Chapter 9

680 15 4
                                    

SA L'OPERA sa Makati siya dinala ni Jason. Nang alalayan siya nito ay tila nakuryente siya, ngunit hindi niya iyon ipinahalata sa lalaki.

"So, what are your plans? Sabi sa akin ni Janna, you're planning to set up a business of your own," anito nang kumakain na sila.

"Yeah, pero next year pa."

"Mapapakinabangan mo na rin ang galing mo sa pagluluto." Ngumiti ito. Natatandaan pa rin pala nito na marunong siyang magluto. "Paborito ko pa rin ang afritada at carbonara." Tumitig sa kanya si Jason.

Ano ang ibig mong sabihin? Gusto niyang itanong, pero iba ang lumabas sa kanyang bibig.

"Matagal ko nang hindi natatry ang mga recipe na 'yon." Iniiwas niya ang mga mata; kunwa'y iinom.

"Wala namang afritada sa Amerika." Napatitig siya sa lalaki. Alam kaya nito na iyon din ang dahilan kung bakit pinilit niyang matutong magluto noon? "So, kailan nga pala ang balik mo sa Amerika?" pag-iiba niya dahil pakiramdam niya ay may gustong ipaalala sa kanya ang kaharap.

Ibinaba nito ang hawak na kubyertos at nagpunas ng bibig. "The company is planning to transfer me back here in the Philippines—mas mataas ang posisyon," nakangiting sabi nito.

Kung ganoon ay may posibilidad na mag-stay na sa Pilipinas ang lalaki. Ano ang plano nito? Balak na kaya nitong makipaghiwalay sa kanya?

"Ikaw, what are your plans?" Tumingin siya rito; at nagtama ang mga mata nila.

"Marami akong plano." Titig na titig ito sa kanya; at tila namamagneto na hindi niya maiiwasang sariling mga mata. "The reason why I am back..."

Dama niya ang malakas na kabog ng dibdib. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit ganoon siya kapag kaharap na si Jason.

"... Is to get what's mine, Larraine," makahulugang sabi na naman nito. "Babalikan ko ang iniwan ko, four years ago."

Hindi nakakibo si Lai, iniwas niya ang mga mata. Maraming tanong sa kanyang isip at naguguluhan siya.

MATAPOS nilang kumain ay inihatid na rin siya ni Jason sa bahay.

"Okay na ba ang sugat mo sa noo?" tanong niya nang makababa ng kotse.

Bumaba rin si Jason. "Yes."

"S-sige, ingat na lang." Ngumiti siya rito.

"I really enjoyed the night," si Jason na humakbang palapit sa kanya.

"S-same here," sagot niya na gustong mapaurong nang nasa harapan na niya ito.

"Can I have my good-night's kiss?" Nakangiting itinaas nito ang kanyang baba.

Marahan siyang napapikit nang bumaba ang mga labi nito sa kanyang mga labi. "You've got very sweet lips, sweetheart," anito. "Does your boyfriend know that? Or has he gone beyond kissing?"

Nakadama ng galit si Lai. Ang akala ba ng lalaki ay may nangyayari sa kanila ni Peter, na akala nito ay nobyo niya? Ganoon ba talaga kababa ang tingin nito sa kanya?

"Why not ask him yourself?" paghahamon niya na ang gusto ay mainis ang lalaki.

Nawala ang ngiti sa mga labi ni Jason. Tila hindi nito nagustuhan ang sinagot niya.

"Larraine, I'm still your husband, and you're still mine."

"Umalis ka na." At nang akma niya itong tatalikuran ay hinawakan siya nito sa braso. "Why don't you try me? Mas masarap akong humalik at mas..."

Hindi niya napigilan ang sarili na hindi sampalin ang lalaki. "Jason, mag-asawa pa rin nga tayo, pero hindi mo ako pag-aari kahit kailan!" Ipiniksi niya ang brasong hawak nito. "Kung noon ay nagpapakamatay ako para mapansin mo lang, para mahalin mo lang..." Napapailing siya, ".. hindi na ngayon! Dahil ang lahat ay nagbabago!" At tinalikyran na niya ito.

Umaasa Sa Iyong Pag-ibig - Jennie RoxasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon