HINDI nila inaasahan ni Janna na susunduin sila ni Jason sa school nang hapong iyon. Pagkakita pa lang sa binata ay gusto na naman niyang mataranta sa saya.
"Ilalabas ko na lang kayo para sa premyo mo sa akin noong isang araw," nakangiting sabi nito na lalong gumuwapo sa suot na maong pants at polo shirt na asul.
"Bad timing ka talaga, Kuya," ani Janna.
"Tinitiyempo mo na hindi ako kasama," kunwa'y pagmamaktol ng kapatid.
"Bakit?" takang-tanong nito.
"May lakad kami ngayon ng mommy," pairap nitong sabi.
"Di kami na lang ni Lai. Tutal, siya lang naman ang ililibre ko," pagbibiro ni Jason sa kapatid.
"Kainis ka!" Bumaling ito kay Lai. "Anyway, mauuna na ako. Lai, sulitin mo sa gastos si Kuya para makaganti ako!" biro nito.
"Sinabi mo," natatawang sagot niya.
Nang makasakay na sa kotse si Janna ay sumakay na rin sila sa kotse ni Jason. Pakiramdam niya ay gusto niyang magmalaki sa mga ka-schoolmate na nakakakita sa kanya dahil alam niyang maiinggit ito, lalo at napakaguwapo ng escort niya.
SA MAKATI siya dinala ni Jason, naglibot-libot sila hanggang sa makarating sa Gift Gate. Nagulat pa siya nang iabot nito sa kanya ang isang malaking stuffed toy na aso na super sa lambot. Nagtatakang napatingin siya rito.
"Para sa iyo," anito.
"Thank you," aniya na niyakap ang stuffed toy. Naglibot-libot pa sila, at nang magutom ay nag-aya na itong kumain. Feel na feel niya ang presence ng lalaki at talagang pinapangarap niya na nobya siya nito.
"Hindi kaya ako mapagkamalan na cradle snatcher nito?" pabirong bulong ni Jason habang magkasabay silang naglalakad.
"Bakit, seven years older ka lang naman, ah?" sagot niya na tumingin dito. "Ang daddy ko nga, ten years ang tanda sa mommy," aniya na walang pakialam kahit nakauniporme pa siya.
"Kung ganoon ay puwede pala tayong dalawa." Nasa tinig nito ang pagbibiro.
Napatingin siya rito. "H-ha?" tangi niyang nasabi, na lumakas ang kabog ng dibdib.
"May boyfriend ka na ba?" nakatawang tanong nito.
Napailing siya, sunud-sunod.
"Come on," yaya nito na inilahad sa kanya ang kamay. At bagama't may kaba ay ibinigay niya ang kamay rito.
Kaya magkahawak silang naglakad.
KAMI na ba? Nagtapat na ba ang binata ng lagay na iyon? naguguluhan niyang tanong sa sarili nang maihatid na siya ni Jason sa bahay. Nakahiga na siya at yakap-yakap ang stuffed toy, nangangarap na si Jason iyon. May ngiti pa siya sa mga labi nang makatulog.
Kahit ano pa man sila ni Jason, masaya na siya dahil sa wakas napansin din siya ng binata.
"TALAGA?" Hindi makapaniwala si Janna nang magkuwento siya. "Ibig sabihin, kayo na ni Kuya?" excited na tanong nito.
"E-ewan ko." Napakibit-balikat siya.
"Pero, 'di ba sabi mo, sabi niya, puwede pala kayo? Iyon na iyon."
"Sa tingin mo, iyon na?" alanganin niyang tanong.
"Oo naman!" Napasimangot pa ito. "Akala ko, si Kuya ang manhid!" pang-aalaska nito.
Hindi nakakibo si Lai. Naguguluhan siya. Sana nga ay tama ang kaibigan. Na iyon na ang paraan ng pagtatapat ni Jason.
"HIJA, mukhang hindi na kita nakikita rito sa bahay," ang mama niya nang magkasabay silang nag-almusal. "Pagkagaling mo sa eskuwela ay doon ka na tumutuloy kina Janna."
BINABASA MO ANG
Umaasa Sa Iyong Pag-ibig - Jennie Roxas
RomanceBata pa lang si Lai ay mahal na niya si Jason. Nagkaroon siya ng ilusyon na mahal din siya nito, at hinihintay lang nitong magdalaga siya dahil sa agwat ng kanilang edad. Ngunit nang mag-sixteen siya ay nagsimulang mangyari ang kinakatakot niya nagk...