Chapter 15: Kamaganak

28 0 0
                                    

Year: 2013, Palawan (Present)

"Sigurado ba kayong kaya ninyong dalawa lang?" hindi mapakaling tanong ni Nico. Tinutulungan nito si Noah sa dala niyang bag pasakay ng private yatch ng mga Fajardo. Kasabay ng pagdaan ng mga pilak na sinag ng araw sa kanilang bumbunan ay ang walang humpay  pag-aalala nito sa sasapitin ni Noah. Kung wala lamang siyang sariling kasintahan ay hindi ito papayag na lumakad ang dalawa na mag-isa. "I promised to be the forever wingman pero-"

"Ano ka ba?" pagputol ni Noah. Hindi nito mapigilang matuwa sa pag-aalala ni Nico. Ngunit para kay Noah, sapat na ang panahong naging single ang pinsan nito. Hinahangad din niya ang kaligayahan ni Nico sa piling ng mabuti at tahimik na si Sky. Ginusot nito ang buhok ng kanyang pinsan sabay bigay ng mahigpit na yakap. "Saglit lang naman kami roon. Babalik rin kami agad."

Nang mapakalas ay dumapo kay Noah ang mga serosong titig ni Nico. Mga tingin ng taong puno ng takot. Tingin ng isang kaibigan na ayaw siyang iwan sa panganib na kanynag pupuntahan. Bahagyang hinampas ni Nico ang braso ng pinsan niya sabay hawak nang mahigpit sa laylayan ng damit ni Noah. "I know, kaya lang kasi it's 2013.Dito nagmula iyong Adam na-"

"Noah, tara na!" tawag ni Adam sa malayo. Nakasuklay pataas ang kanyang buhok at ang mga asul niyang mata ay natatakpan ng itim na salamin. Bagamat malayo ay matatanaw sa kinatatayuan ni Noah ang abot taingang ngiti ng kanyang nobyo. Sumasayaw pa ito sa saliw ng musika nagmumula sa headset na nakasalpak sa mapuputi niyang tainga.

"Sige na, alagaan mo na ang muffin mo," paalam ni Noah kay Nico.

"Basta, tawagan mo agad ako kapag nagkaproblema," nag-aalalang bilin nito.

"Tsk. Opo, Sir Nicolas." Inapiran ni Noah si Nico bago ito tuluyang magpaalam.

***

Isang oras lamang ang layo ng islang pinuntahan nila. Medyo kawangis ng Amanpulo ang kabilang isla ngunit mas maraming komunidad at bahay rito hindi gaya ng tinutuluyan nila. Kilala ito sa tawag na Bayan ng Lazuli. Hango ang pangalang ito sa kulay asul na karagatan at mga batong lapis lazuli na kadalasang makikita sa bundok at kapatagan. Simpleng pamumuhay ang makikita rito, may mga batang masayang naglalaro sa dalampasigan gayundin ang mga mangingisdang hitik sa paghuli ng mga tuna at mga lambat nilang umaapaw sa sardinas. Ngunit may makikita pa ring magagarbong resort at restaurant sa tabing dagat na siyang dinadayo rin ng mga turista.

"Banawag" mahinang bulong ni Adam sa kasintahan nito.

"Iyon ba ang pangalan ng barangay ninyo?" usisa ni Noah na nakapalong ng puting sumbrero. Nakasuot ito ng sandong puti at may nakapatong na kahel na polo. Kumikinang ang kanyang ngiti kasabay ng pagkislap ng pilak na ulap sa repleksyon ng karagatan.

Pinagmasdan siya ni Adam. Lumalagpas sa suot nitong sumbrero ang kulay tanso nitong buhok. Sa lilim ng kanyang suot at pumapagaypay ang maamo niyang mata. Nang mapansin ni Noah na nakatitig sa kanya si Adam ay lalo itong napangiti at inilabas ang dalawang dimples niya sa pisngi. Sinimulan siyang akbayan ni Adam sabay inagawan ng mabilis na halik sa kanyang labi. "Hindi barangay iyon. That's my middle name. Cristina Banawag Ambrosi ang maiden name ng nanay ko."

