"MULI silang nagpakasal ni Jason sa simbahan.
Kabaligtaran ng una nilang kasal, lahat ngayon ay nagsasaya. Maging ang mga magulang nila ay natuwa na sa bandang huli ay sila rin pala talaga.
Lalo at higit si Janna.
"Pakipot pa ang kuya," natatawang bulong nito sa kanya.
"Mapapasagot ko rin pala," ganting biro niya, at nagkatawanan sila.
"Kayong dalawa, saka na kayo magkuwentuhan at baka mainip ang groom sa simbahan," anang mama niya na bihis na bihis na.
BUMAGAY sa kanya ang fully-beaded na gown at mahabang belo na tumatakip sa maganda niyang mukha. Si Janna ang maid of honor ulit, ka-partner nito ang nobyong si Raymond.
Habang lumalakad siya palapit sa altar ay tila lumulutang siya sa ulap. Maligayang-maligaya siya. Magkahinang ang mga mata nila ni Jason na ngayon ay alam na niyang mahal din siya.
Napangiti siya nang mapatingin sa gawi ni Janna, na sumenyas ng "okay" at kumindat sa kanya. Napakunot-noo naman si Jason dahil kabisado na nito ang kapilyuhan ng kapatid, lalo at higit ng asawa.
Matamis na ngumiti siya habang palapit kay Jason. Nang iabot ng papa niya ang kamay niya sa lalaki ay bumulong ito, at kahit walang sound ay alam niya ang ibig sabihin.
"I love you, too," sagot niya nang papaluhod na sila sa altar.
LUMABAS siya ng banyo suot ang itim na negligee. Si Jason ay nasa kama na at naghihintay sa kanya. Sa Larraine's Paradise sila nag-honeymoon, kung saan nalaman niya na pag-aari pala iyon ng asawa.
Akala niya noon ay kapangalan lang niya ang resort bagama't napaka-unusual ng pangalan niya. Iyon pala ay iyon ang regalo nito sa ikaapat na taong anniversary nila.
May excitement sa puso na lumakad siya palapit sa asawa. Manipis lang ang suot niyang pantulog, kita ang magandang hubog ng kanyang katawan.
Hindi iyon ang first time nila, dahil bago pa sila noon lumuwas sa Maynila ay nagkapiling na sila sa silid ni Jason at nakuha nito ang gusto.
Naalala pa niya na masayang-masaya ito nang malaman na ito lang ang lalaki sa kanyang buhay, at si Peter ay hindi niya kailanman naging nobyo o kahit na sino pang lalaki.
"I love you, sweetheart." Nakangiti itong tumayo at sinalubong siya, hindi inaalis ang mga mata sa kanya.
"Tulog na tayo," biro niya.
Napakunot-noo ito.
"Walang tulugan, sweetheart," anito at hinapit siya, bago siniil ng halik sa mga labi na tila sabik na sabik sa kanya.
"S-sweetheart, baka may naiwan kang babae sa Amerika," aniya habang hinahalikan siya sa leeg ng asawa.
Napatigil ito sa ginagawa. "Don't worry, walang-wala," natatawang sagot nito. "Lahat sila, fling lang."
"Teka, teka," pigil niya nang halikan siya nito muli.
"Bakit?" takang-tanong ni Jason na may halong pagkairita dahil nabibitin ito sa ginagawa.
"Sabi ni Janna, may nakita raw siyang picture mo na may kasamang Amerikana," paninita niya nang maalala ang minsang ikinuwento ng kaibigan.
"Kayo talagang magkaibigan, oo.. " Napailing na nangingiti ito. "Kasamahan ko lang iyon.
Actually, sinita na ako ng magaling kong kapatid. Hindi ko alam na sasabihin pa pala sa iyo."
Napasimangot siya. "Magkaibigan po kami ng kapatid n'yo, mister, kaya wala kang lusot."
"Alam ko iyon, sweetheart," anito na hindi na siya binigyan ng pagkakataong magsalita.
Magkahinang pa rin ang mga labi nila nang pangkuin siya at ihiga sa kama.
Nang sumayad ang likod niya sa malambot na kama ay kasunod ang bigat ng katawan ng asawa sa ibabaw niya.
"Don't worry, sweetheart, ikaw na lang ang babae sa buhay ko." Buong-pagmamahal siyang tinitigan nito. "Ready ka na ba? Wala 'tong tulugan," biro nito. "Marami kang dapat isulit sa akin."
"Baka ikaw ang hindi tumagal," ganting biro niya.
"Ganoon? Tingnan natin!" At natahimik na naman sila nang maglapat ang kanilang mga labi.
Wala na siyang mahihiling pa. Sa loob ng maraming taon ay iisang lalaki ang itinangi ng puso niya. Naghintay siya at umasa sa pag-ibig nito. Ngayon, alam na niya na mahal siya ni Jason, natupad na rin ang pangarap niya.
Pangarap niyang pag-ibig."
Wakas
BINABASA MO ANG
Umaasa Sa Iyong Pag-ibig - Jennie Roxas
RomanceBata pa lang si Lai ay mahal na niya si Jason. Nagkaroon siya ng ilusyon na mahal din siya nito, at hinihintay lang nitong magdalaga siya dahil sa agwat ng kanilang edad. Ngunit nang mag-sixteen siya ay nagsimulang mangyari ang kinakatakot niya nagk...