Chapter 11

365 24 4
                                    

UNEDITED

*****

MABILIS na pinaghiwalay ni Matthew ang mga labi nila ni Thalia nang bigla siyang matauhan sa kanyang kapusukan. Kumunot ang noo ng dalaga habang inosenteng nakatingin sa kanya at bakas ang pagtataka nito sa mukha. Tila nagtataka ito kung bakit siya huminto sa pag-angkin sa labi nito.

Huminga si Matthew nang malalim bago niya marahang inalalayan si Thalia paalis sa ibabaw niya. Bumangon siya at umupo sa kama katulad ng dalaga. Hindi niya magawang tumingin sa mga mata nito dahil sa kanyang kapangahasang ginawa, sinamantala niya ang pagiging inosente nito. Pinagalitan ni Matthew ang sarili dahil nagpadala siya sa bugso ng damdamin niya para kay Thalia.

Namayani ang katahimikan sa pagitan nila, parehong walang kibo habang nakaupo sa ibabaw ng kama. Hindi na mabilang ni Matthew kung ilang buntong-hininga na ang pinakawalan niya habang pinakikiramdaman si Thalia sa tabi niya. Hanggang sa hindi na siya nakatiis at lakas-loob na nag-angat ng tingin sa dalaga na kasalukuyan palang nakatingin sa kanya dahilan para magkasalubong ang kanilang mga mata. Hindi pa rin nawawala ang kunot sa noo nito habang inosenteng nakatingin sa kanya. Muli siyang bumuntong-hininga.

"Dito ka lang. Kukunin ko lang ang mga gamit mo sa kuwarto sa ibaba," wika ni Matthew bago muling nag-iwas ng tingin kay Thalia. Kita niya ang pagtango nito sa peripheral vision niya.

Umalis si Matthew sa kama bago lumabas sa kuwarto na hindi tinatapunan ng tingin ang dalaga. Tila wala sa sariling iniwan niya si Thalia para kuhanin ang gamit nito sa kuwarto sa ibaba. Muntik pa siyang nahulog sa hagdan na ikinamura niya. Fuck! Ang bilis talaga ng karma!

"Ayos ka lang, bro?" Napalingon si Matthew sa pinanggalingan ng boses at nakita niya ang kambal na kasalukuyang nasa salas habang may kung anong pinagkakaabalahan. Sobrang kapal ng folder ang nakapatas sa harapan ng mga ito.

"Ayos lang ako," sagot ni Matthew bago tumikhim. Ipinagsawalang-bahala niya na nakita ng kambal ang kanyang kalutangan at ang muntik pa niyang pagkahulog sa hagdan. "Anong ginawa n'yo?" sa halip ay kunot-noong tanong ni Matthew bago lumapit sa puwesto ng dalawa.

Kumuha si Matthew ng isang folder na nasa harapan ng kambal at mas lalong kumunot ang kanyang noo nang mabasa kung ano 'yon. Kumuha pa siya ng ibang folder at isa-isang tiningnan ang dokumentong laman niyon bago siya hindi makapaniwalang tumingin sa kambal.

"Saan at paano n'yo nakuha ang mga dokumentong ito?" hindi makapaniwalang tanong ni Matthew dahil confidential ang dokumentong hawak nila ngayon. Naglalaman iyon ng mga impormasyon tungkol sa transaksyon ng kompanya ni Wilfredo Agustin, mga pangalan ng shareholders at investors kasama ang impormasyon ng bawat isa sa mga ito.

"Kami pa ba? Wala yatang imposible sa aming dalawa," may pagmamalaking wika ni Darren bago nakipag-fist bump sa kakambal. Hindi itatanggi ni Matthew na humanga siya sa kakayahan ng dalawa at madalas man na isip-bata kapag umiral ang kakulitan ng mga ito pero pagdating sa trabaho ay seryoso at maaasahan naman ang mga ito.

Huminga si Matthew nang malalim habang nakatingin sa dalawa. Kinain siya ng kanyang konsensya dahil sa nakalipas na araw ay halos ang kambal na lang ang gumagawa ng hakbang para mapabagsak si Wilfredo, halos nakatutok na lang ang atensyon niya sa dalaga. Laban niya sana ito para sa katarungan ng pagkamatay ng mga magulang niya pero parang ang kambal naman ang lumalaban para sa kanya. Nagiging unfair na siya kina Warren at Darren.

"Pasensiya na kung hindi ko masiyadong natututukan si Wilfredo sa mga nakalipas na araw. Halos kayong dalawa na lang ang gumagawa ng paraan para mapabagsak siya. Laban ko sana ito pero ang nangyayari ay kayong dalawa na ang lumalaban para sa akin."

TAINTING HER INNOCENCE (R18+)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon