Chapter 1

1.7K 16 0
                                    

"ANO BA, bilisan mo naman," pangungulit ni Lai sa kaibigan.

"Sandali lang!" Bahagyang napalakas ang boses ni Janna na hindi na magkandatuto sa pagliligpit ng mga gamit sa bag nito.

"Baka hindi natin abutan ang kuya mo." Tumabi siya sa kaibigan at tinulungan na ito sa pagliligpit ng mga gamit. "Ang bagal-bagal mong kumilos."

"Kaya lalo akong nagtatagal, kasi, madali ka nang madali! Nalilito ako!" reklamo ni Janna.

"Bilisan n'yo po kasi," ulit niya na isinukbit ang backpack sa balikat at tumayo.

"Oo na. At saka hindi naman aalis ang kuya sa bahay dahil may inuutos sa kanya ang mommy." Tumayo na rin ito at binitbit ang bag.

"Kasi naman, dapat, hindi na tayo pumasok ng P.E, di sana kanina pa tayo nasa inyo," pagrereklamo niya na lumingon sa kaibigan.

"Gusto mo bang P.E lang ay ibagsak pa natin?" naiirita na sabi ni Janna, lalo at nabibigatan na ito sa dalang bag.

"P.E lang naman," nakasimangot na sabi niya.

Napailing na lang si Janna, wala itong ma-say basta sa kakulitan niya, lalo na pagdating sa Kuya Jason nito. Napakamot na lang ng ulo na sumunod ito sa kaibigan.

MATALIK na magkaibigan sina Lai at Janna. Mula elementary ay magkaklase na sila at hanggang sa high school ay hindi sila nagkaka-hiwalay. Kung tawagin sila sa school ay "twins" dahil madalang na madalang makita na hindi sila magkasama.

Kapwa may sinasabi ang pamilya nila at pareho rin silang taga-Cainta, magkaiba nga lang ng subdivision. Pero iisang way, kaya madalas ay magkasabay sila sa pagpasok o pag-uwi.

Elementary pa lang sila ni Janna hanggang sa mag-second year high school ay hindi nawala ang pagkagusto niya sa kuya nito.

Madalas ay nasa bahay siya nina Janna para madalas din niyang makita ang kapatid nito.

Hindi naman iyon kaila sa kaibigan, at boto pa nga ito sa kanya. Ang kaso, "no pansin" naman siya sa lalaking matanda sa kanila ng pitong taon at nasa kolehiyo na.

Guwapo at malakas ang appeal ni Jason, maraming babae ang nagkakagusto, lalo na nang makuha itong modelo sa isang toothpaste commercial. Lalo tuloy siyang na-head-over-heels sa lalaki. Kaya wala na lang siyang ginawa kung hindi magpa-cute dito.

"KAKAINIS naman ang kuya mo," reklamo niyang nakasimangot. Nasa sala sila ng malaking bahay nina Janna at naghihintay na lumabas ng kuwarto nito si Jason.

"Tinawag ko na nga, pero may ginagawa kasi," ani Janna.

"Ano ba kasi ang ginagawa niya?" Sumulyap siya sa kaibigan.

"Ma at pa." Nagkibit-balikat ito. Tumayo ito at hinila siya sa kamay. "Halika na sa kusina, magmeryenda na lang tayo."

Nanghahaba ang nguso na sumama na lang siya sa kaibigan sa kusina. Mukhang mapapanis na 'ko, pero hindi yata lalabas ng kuwarto ang lalaking iyon, naisaloob niya.

Kapag nasa bahay siya nina Janna ay doon na lang siya nagpapasundo sa papa niya. O di kaya ay ipinahahatid siya ng kaibigan sa driver nito.

Sira ang araw niya kaya halos wala siyang kangiti-ngiti nang sunduin na siya ng ama.

Natatawa na lang na humalik sa pisngi niya ang kaibigan. Kabisado na nito ang ipinagsisintir niya.

"PARANG hindi maganda ang lasa, Janna." Napangiwi siya nang matikman ang nilutong ulam. Maaga silang umuwi dahil wala ang mommy at daddy nito sa bahay at medyo masama ang pakiramdam ng katulong kaya nagprisinta siyang magluto para sa dinner.

Umaasa Sa Iyong Pag-ibig - Jennie RoxasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon