Chapter 1

1K 5 1
                                    

Hindi mapakali si Karina nang gabing iyon. Hindi maalis-alis sa kanyang isipan ang mga sinabi ni Lloyd sa kanya; mga paratang na hindi niya matanggap, tunay na nakakasakit ng damdamin at para sa kanya ay pawang walang katotohanan.

Ang sakit magsalita ng lalaking iyon, ah. Hindi raw niya ako magagawang mahalin! Ang sama pa ng iniisip sa akin... nakikipagharutan daw ako kay Damian. Masyado niyang hinuhusgahan ang pagkatao ko. Akala mo kung sino siya. Nagsisintir ang kalooban niya.

Palakad-lakad si Karina sa loob ng kanyang kuwarto. Hindi siya mapakali. Para sa kanya, isang napakalaking insulto sa pagkababae niya ang pagtrato sa kanya ni Lloyd.

Kahit na nga na-in love siya noon nang husto kay Harvey, never niyang inisip na pikutin ito para lang mapunta sa kanya. Hindi niya maaatim na magpakababa.

'Tapos, pagbibintangan ako ng Lloyd na iyon na nasasabik sa lalaki! Hindi ako masamang babae! nagpupuyos ang kaloobang sabi niya sa sarili.

Kung mag-resign na lang kaya ako. Kapag ginawa ko naman 'yon, lalabas na talo ako. Mawawalan ako ng trabaho.

Naalala niya ang kanyang kapatid. Kung hindi nangyari sa Ate Isabel niya ang krimen na iyon, masaya sana silang magkasama sa trabaho.

Napatingin siya sa vanity mirror at mula roon ay kitang-kita niya ang sariling repleksiyon. Namumugto na pala ang mga mata niya sa kaiiyak. Tinuyo niya ng mga kamay ang bakas ng luha sa kanyang mga mata.

Matagal niyang pinagmasdan ang sarili sa harap ng salamin. Modesty aside, maganda naman siya. Kung bakit parang wala siyang ka-appeal-appeal kay Lloyd. Ni hindi ito nagpapakita ng interes sa kanya. Mas lamang pa iyong lagi itong galit sa kanya.

Hindi nga ba katuwa-tuwa ang mukhang ito? Mababakas ang lungkot sa kanyang mga mata. At iyon ay dahil kay Lloyd. Patutunayan ko sa lalaking iyon na mali siya ng paratang sa akin.

KINABUKASAN, matapos magsimba ni Karina ay nagtuloy siya sa isang kilalang parlor sa Preciousville. Pinaputulan niya ang kanyang mahabang buhok. Maiksi iyon tulad sa buhok ni Rossana Roces.

"Wow, ang ganda mong lalo ngayon, Karina. You look younger and lovelier," puri ng baklang gumupit sa buhok niya. "Hmm... mas okay kung kukulayan natin ng chestnut brown para lalong bumagay sa kutis mo."

"Palagay mo, bagay ba talaga sa akin?"

"Sigurado ako. Tisay ka naman."

"Sige, ikaw ang bahala."

"Hindi ka magsisisi. Just wait and see."

Makaraan ang mahigit isang oras, nakita niya ang resulta ng ginawa sa kanya ng beautician. At hindi naman siya nagsisi.

Pagkagaling sa parlor ay nagtuloy siya sa mall at namili ng mga damit. Gabi na nang makauwi siya kaya walang nakapansin sa bago niyang anyo.

LUNES. Confident na nag-aayos sa harapan ng salamin si Karina. Maayos niyang nilagyan ng makeup ang mukha. Suot niya ang kanyang hazel-brown contact lense.

Napangiti siya nang matapos. She was very pleased with her new look.

Naikondisyon na niya ang sarili sa muling paghaharap nila ni Lloyd. Hindi niya hahayaang masira nito ang kumpiyansa niya sa sarili.

Take it easy, Karina. Kayang-kaya mo 'yan.

Lumabas siya ng bahay. Naglakad siya sa pavement para mag-abang ng tricycle sa kanto na maghahatid sa kanya sa terminal ng aircon bus.

Lahat ng makasalubong niya ay napapalingon. Nagugulat ang mga ito kapag nakilala siya.

"Akala ko ay kung sinong artista ka na!" bati ni Mrs. Collins na nakasabay niya sa paglalakad.

Destiny 10: It's My Turn 2 - Flora Simon RiveraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon