Chapter 7

943 16 14
                                    

HINDI naman gaanong nagtanong ang papa at mama niya nang sabihin niyang nasa Amerika ang asawa at ipinadala roon ng kompanyang pinapasukan nito. Natuwa pa ang mga ito nang magbalik siya sa kanila. Itinuloy niya ang pag-aaral sa kolehiyo at muling bumalik ang pagkakaibigan nila ni Janna. Kahit magkaiba sila ng school at course ay madalas na nagtatawagan sila sa telepono, o di kaya ay lumalabas kapag walang pasok.

Noong una ay nakikibalita siya rito tungkol sa asawa, lalo na nang tumawag ito at kumustahin siya. Nakadama siya ng kasiyahan sa puso at umaasang susulatan o tatawagan din ni Jason. Pero nawalan na rin siya ng pag-asa nang umabot na ng taon ang naging paghihintay niya na wala kahit "ho" ni "ha" mula sa asawa.

Hanggang sa lumaon ay pinigilan na niya si Janna na magkuwento kapag tungkol kay Jason. Kung gusto talaga niyang lumaya mula sa akin, so be it! masama ang loob na sabi niya sa sarili. Kalilimutan na niya ang lalaki. At siguro, pagdating ng araw ay ipawawalang-bisa na lang nila ang kasal nila. Dahil kahit na kailan ay hindi sila naging "mag-asawa."

NANG tumuntong siya ng eighteen ay gusto ng mama niya na maghanda sila sa debut niya tulad ng kay Janna na ginanap pa sa isang hotel, pero tumanggi siya. Mas gusto pa niyang mag-outing sila sa beach kasama ang ilang malalapit na kaibigan.

"ALAM mo, bumagay sa iyo ang katawan mo ngayon," puna ni Janna nang titigan siya nito habang suot niya ang itim niyang swimsuit.

Lumabas na ang magandang hubog ng kanyang katawan.

"Nahiyang ako," nakangiting sagot niya.

"'Ku, sabihin mo, an'dami kasing umaaligid sa iyo ngayon," tukso ng kaibigan.

"Excuse me, ikaw nga, tingin ko ay laging abala ngayon, lalo at kapag nasa tabi-tabi si Raymond," ganting tukso niya na ang tinutukoy ay ang masugid nitong manliligaw.

"Well, pinag-iisipan ko na nga ang sagutin ang mokong," tumatawang sabi nito.

"Alam na ba ni Mommy iyan?" Kahit matagal na siyang wala sa poder ng mga biyenan ay ganoon pa rin ang turing niya sa mga ito, pangalawang magulang.

"Ano ka ba? I'm eighteen!"

"Alam ko. Ang tanong, papayag na ba si Mommy na mag-boyfriend ka?" natatawa niyang sabi na pinatungan ng mahabang T-shirt ang suot na bathing suit.

"Kailangang pumayag na siya," nakalabi nitong sabi, pagkuwa'y tumingin sa kanya. "Ikaw, wala ka pa bang balak na—"

"Janna, alam mo naman ang sitwasyon ko." Bagama't hindi na niya ginagamit ang apelyido ng asawa at halos walang nakakaalam sa school niya sa status niya ay iginagalang pa rin niya ang pagiging mag-asawa nila.

"But that doesn't mean na pipigilan mo ang sarili mo na ma-in love ulit."

"Siguro, puwede na kapag nakita ko na talaga ang lalaki para sa akin."

"At sana makalimutan mo nang tuluyan ang magaling kong kapatid." Tumawa ito.

Nawala ang ngiti sa labi niya. Alam niyang hindi ganoon kadaling gawin ang lumimot.

"Lai, tingin ko, okay si Peter," anito na ang tinutukoy ay ang isa sa manliligaw niya.

"Guwapo, mayaman at mabait. Wala ka nang hahanapin pa."

"Well, pinag-iisipan ko rin iyan." Muli siyang ngumiti nang maalala si Peter.

"Hay naku, halika na at naghihintay na sa tubig ang mga prince charming natin," pagbibiro ni Janna na hinila na siya palabas ng cottage.

TAMA si Janna. Wala na siyang hahanapin kay Peter. Kung tutuusin ay puwedeng-puwede na niya itong maging nobyo. Pero bakit hindi niya mapilit ang sarili na magmahal ng iba? Bakit sa paglipas ng panahon ay iisa lamang ang itinitibok ng kanyang puso? Ni hindi na siya umaasang babalik pa si Jason.

Umaasa Sa Iyong Pag-ibig - Jennie RoxasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon