NAKAALIS na si Jason nang lumabas siya ng silid kinabukasan. Hindi halos siya nakatulog. Buong magdamag siyang umiyak. Ayaw sana niyang lumabas ng silid, lalo at namamaga ang mga mata niya, pero ipinatawag siya ng mga biyenan na sumabay sa almusal. Tingin niya ay siya na lang ang hinihintay ng mga ito para kumain. Si Janna ay nandoon din.
"Maupo ka na, hija," nakangiting sabi ng ginang.
"Umalis kanina ang asawa mo patungong Davao. Hindi ka na ipinagising, pero nagkausap kami tungkol sa inyo," anang Daddy Rodolfo niya na ibinaba ang hawak na tasa ng kape. "Ang sabi niya, kapag naayos niya ang dapat ayusin sa Davao ay saka ka palang puwedeng sumunod doon. Iyon ay kung gusto mo sa Davao. Pero in the meantime ay dito ka muna, dahil dito ka ipinagbilin ni Jason."
Ipinagbilin ni Jason? Tila hindi siya makapaniwala.
"Iisang pamilya na rin naman tayo, hindi ka na iba sa amin," patuloy nito.
Wala ka bang balak mag-enroll sa college, hija?" tanong ng mommy ni Jason. "Si Janna ay naka-enroll na sa U.P, at ibinilin din naman ni Jason ang tungkol sa pag-aaral mo sa college."
Napasulyap siya kay Janna na hindi tumitingin sa kanya. Tahimik lang itong kumakain ng almusal. Dati, ang usapan nila ay sabay silang mag-e-enroll sa isang school at pareho sila ng course na kukunin—Computer Science. Pero dahil galit nga ito sa kanya ay iniwan na pala siya.
"S-siguro po sa D-Dominican na lang ako," aniya na napayuko at hinalo ang kape. Mabuti pa noon, masaya siyang makipag-usap sa pamilya ni Janna. Ngayong "kapamilya" na siyang talaga ng mga ito at saka niya nadamang outsider siya. Na tila may pader na nakapagitan sa kanilang lahat laban sa kanya.
Gusto niyang umiyak ngunit pinigil niya iyon. Ayaw niyang makaramdam ng awa para sa sarili o awa mula sa ibang tao.
NANG dalawin niya ang mga magulang ay tuwang-tuwa ang mga ito nang malaman na nagbalik sa Davao si Jason. Kinumbinsi siya ng ina na bumalik na lang muna sa bahay nila, ngunit tumanggi siya.
"Wala naman ang asawa mo at saka mag-aaral ka pa. Dito, kahit paano, maasikaso kita. At saka, an'laki-laki nitong bahay natin." May himig-pagtatampo sa tinig ng ina.
"Ma, doon ako iniwan ni Jason. At saka baka ma-offend naman po sina Daddy at Mommy kung lilipat kaagad ako dito sa atin na kaalis lang ni Jason," paliwanag niya rito.
"Mabuti pa sila ay inaalala mo ang mararamdaman," nagtatampo pa ring sabi ng kanyang mama.
"Ma, pabayaan mong magdesisyon ang anak mo. May asawa na siya," singit ng papa niya na ngumiti sa kanya.
"Papa, nag-iisang anak lang natin siya. At kahit may asawa na siya, bata pa rin siya. Kailangan pa rin niya tayo."
"Ang mama mo talaga! Hanggang ngayon, baby pa rin ang turing sa iyo," natatawang baling sa kanya ng ama.
"Pabayaan mo, Ma, kakausapin ko si Jason, at saka—" Tumayo siya at malambing na niyakap ang ina, "ikaw lang ang mama ko at mahal na mahal ko kayo ni Papa."
"Ikaw lang naman ang inaalala ko, anak."
"Hindi naman nila ako pinababayaan doon, Ma. Lagi na lang akong pupunta rito."
PARA malibang ay inabala niya ang sarili sa pagtulong sa kusina. Kapag dumarating siya galing school ay tumutulong siyang magluto sa mommy ng asawa.
Tamang-tama ang course na kinuha niya ay HRM. Tutal, nakahiligan na niya talaga ang pagluluto at pagbe-bake.
Natutuwa naman sa kanya ang biyenang babae, lalo at may putahe siyang hindi nito alam at itinuturo niya rito. Kahit paano, sa pagdaraan ng mga araw ay nababawasan ang lungkot na nadarama niya, lalo at walang balita kay Jason.

BINABASA MO ANG
Umaasa Sa Iyong Pag-ibig - Jennie Roxas
RomanceBata pa lang si Lai ay mahal na niya si Jason. Nagkaroon siya ng ilusyon na mahal din siya nito, at hinihintay lang nitong magdalaga siya dahil sa agwat ng kanilang edad. Ngunit nang mag-sixteen siya ay nagsimulang mangyari ang kinakatakot niya nagk...