Chapter 5

518 7 0
                                    

"Hindi niya inaasahan ang mga magiging bisita ng araw na iyon. Nagulat pa siya nang ipatawag siya ng kanyang papa sa kuwarto. Paglabas niya ay naroroon si Jason kasama ang daddy at mommy nito, habang matamang kausap ang mga magulang niya.

Nang magtama ang kanilang mga mata ay galit ang nabanaag niya sa mga mata ni Jason at gusto niyang matakot. Ano ang ginagawa nila rito? Naitanong niya sa sarili.

Napatingin siya sa kanyang mama, umiiyak ito; at bakas naman ang galit sa mukha ng kanyang papa.

"Naparito kami para panagutin ang anak namin sa nangyari sa kanila," anang ama ni Jason na sumulyap sa kanya. Bahagya itong nangayayat. "Hindi ko kailanman kukunsintihin ang kalokohan ng aking anak, lalo at hindi na iba si Lai sa amin."

Nabigla siya sa narinig.

"Ang bata pa ng anak ko," umiiyak na sabi ng mama niya na tumayo at niyakap siya. Gulung-gulo siya dahil hindi niya alam kung ano ang sasabihin.

"Nandito kami para hingin ang kamay ni Lai. May kailangang panagutan sa kanya ang binata namin," patuloy ng daddy ni Jason.

Narinig niya ang pagbuntong-hininga ng papa niya. Tila hindi rin ito makapaniwala sa naririnig. Kung ganoon, ipakakasal siya ng mga magulang nila dahil sa inaakalang nangyari sa kanila. Kasalanan niya ang nangyayari, pero ano ang gagawin niya? Paano niya sasabihin na pakana lang niya ang lahat? Na walang nangyari sa kanila ni Jason?

Inilipat niya ang tingin kay Jason. Tahimik lang ito at nakatiim-bagang, tila kaylalim ng iniisip. Alam niyang galit ang lalaki.

Hindi niya nagawang magsalita para tutulan ang pagsasaayos na maikasal siya kay Jason, dahil natatakot siya. At isa pa, ang isang bahagi ng puso niya ay nagsasaya. Kung makakasal sila ni Jason ay magiging kanya na talaga ang binata—at ginawa niya ang bagay na iyon para mapasakanya ito.

Sabihin nang kasakiman, pero mahal niya ang lalaki at handa siyang gawin ang lahat. Pero tama nga ba?

Kahit disisais pa lang siya ay nagawan ng paraan na makasal sila ni Jason. Garden wedding ang naganap.

Si Janna ang maid of honor, ngunit hindi pa rin siya kinakausap ng kaibigan. Alam niyang masama ang loob nito sa kanya. Ang kasalang naganap ay napakalungkot kompara sa regular na weddings, marahil dahil tutol ang lahat, ngunit walang ibang pagpipilian.

Alam naman niyang napilitan lang si Jason na pakasalan siya.

Gusto niyang makonsiyensiya.

"ANAK, ang bata-bata mong lumagay sa pag-aasawa," umiiyak na sabi ng mommy niya nang magkasarilinan sila. "Natatakot ako para sa iyo. Basta nandito lang kami ng papa mo. Kung magkakaproblema ka, tumakbo ka lang dito."

"S-salamat, Ma. I love you," naiiyak niyang sabi na yumakap sa ina.

Pagkatapos niyon ay hinanap niya si Jason. Hindi pa sila magkakausap nang sarilinan. At kahit natatakot ay alam niyang kailangan niyang harapin ang lalaki. Na ngayon ay asawa na niya.

"MOMMY, pumayag akong pakasal kahit alam mong tutol ang kalooban ko. Dahil wala akong kasalanan," ani Jason na kaharap ang ina at si Janna.

"Pagbigyan mo muna ang daddy mo. May sakit pa siya, baka makasama sa kanya kung magagalit," paliwanag ng ina nito.

Huminga nang malalim si Jason. Naiipit siya sa pagmamahal sa ama at sa responsibilidad na ibinigay nito sa kanya. Isang tao lang naman ang may kasalanan ng lahat, at tinitiyak niyang hindi ito liligaya. Tiim-bagang na nangako siya sa sarili.

PALIHIM na bumalik si Lai sa kanyang silid. Tumutulo ang kanyang luha. Tama ba ang ginawa ko? paulit-ulit niyang tanong sa sarili. Ngayon pa ba siya magsisisi matapos ang lahat?

Umaasa Sa Iyong Pag-ibig - Jennie RoxasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon