Chapter 24: One Last Time

28 0 0
                                    

Year: 1997, Batanes (Past)

"Kuya, hindi nga sabi Apple. Noah po. Spell ko pa kung gusto mo. N.O.A. Silent H." giit ng batang si Noah.

"Ah basta, Apple!" bulyaw ni Adam habang nakikipagtalo sa paslit sa ilalim ng puno.

"Ang kulit mo naman, eh. Hindi na nga kita pupuntahan dito," sagot ng napipikong si Noah. Akmang tatayo na ito dala ang kanyang baunan at pencil case na may larawan pa ng paborito niyang karakter. "Uuwi na ko!"

"Uy, teka lang. Ito talaga, ang hirap lambingin," pagpipigil ni Adam. Hinawakan nito ang bag ni Noah kaya hindi agad ito nakaalis.

"Kasi ikaw, eh. May pa engineer, engineer ka pa!"

"Endearment. Hindi engineer. Say it again. En- dearment," paliwanag ni Adam sa nabubulol na bata. Hindi nito mapigilang mahumaling sa munting bersyon ng kanyang nobyo. Ang batang laging naiinis sa palayaw na sila mismong dalawa ang nakaisip sa hinaharap.

"Ano ba kasi iyon?" tanong ni Noah. Magkasalubong na ang makakapal na kilay nito at nakanguso dahil wala siyang nauunawaan. Masama ang titig nito sa binatang nakasuot ng masikip na sando na sinungkit ni Noah sa sampayan bago pumunta sa kanilang tagpuan.

Patuloy ang pagbagsak ng mga malulutong na dilaw na bulaklak. Sumasayaw ang mga talulot pabagsak sa punong Narra sa bawat pag-ihip ng hangin. Ang puso ni Adam ay muling nagagalak sa mga sandaling kapiling ang batang walang muwang sa mundo. Ang batang kahit kailan ay hindi siya sinukuan.

"Iyon ang tawagan natin," paliwanag nito.

"Puwede naman kasing Noah na lang," pagpipilit ng batang si Noah.

"Kaya nga endearment, eh. Palayaw na para sa ating dalawa lang," giit ni Adam. Napatingin ito sa music score na hawak ni Noah. Nagusot na ito dahil sa inis. "Ano iyang hawak mo?"

"Ito ang piyesang narinig ko minsan sa radyo," paliwanag ni Noah. Umupo ito upang ilatag ang mga papel na hawak niya. Unti-unti itong ngumiti habang binabasa ang mga notang nakasaad sa papel. "Pamilyar kasi ito sa akin, dati pa."

"Maganda ba iyan?"

"Opo, Kuya! Alam mo namang napipilitan lang ako tumugtog kasi iyon ang gusto nila sa bahay," paliwanag ni Noah. Tila nakalimutan na nitong nakikipagtalo lang siya kanina sa binatang katabi. "Pero nang marinig ko ito sa isang estasyon dati, pinagbigyan ko na sila sa bahay."

"Oh, so gusto mo nang maging musician paglaki mo?" tanong ni Adam.

"Iyon nga po ang problema ko. Tinanong ako nakaraan ng teacher namin sa school anong gusto namin paglaki pero wala akong maisagot," pagpapaliwanag nito. "Ang hirap talaga kapag hindi mo alam kung anong gusto mo."

Napangiti si Adam. Gusto na nitong ibunyag ang lahat tungkol sa hinaharap ngunit pinipigilan niya ang kanyang sarili. Sa halip, hinaplos nito ang magandang buhok ng batang magiging nobyo niya pagdating ng panahon.

"Hindi iyan totoo, alam mo na ang gusto mo," saad ni Adam. Napaangat ang mukha ni Noah at bakas ang pagtataka sa itsura nito. "Alam mo, Apple-"

"Noah nga!"

"Sige, Noah," natatawang pagpapatuloy ni Adam. "Kadalasan, alam na ng tao kung ano ang gusto nilang maging paglaki sa murang edad pa lang. Nakakalimutan na lang nila iyon dahil na rin sa impluwensya ng mundo."

"Gaya ng?"

"Ang iba gusto talagang maging manunulat pero napipilang mag Nurse. Kinakailangang mangibang bansa, para sa mas magandang buhay."

Wala lang imik si Noah. Kumuha ito ng maliliit na bato upang idagan sa mga papel na kanyang dala. Sa ganoong paraa, hindi ito liliparin ng hangin.

"May iba naman gustong maging doktor," giit ni Adam. Pinapanood nito ang batang tinotono ang dala niyang biyulin. "Pero walang pera pang paaral."

Rewrite the Stars (The Time Traveler's Boyfriend Book 3)Where stories live. Discover now