Nagsimula silang maglakad patungo sa palengke at nagsimulang magtanong-tanong. Gaya ng inaasahan ni Adam, sinimulan siyang pagkaguluhan ng mga tagaroon sa pag-aakalang artista ito. May mga dalagita pang nakaingkis sa kanyang braso at panay ang tili sa harapan niya.

"Badtrip naman. Hanggang dito ba?" reklamo ni Adam habang isa-isa nagpapa-selfie sa kanya ang mga babae.

Nakangiti lamang sa kanya si Noah habang nakahalukipkip sa gilid ng isang tindahan. Natatawa ito habang unti-unti nang nagugulo ang magandang pagkakasuklay ng buhok ng kanyang nobyo. Nang makitang niyang malapit nang mapikon si Adam ay sinumulan na niyang lapitan ito.

"Oh, ayan."

Pinasuot ni Noah sa kanya ang gamit niyang sumbrero. Agad namang yumuko si Adam upang matakpan nito sa kanyang mukha. Humagalpak lamang si Noah sa tabi niya habang may mga dalaga pa rin na nakaingkis sa dalawa niyang braso. "Do something, please," pakiusap ni Adam sa nagpipigil-tawa niyang nobyo.

Hinatak ni Noah sa kanyang manggas paalis sa mga dalagang hindi magkandamayaw. Agad silang humarurot ng takbo papasok sa mga eskinita hanggang sa makabalik sila sa pampang. Napadpad sila sa isang sosyal na tindahan ng halo-halo na katabi ng tahimik na katagatan. Pareho pa silang hinihingal mula sa pagharurot paalis sa palengke patungo sa pinaka tahimik na lugar na kanilang natagpuan.

"Dito ka muna," bilin ni Noah. Napansin nitong walang gaanong tao sa paligid. Hinila niya ang upuan sa isang lamesa upang makaupo si Adam. "Ako nalang ang maghahanap. Agaw atensyon ka talaga kahit saan."

"Kasalanan ko bang maging guwapo?" saad ni Adam bago ilagay ang kanyang hinlalaki at hintuturo sa ilalim ng kanyang baba. Pinakitaan niya ng matamis na ngiti si Noah sabay bigay ng mahinang kindat. Natatawa pa ito habang kinukumpas ang kanyang mga talukap.

"Abnuy," bulong ni Noah. Natatawa ito sa itsura ni Adam. Diniinan niya ang pagkakasuot ng sumbrero ng kanyang kasintahan upang mas lalong matakpan ang mapupungay na mata nito. "Huwag na huwag kang maglalaho. Babalik agad ako."

Nagsimulang tumakbo palayo si Noah. Hirap itong makaharurot sa buhangin na nakapalibot sa mga tindahan sa tabi ng dagat. Tanaw pa rin siya ni Adam nang makita nito ang poster ng mga halo-halo sa isa sa mga pader. Kinapa niya ang kanyang bulsa nang mapansin dala ni Noah ang mga gamit nila. Gayundin ang pinaka niya.

"Apple!" sigaw ni Adam nang buksan niya ang pintuan na gawa sa salamin. Ngunit wala na si Noah sa kanyang tanawin. "Pol!"

Bagamat nasa dalampasigan, desente and dessert shop na napuntahan nila. Sementado ang mga pader at sahig nito at air conditioned ang buong tindahan. May lumabas na binata mula sa likod ng counter patungo sa lamesa ni Adam. Nakauniporme ito ng lila, may suot na itim na apron at may nameplate sa kanyang damit kung saan nakaukit ang pangalang Tristan.

"Are you looking for Pauline?" tanong nito. Nakasimangot ito habang nakatayo sa harap ng nag-iisang customer sa shop. Mahusay siyang mag-Ingles at halatang nasa kolehiyo pa lamang ang kanyang edad. "Are you one of her foreign friends she met online?"

Pinagmasdan ni Adam ang binatang lumapit sa kanya. Mula sa itim nitong buhok at kayumanggi nitong balat papunta sa malalalim nitong mga mata. May kakisigan din si Tristan at nakalalamang ang kaguwapuhan nito sa ibang taga baryo kaya hindi ito madaling na-intimidate sa lakas ng dating ni Adam.

"Ah, hindi. Iyong kasama ko ang tinatawag ko," paliwanag ni Adam. Bagamat hinihingal pa rin, sinimulan niyang ngitian ang binatang nakabusangot sa kanyang harapan. Ayaw na niyang bigyan ng sakit ng ulo si Noah at napagpasyahang hindi pansinin ang inaasal ng kaharap nito.

"Nako, marunong ka naman palang magtagalog. Kala ko, isa ka nanaman sa mga ka chat nung kaibigan ko. Pol din kasi ang palayaw niya. Pasensya na." Nagsimulang ngumiti si Tristan nang matiyak na hindi karibal ang kanyang kausap. Tila ba nakahinga nang maluwag nang malamang ibang tao ang tinutukoy ng panauhin niya. "Oh, anong pong order ninyo?"

Napatingin si Adam poster ng halo-halo. Nagsimula siyang magtakam sa lasa ng caong at macapuno. Tamang-tama ang malamig na yelo sa kanyang lalamunan panglaban sa tirik na araw sa labas. "Gusto ko sana, kaya lang naiwan ko sa kasama ko ang pitaka ko."

"Eh di, bayaran mo na lang mamaya," alok ni Tristan. "Macapuno special, gusto mong subukan?"

Tinangunan siya ni Adam. Ilang minuto pa ay bumalik si Tristan dala na ang halo-halo. Nakasuot pa rin ang sumbrero ni Adam habang kumakain nang makabalik si Noah.

"Okay, alam ko na ang sasakyan natin," saad ni Noah habang abala sa pagkalikot sa kanyang cell phone. Naabutan niyang paubos na ang kinakain ni Adam nang umupo siya sa tabi nito. "Sarap 'yan?"

"Gusto mo rin?" Nginitian siya ni Adam habang may tinga pa ng gulaman sa kanyang ngipin. Natawa naman si Noah sa kanyang itsura. Kumuha ito ng tissue at parang magulang na inalis ang dumi sa ngipin ng binatang kaharap niya.

"Hindi na, ubusin mo na iyan at nang makaalis na tayo," natatawang pagtanggi nito.

"Puwede bang pakibayaran muna ito? Naiwan ko kasi sa iyo ang pinaka ko."

Pinuntahan ni Noah si Tristan sa counter at nagbayad. Matapos ang ilang palitan ng ngiti at sukli ay agad na bumalik si Noah sa kanyang kasintahan. Nakalabas na sila ng pinto nang biglang pumasok ang isang dalaga. Tila bumagal ang oras nang magkasalisi sila ni Adam sa labas ng tindahan.

"Ang guwapo naman non," saad ng babaeng nakasuot rin ng itim na apron nang lingunin nito ang dalawang binatang lumabas. May nakaukit na Pol sa kanyang damit ang uniporme niya ay katulad ng kay Tristan.

"Kala ko nga isa nanaman sa mga AFAM mo, eh," biro ni Tristan habang nililinis ang lamesa. Pinigilan nitong tumawa at baka mapikon sa kanya ang katrabaho.

"Sabi sa iyo, Stan. Kapag ako nagka-jowa ng dilaw, hindi ko na papakawalan," sabi ni Pauline. Inilapag niya ang mga pinamiling sangkap at dumiretso sa counter. Inalis niya ang suot niyang sumbrero at kusnag bumagsak ang maganda niyang buhok. Nakangiti at natatawa rin ito sa mga sinasabi niya. "Gagawin ko ang lahat makaalis lang rito. Ha-ha."

Nalungkot si Tristan sa kanyang narinig. Lumakas ang kabog ng kanyang puso habang nanghihinayang para sa kanyang nararamdaman. Panakaw niyang sinulyapan ang dalagang katrabaho. Ang maganda nitong buhok na kulay tanso, mapupungay na mata at dalawang dimple sa pisngi habang tumatawa sa likod ng counter.

Rewrite the Stars (The Time Traveler's Boyfriend Book 3)Where stories live. Discover now