nakita ang kambal at wala siyang nakitang kahit na isang nagbabantay sa loob at labas ng bahay. Tila nagsinungaling lang sa kanya si Matthew nang sabihin nito noon sa kanya na maraming nagbabantay sa labas para hindi niya subukang tumakas.

Nang tuluyang makalabas sa bahay si Thalia ay hindi niya alam kung saan at aling direksyon ang tatahakin niya dahil hindi niya alam ang lugar na kanyang kinaroroonan. Hindi niya alam kung saan ang daan pabalik sa mansion at hindi niya rin alam ang lokasyon niyon. Ito ang isa sa ikinatatakot niya kaya hindi siya tumakas sa mansion dahil wala siyang alam pagdating sa labas.

Habang nasa labas ng bahay si Thalia kung nasaan ang tatlong lalaki, nagdadalawang-isip siya kung itutuloy pa ba niya ang kanyang pagtakas. Natatakot siya na baka kung anong masamang mangyari sa kanya oras na lumayo siya sa lugar na iyon. Pero nang maisip ni Thalia ang kanyang Nanay Betty ay nagdesisyon siyang lisanin ang lugar kung nasaan ang tatlo. Bahala na kung anong mangyari sa kanya at kung saan siya mapunta pero kailangan niyang makabalik sa mansion dahil sigurado siyang sobrang nag-aalala na ang ginang sa kanya.

Kahit hindi sigurado ay tinahak ni Thalia ang daan sa kanyang kaliwa kahit na hindi niya alam kung saan siya dadalhin niyon. Naglakad lang siya nang naglakad hanggang sa makalayo siya sa bahay na kinaroroonan ng tatlong binata. Halos kalahating oras din siyang naglalakad nang may isang tricycle ang tumigil sa tapat niya sakay ang isang ginoo na tinanong kung saan siya pupunta.

Nang sabihin ni Thalia na sa mansion ng mga Agustin siya tutungo ay pinasakay siya ng ginoo dahil sa direksyong iyon din daw ito dadaan. Noong una ay nagdalawang-isip pa si Thalia kung sasakay ba siya o hindi dahil hindi niya kilala ang matandang lalaki pero sa huli ay sumakay pa rin siya. Dahil bukod sa hindi niya alam kung saan ang lokasyon ng mansion, malayo rin daw 'yon ayon dito. Sa tingin naman niya ay mapagkakatiwalaan ang ginoo dahil mukha naman itong mabait at hindi naman siya nagkamali daw inihatid siya nito sa mansion. Medyo nakakuwentuhan pa niya ang ginoo habang nasa biyahe sila.

TAINTING HER INNOCENCE (R18+)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon