Chapter 10

705 12 0
                                    

Nagkausap sila ni Peter. Halata sa hitsura nito ang lungkot nang ipaliwanag niya ang lahat, pero hindi naging dahilan iyon para mawala ang pag-ibig na inuukol nito sa kanya.

"Sabi ko naman sa iyo, handa ako kung anuman iyon dahil mahal kita..." Nasa tinig nito ang lungkot.

"S-salamat, Peter. Mahal din kita, pero hanggang kaibigan lang, alam mo iyon."

"Mahal mo pa rin siya," siguradong sabi nito sa kanya.

Hindi siya nakakibo; ayaw niyang higit na masaktan ang lalaki. "Kahit kailan ay hindi niya ako minahal."

"Lai—" Hinawakan nito ang kamay niya.

"Nandito ako, nagmamahal sa iyo. Kung hindi ka niya kayang mahalin... ako, kaya kong ibigay pati buhay ko sa iyo," madamdaming sabi nito.

Nakadama siya ng awa sa binata. "Alam ko iyon. Pero pabayaan mo muna akong ayusin ang lahat. Baka sakali, sa muli nating pagkikita, handa na akong tanggapin ang pag-ibig mo." May lungkot sa mga matang ngumiti siya rito at hinaplos ng isang kamay ang pisngi nito.

"Masuwerte ang babaeng magmamahal sa iyo, Peter."

Pabalik-balik siya sa silid. Nakabihis na siya at nakagayak na rin ang mga gamit, pero hindi pa siya makapagdesisyon kung sasama ba kay Jason o pagtataguan na lamang ito.

May excitement siyang nadarama, ngunit mas matimbang ang takot. Nate-tense siya. Hindi niya alam kung uupo o tatayo o lalabas ng bahay. Hindi pa rin siya nakakapagpaalam sa mga magulang. Napahawak siya sa noo.

"Lai, tumigil ka nga!" pagalit niya sa sarili. "Magdesisyon ka na habang hindi pa dumarating si Jason, o pagsisisihan mo ang gagawin mong hakbang!"

Nagulat siya nang may kumatok sa pinto. Napalunok siya bago binuksan ito.

"Aalis ka ba, hija?" anang mama niya nang makitang nakabihis siya. Napatingin ito sa maliit na traveling bag na nakapatong sa kama niya.

"Ma, kasi..." Hindi niya alam kung paano magpapaalam sa ina. Kahit kailan ay hindi naging mahigpit ang mga magulang niya, pero alam niyang galit ang mama niya kay Jason.

"Ma'am, nandiyan na po ang bisita ninyo," anang katulong.

Napataas ang kilay na napatingin sa kanya ang ina, nagtatanong ang mga mata.

"Ma, aalis ako this weekend," paalam niya. "Kasama ko si—"

"Jason?"

Napakagat-labi siya; hindi niya alam ang isasagot dito.

"Alam mong tutol ako na makipagbalikan ka pa sa kanya, pero nasa iyo pa rin naman ang desisyon..." Dahan-dahang ngumiti ito.

"Thanks, Ma." Yumakap siya rito.

"Sige na. Baka mainip ang sundo mo."

"Hindi pa ako nakapagpaalam sa papa," alanganin niyang sabi.

"Ako na ang magsasabi. Maiintindihan ka n'on."

Mabilis na niyang binitbit ang traveling bag at humalik sa ina bago bumaba. Huminga muna siya nang malalim bago lumabas.

Nandoon na si Jason, nakasandal sa van na dala nito at hinihintay na siya.

Natigilan siya paglapit dito. Tila noon pa niya gustong magdalawang-isip.

"Come on," yaya ni Jason na lumigid at ipinagbukas siya ng pinto. Wala itong kasamang driver.

Walang-imik na humakbang siya pasakay. Kinuha nito ang traveling bag niya at initsa sa likod ng van. Guwapong-guwapo ito sa puting polo shirt at puti ring walking shorts.

Umaasa Sa Iyong Pag-ibig - Jennie RoxasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon