Chapter 8

617 10 0
                                    

Paalis na sila ni Peter nang masira ang kotse nito. Nagtataka naman ang lalaki dahil kabago-bago ng sasakyan ay nasira kaagad nang ganoon.

"What happened?" tanong ni Janna matapos maihatid ng tanaw ang nobyo sakay ng kotse nito.

"Nagluko ang kotse ni Peter," aniya na nasa labas na ng kotse.

"Sandali, ipatatawag ko iyong driver namin para matulungan ka," ani Janna sa lalaki.

"Ayos na ayos ito kanina," napailing na sabi ni Peter na itinaas ang long-sleeved polo hanggang siko.

"Matatagalan pa bago magawa iyan," si Jason na nasa likod niya. Napalingon siya. "Ako na ang maghahatid kay Lai, Pare," anito kay Peter. Natigilan si Peter na napatingin naman sa kanya.

"No, thanks," tanggi niya. "Hihintayin ko na lang na magawa ang kotse ni Peter."

"Matagal na gawaan iyan. Gusto mo bang lamukin ka rito?" seryosong sabi nito. "Sayang naman ang ganda mo kung papapakin lang ng lamok," tila nanunuksong sabi nito pagkuwa.

Nang bumalik si Janna ay kasama na nito ang driver na tutulong kay Peter.

"Naku, Sir, kailangang dalhin ito sa talyer. Putul-putol ang mga kawad—may sumalbahe ng sasakyan ninyo," napailing na sabi ng driver.

"Sino naman ang gagawa niyan dito, eh, wala namang lokong nakakapasok dito sa subdivision?" ani Janna.

Napatingin siya sa gawi ni Jason na tila walang pakialam na namulsa pa.

"Magta-taxi na lang kami ni Lai," ani Peter na halatang iritado sa nangyari.

"Mahirap ang taxi rito," ani Jason, at tumingin sa driver. "Mang Selmo, ilabas mo iyong van at ihatid mo na lang si Peter. Ako na ang maghahatid kay Lai."

"Huwag na. Sasabay na lang ako kay Peter," mabilis na tanggi niya.

"Sa akin ka na lang sumabay. Tutal, may pupuntahan din ako sa gawi ninyo." Nakatitig ito sa kanya.

"Sa disoras ng gabi ay may pupuntahan ka pa? ibig niyang sabihin, ngunit pinigil niya ang sarili.

"Kuya, pabayaan na nating si Mang Selmo na ang maghatid sa kanila," singit ni Janna nang walang maisagot.

"Lai, kay Jason ka na lang sumabay. Tutal, gabi na, at iba naman ang way natin," ani Peter na walang kaalam-alam sa tensyong namamagitan.

"Tama ka, Pare." Ngumiti si Jason sa lalaki. "Don't worry, ipahahatid ko na lang bukas sa talyer ang kotse mo."

"Salamat, Pare," ani Peter at nagpaalam na sa kanila bago sumakay sa van.

"Ilalabas ko lang ang kotse," ani Jason na pumasok sa loob. Lumapit sa kanya si Janna. "Sasama ako sa paghahatid sa iyo."

"Huwag na," aniya. "Tatawagan na lang kita bukas at may kailangan kang ipaliwanag sa akin."

"Okay." Napabuntong-hininga na lang si Janna. Alam nito ang ibig niyang sabihin, iyon ay ang tungkol sa hindi nito pagsasabi na dumating na si Jason. "Ingat na lang kayo."

Wala silang kibuan. Wari'y walang gustong magsalita. O kapuwa hindi malaman kung ano ang dapat sabihin. Si Lai ay hindi makapaniwala na naroroon na si Jason.

"Boyfriend mo ba si Peter?" tanong nito na hindi tumitingin sa kanya.

Nagulat siya na napalingon dito. Ano'ng karapatan nito na magtanong sa kanya?

Bumangon ang sama ng loob niya para sa lalaki. "I don't think it's your business anymore."

"Are you sure?" Ngumiti ang lalaki. "I am still your husband." Sumulyap ito sa kanya.

Umaasa Sa Iyong Pag-ibig - Jennie RoxasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon