Chapter 4

340 22 6
                                    

UNEDITED

*****

MALAKAS ang kabog ng dibdib ni Thalia nang makabalik siya sa basement. Sinamantala niya ang pagkakataon nang mawala ang atensyon ng lalaki sa kanya kanina at mabilis siyang bumalik sa basement na hindi nito napapansin. Sobrang bilis ng tibok ng puso niya dahil sa sobrang kaba at medyo habol din niya ang paghinga dahil sa ginawa niyang pagtakbo para mabilis na makaalis sa lugar na hindi niya inasahang may ibang taong makakakita sa kanya.

Alam ni Thalia na may mga bisita ngayong araw ang kanyang ama kaya bawal siyang lumabas sa basement. Pinaalalahanan na rin siya ng kanyang Nanay Betty na huwag lalabas dahil baka magalit na naman sa kanya ang kanyang ama at maparusahan na naman siya.

Noong bata pa si Thalia ay hindi niya maintindihan kung bakit kailangan niyang magtago kapag may ibang tao sa mansion lalo na kapag may mga bisita ang kanyang ama. Pero habang lumalaki ay naintindihan niya kung bakit at kung ano ang rason ng kanya ama at iyon ay dahil ayaw nitong malaman ng ibang tao na may anak ito sa labas, kailangang manatiling lihim ang pagkatao niya. Mas naintindihan na rin ni Thalia kung bakit iba ang pagtrato at pakikitungo nito sa kanya.

Mula umaga ay hindi lumabas sa basement si Thalia tulad ng gusto ng kanyang ama pero makalipas ang ilang oras ay nakaramdam siya ng pagkabagot kaya naisipan niyang lumabas sa pag-aakalang nakaalis na ang mga bisita ng kanyang ama. May sikretong lagusan sa basement patungo sa likod ng mansion na natuklasan niya noong bata pa siya at doon siya dumaan palabas. Plano niyang manatili lamang sa likod ng mansion kung saan siya maraming mga itinanim na halaman na isa sa mga naging libangan niya. Malabo na magawi roon ang mga bisita ng kanyang ama kaya imposible na may makakita sa kanya roon.

Kaya hindi inaasahan ni Thalia na mapapadpad sa lugar na iyon ang lalaki dahilan para makita siya nito. Nagulat siya nang masilayan ang lalaki na katulad niya ay parang hindi rin inaasahan nang makita siya dahil sa nakita niyang reaksyon sa guwapo nitong mukha. Nakatulala lang ito habang nakapako ang mga mata sa kanya.

Hindi alam ni Thalia kung ilang minutong nakatitig lang sa kanya ang lalaki. Naputol lang iyon nang dumating ang kanyang ama at sinamantala niya ang pagkakataong 'yon para mabilis na umalis na hindi napapansin ng lalaki. Doon siya ulit dumaan sa sikretong lagusan na dinaanan niya kanina palabas sa basement.

Hindi mapakali si Thalia habang nasa basement. Alam niyang nakita siya ng kanyang ama at alam din niyang anumang oras ay dadating ito para parusahan na naman siya. At hindi nga siya nagkamali dahil makalipas ang ilang minuto ay bumukas ang pinto ng basement at pumasok doon ang kanyang ama kasunod si Manang Betty na bakas ang pag-aalala sa mukha para sa kanya.

"Señor..." kinakabahang sambit ni Thalia nang makalapit sa puwesto niya si Mr. Agustin. Señor o Mr. Agustin ang tawag niya rito dahil inalis nito ang karapatan sa kanya na tawagin niya itong ama. Pero kahit ganoon ay itinuturing pa rin niya itong ama.

Isang malakas na sampal ang dumapo sa pisngi ni Thalia dahilan para mawalan siya ng balanse. Napaupo siya sa sahig dahil sa lakas ng sampal na natamo niya galing sa sariling ama. Mabilis naman siyang dinaluhan ng kanyang Nanay Betty.

"Tama na po, Señor. Maawa po kayo sa bata..." pakiusap ni Manang Betty sa amo.

"Huwag kang makialam dito, Manang Betty! Dapat lang na bigyan ng leksyon ang batang 'yan para magtanda!" sikmat ni Mr. Agustin kay Manang Betty.

Hinawakan ni Thalia ang kanyang pisngi na tila namanhid dahil sa lakas ng pagkakasampal ng kanyang ama. Hindi lang iyon ang unang beses na pagbuhatan siya ng kamay ng kanyang ama dahil mula nang magdalaga siya ay madalas ay pisikal siya nitong sinasaktan kapag may nagagawa siyang kasalanan bukod pa sa parusang ibinibigay nito sa kanya. At kahit ngayong dalawampu't isa na siyang taon ay sinasaktan pa rin siya nito.

TAINTING HER INNOCENCE (R18+)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon