Chapter 20

535 27 12
                                    

UNEDITED

******

HINDI napigilan ni Thalia ang hindi mamangha nang makapasok siya sa silid na dating tinutuluyan niya. Ibang-iba na iyon kumpara noong doon pa siya natutulog. At pakiramdam niya ay para na siyang nasa isang silid-aralan habang nililibot niya ng paningin ang kabuuan ng kuwarto.

"Ito ang magiging study room mo. Dito ka tuturuan ng magiging tutor mo," wika ni Matthew na kasalukuyang nakatayo sa kanyang likuran. Dinala siya roon ng binata dahil may sorpresa raw ito sa kanya at totoong nasorpresa siya sa ipinakita nito. Wala sina Warren at Darren dahil umalis ang mga ito pagkatapos nilang kumain ng almusal.

"Study room? Tutor?" kunot-noong tanong ni Thalia sa binata.

"May kinuha akong tao na magtuturo sa 'yo. Dito ka sa kuwartong ito mag-aaral," sagot ni Matthew dahilan para saglit na matigilan si Thalia. Hindi niya inaasahan ang sinabi nito.

"Talaga po!? Mag-aaral ako!?" hindi makapaniwalang tanong niya at para siyang batang napatalon-talon nang tumango ang binata. At dahil sa tuwa ay nayakap pa niya ito na ikinatawa ni Matthew.

"Salamat po! Maraming-maraming salamat po!" wika ni Thalia at hindi na niya napigilan ang pagpatak ng luha dahil sa sobrang tuwa dahil sa wakas ay makakapag-aral na siya. Isa iyon sa kinainggitan niya noon kay Bettina dahil nakakapag-aral ito samantalang siya ay hindi makalabas sa mansion. Nagpaalam rin siya noon sa kanyang ama noong bata pa siya na gusto niya ring mag-aral katulad ni Theo at Bettina pero napagalitan lang siya nito.

"Huwag kang umiyak, my Thalia..." pagpapatahan sa kanya ni Matthew. Hinawakan nito ang magkabila niyang pisngi at pinunasan ang kanyang mukha na basa sa luha.

"Masaya lang po ako. Isa po ito sa gusto ko noong bata pa ako. Gusto ko ring mag-aral katulad ng mga kapatid ko para matuto rin ako," wika ni Thalia habang patuloy sa pagbagsak ang kanyang mga luha. Pinipilit niyang kumalma pero dahil sa labis na emosyon ay hindi niya maampat ang kanyang mga luha. Kusa iyong lumalabas dahil sa labis na emosyon, sa sobrang tuwa at pagbabalik-tanaw noong bata pa siya.

"Pasensiya na kung sa ngayon ay dito ka lang muna mag-aaral. Lalo kasing magiging komplikado para sa 'yo kung sa school kita pag-aaralin. At isa pa ay hindi ka pa puwedeng lumabas sa ngayon," malumanay na wika ni Matthew na sunod-sunod na ikinailing ni Thalia.

"Ayos lang po, naiintindihan ko. Ang mahalaga po sa akin ay matuto lang ako. Kahit po hindi ako makapagtapos o kahit po hindi ako makatapak sa paaralan ang mahalaga lang po sa akin ay 'yong hindi ako manatiling ganito na walang alam. Gusto ko lang pong matuto," wika ni Thalia na ikinahinga nang malalim ng binata. Muli siya nitong niyakap at naramdaman din niya ang paghalik nito sa ibabaw ng kanyang ulo.

"Huwag kang mag-alala dahil unti-unti kong ibibigay sa 'yo ang lahat ng gusto mo. Sasamahan kita sa pag-abot ng mga pangarap mo," wika ni Matthew at mas hinigpitan pa ang pagkakayakap sa kanya.

Pagkatapos isa-isang tingnan ni Thalia ang mga gamit sa loob ng dati niyang kuwarto na ngayon ay magiging study room na niya ay lumabas sila ni Matthew para hintayin sa salas ang pagdating ng magtuturo sa kanya. Lalo siyang nakaramdam ng pananabik nang sabihin nito sa kanya na ngayong araw na magsisimula ang pag-aaral niya. At hindi siya mapakali habang naghihintay dahil sa pananabik na kanyang nararamdaman. Sabik na siyang mag-aral, sabik na siyang matuto.

Nang makarinig ng tunog ng paparating na sasakyan ay mabilis na tumayo si Thalia at patakbong lumapit sa pinto para doon maghintay. Hindi nagtagal ay may isang ginang na pumasok sa gate na agad na dumapo ang paningin sa kanya. Nginitian siya nito kaya gumanti rin siya ng ngiti sa ginang bago siya naglakad palapit rito para salubungin ito.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 26 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

TAINTING HER INNOCENCE (R18+)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon