MAAGA siyang nagising kahit na halos wala siyang tulog sa buong magdamag. Lumabas siya sa terrace ng cottage kung saan tanaw ang magandang dalampasigan. Walang kaalon-alon at tila nag-aanyaya.
Natanaw niya si Jason na nasa dalampasigan. Nakaupo ito at tila kaylalim ng iniisip. Saan kaya natulog ang lalaki? naisaloob niya. Gusto sana niyang bumaba at lapitan ito, pero nag-aalangan siya. Lalo na kapag naiisip ang ginawa ng nakaraang gabi.
Bumalik na lamang siya sa kabilang kuwarto. Doon na lang muna siya.
Napalingon siya nang pumasok sa silid si Jason. Nakatitig sa kanya.
"Kung gusto mo nang bumalik sa Maynila ay ipapahatid na lang kita," anito na ikinagulat niya.
"Ayusin mo na ang mga gamit mo." At tumalikod na ito.
Natitigilang napasunod ng tingin si Lai sa asawa. Napatitig siya sa pinto na tila naglalagos doon ang tingin. Pinauuwi na siya ni Jason? May kirot sa puso niya. Dahil ba hindi niya naibigay ang gusto nito kagabi?
Pumatak ang luha mula sa kanyang mga mata nang ilabas ang mga gamit. Tila ayaw gumalaw ng kanyang mga kamay para mag-ayos.
Binitawan niya ang hawak, at lumabas ng silid. Hinanap niya si Jason. Kailangan nilang mag-usap.
Kung aalis na siya, ngayon pa lang ay tapusin na nila ang pag-uusap para sa paghihiwalay nila nang tuluyan.
Inabutan niya sa restaurant si Jason. Umiinom ito. Walang tao sa buong resort kung hindi sila, ang mga katulong at ang caretaker lamang.
"Puwede ba tayong mag-usap?" lakas-loob niyang sabi rito.
Tumingala sa kanya ang lalaki. "May dapat pa ba tayong pag-usapan? Hindi na kita oobligahin sa gusto ko." Tumayo ito upang bumalik sa cottage nila.
"Oo! Dapat na nating pag-usapan nang maayos ang pagpapawalang-bisa ng kasal natin," masakit-sa-loob na sabi niya na sumunod sa asawa. Wala siyang pakialam kung napatingin sa kanila ang mga katulong na naroroon.
"Para makapagpakasal na kayo ng lalaki mo," sarkastikong sabi nito.
"Wala akong lalaki!" sigaw niya rito.
"Okay. Kung gusto mong mapawalang-bisa ang kasal natin, go on—puwede mo namang gawin iyon. Dahil kahit kailan ay hindi na-consummate ang kasal natin." Tumalikod ito sa kanya.
"At kaya ka bumalik ay dahil doon, ganoon ba?" Tila sinasaksak ang puso niya sa katotohanan.
Hindi sumagot si Jason, nanatili itong hindi kumikibo.
"Alam mo ba kung bakit nandito ako ngayon, ha?" malakas niyang sabi na may garalgal na ang tinig. Magkahalong galit at sakit ng loob ang nadarama niya. "K-kung bakit sumama ako rito..?" Pumatak ang luha niya. "D-dahil umaasa pa rin ako—umaasang bumalik ka para sa akin.. dahil handa ka nang mahalin ako," tila natitigilang sabi niya.
Nakatalikod lang sa kanya ang lalaki.
"Punyeta kasing puso ito! Lagi na lang umaasa na mapapansin mo rin ako!" Napahagulhol siya. Sa wakas, kahit paano ay nailabas niya ang sakit na nadarama.
"Lai.." Humarap sa kanya ang lalaki at humakbang palapit. "I—"
"No!" pigil niya. "You don't have to say sorry." Pinunasan niya ang luha sa pisngi. "It's not your fault.."
"Puwede bang patapusin mo muna ako?" May bahagyang ngiti na sa mga labi nito. "Kanina ka pa nagsasalita, ako naman, okay?"
Iniiwas niya ang mga mata sa lalaki.
"More than six years ago, may isang fourteen years old na bata na nagpakita sa akin ng paghanga, laging nandiyan, laging nagke-care—I was very fond of her. Pero napakabata pa niya.." Tumigil ito at huminga nang malalim bago nagsalita muli.
"Alam ko rin na ginawan niya ng paraan para mag-break kami ng first girlfriend ko noon.." May ngiting sumilay sa mga labi nito.
Hindi naman niya malaman ang sasabihin. Naguguluhan siya sa sinasabi nito.
"She's very good when it comes to cooking my favorites. When she become sixteen, nandoon pa rin siya, and to my surprise, ipinagtapat niya sa akin ang damdamin niya. But still, she was too young for me at may girlfriend ako noon na pakakasalan ko na.."
"J-Jason..." Bakit kailangang ipaalala nito ang mga ginawa niya noon?
"I really like this young girl, pero natatakot akong infatuation lang ang maaaring nararamdaman niya sa akin. She's sixteen and I am twenty-three—" patuloy nito na humakbang palapit sa kanya.
Patuloy sa pagtulo ang luha niya.
"Then she trapped me into marrying her."
"Stop it," pigil niya rito. "Alam kong malaki ang kasalanan ko sa iyo para—para pikutin kita..."
"Galit na galit ako, but the truth is I love this girl," pagtatapat nito.
Nanlaki ang mga mata niya. Hindi siya makapaniwala sa sinabi ni Jason.
"Nang makasal tayo, lumayo ako dahil galit ako, at iniisip kong napakabata mo pa that time para maging isang asawa. Nagpalipat ako sa Amerika para mapigilan ko ang sarili ko na sumakay sa eroplano pabalik sa Maynila. Because I can feel na miss na miss ko ang napakabata kong asawa." Ngumiti ito at hinawakan siya sa balikat, bago itinaas ang mukha niya.
"Nagbalik ako 'coz I think you are now ready to be my wife. Pero gusto kong tiyakin kung mahal mo pa rin ako tulad ng dati. Dahil kung hindi na, handa akong ibigay ang kalayaan mo."
"I-I still love you..." umiiyak na sabi niya.
"Yeah, I know and I want you to know that I love you, sweetheart." At pinunasan nito ang luha sa kanyang mga mata.
"Oh, Jason..." Umiiyak na yumakap siya sa asawa. Umiiyak siya ngayon sa sobrang kasiyahan.
"Hindi ko alam na iyakin ka pala. Noon, ang lakas-lakas ng loob mo," panunukso nito. Bago pa siya nakasagot ay hinahalikan na siya sa mga labi ni Jason. "Now, nagkaliwanagan na tayo. Kaya patunayan mo sa akin na mahal mo pa rin ako," patuloy na panunukso nito sa kanya nang maglayo ang mga labi nila.
"Ang yabang mo," natatawa niyang sabi, sabay ng pagsinghot.
Natatawang may ibinulong sa kanya ang asawa habang magkayakap sila.
Mabilis na kumawala siya rito. "Pag-iisipan ko pa," pigil ang ngiting sabi niya, at pumasok sa silid at nag-lock ng pinto.
"Sweetheart naman," reklamo ni Jason na nasa labas. "Four years na tayong kasal, 'tapos ngayon pa lang tayo magha-honeymoon, ha?"
"Magdusa ka muna, kasalanan mo naman iyan," natatawa niyang sabi.
"Sweetheart, I love you," ani Jason.
"I love you too, pero sorry." May kilig siyang nadama sa sinabi ng lalaki. Sa wakas ay narinig din niya ang matagal na inaasam.
"Naman..." reklamo nito na kumakatok.
"Pinahirapan mo rin ako noon, ikaw naman ngayon," masayang sabi niya na nahiga sa kama. Pababayaan muna niyang nasa labas ang asawa.
Basta masaya na siya dahil sa nalaman na mahal din siya nito at noon pa.
Pakipot kasi masyado, naisaloob niya.
BINABASA MO ANG
Umaasa Sa Iyong Pag-ibig - Jennie Roxas
RomanceBata pa lang si Lai ay mahal na niya si Jason. Nagkaroon siya ng ilusyon na mahal din siya nito, at hinihintay lang nitong magdalaga siya dahil sa agwat ng kanilang edad. Ngunit nang mag-sixteen siya ay nagsimulang mangyari ang kinakatakot niya nagk...