Chapter 23: Bato

23 0 0
                                    

Year: 2010, Metro Manila (Past)

"Sakay na dali!" bulalas ni Noah.

Nakasakay ito ng motor habang basa ng ulan. Ang kanyang itim na tuxedo ay sumisikip dahil sa daluyong. Ang kanyang magandang buhok ay tuluyan nang bumagsak habang ang mga ilang dalaga sa tapat ng paaralan ay nagtitilian sa kanyang itsura.

"Noah, si Dad-" Patuloy lang sa paghagulgol ang babaeng kausap ni Noah. Nakayuko ito sa tapat ng paaralan habang patuloy ang pagbagsak ng ulan.

"Ako ang bahala sa iyo. Dalian mo, sayang ang oras."

Agad na umangkas sa likod ng motor ang babae. Naiwang nagkalat ang mga gamit nito sa tapat ng paaralan. Wala itong ibang dala maliban sa cell phone na kanina pa may tumatawag.

"Ampon-" Natigilan ang babae sa kanyang sinasabi. Ang masungit nitong pag-uugali ay napalitan ng hiya habang humaharurot sila ni Noah sa masikip na trapiko. "Noah, bakit mo ako tinutulungan?"

"Ang dami mong tanong. Kumapit ka nang maigi," pagsaway ni Noah. Hindi nito inintindi ang unang salitang binanggit ng kasama niya.

Ilang minuto na silang nakahinto sa traffic. Malakas ang buhos ng ulan maging ang puting paldang suot ng babae ay basa na rin ng putik.

"Noah, baka hindi na tayo umabot," naiiyak na sinabi ng angkas ni Noah. Bagamat umuulan ay ramdam ni Noah ang mga hikbi nito sa kanyang likuran.

"Aabot tayo. Ako ang bahala sa 'yo," nakangiting saad ni Noah. Iniliko nito ang motor at pinaharurot sa masikip na eskinita.

Ilang minuto pa ay nakarating rin sila sa ospital. Naiwang tulala sa labas si Noah habang humaharurot papasok ang babaeng isinakay nito. Tinignan niya ang kanyang journal at tumingin sa orasan. Nakarating ito sa ospital sa eksaktong oras na itinakda ng tadhana.

***

Year: 2013, Metro Manila (Present)

Hindi lahat ng tao ay inuunawa ang pinagdadaanan ni Noah. Sa anim na kausap ni Danilo sa meeting room, may isang investor na ilang linggo nang nagrereklamo.

"Where the hell is the Country Head?" bulalas nito.

"I am so sorry. He is still in grief right now. Rest assured we'll do the project in time," paliwanag ni Danilo. Hindi na nito alam kung paano pa niya pakikiusapan ang ibang investors dahil sa mga nabinbin nilang proyekto.

Anim na buwan nang pinipilit pagkasyahin ni Danilo ang oras nito sa pagpapatakbo ng kumpanya at pagbisita sa mga proyekto nila sa ibang lugar. Ngunit hindi nito kayang pagsabayin ang mga site visit nito at ang halos- araw-araw na pakikipag pulong sa mga kliyente.

"He better be. Or else get someone who could assist you, Danilo," giit muli ng investor. "Malulugi ang kumpanya mo."

"If you have a problem with my cousin who is mourning, you may leave," saad ng mataray na boses na biglang pumasok sa opisina. Kulang na lang ay lumipad ang salaming gawa sa pinto dahi sa inis nito. "I can return your money with interest. In cash!"

Binagsak nito ang mga dala niyang file cases sa lamesa at hinarap sa nagrereklamong investor. Nang hindi na umiimik ang kanina panaghihinaing na kausap ni Danilo ay inalis ng babae ang suot nitong itim na salamin.

"Regina?" pagtataka ni Danilo.

"Tito Dan!" bulalas ni Regina. Mahigpit nitong niyakap si Danilo habang abot tainga ang kanyang mga ngiti.

Matapos ang pagpupulong ay nagtungo si Regina sa opisina ni Danilo upang mas makausap ito. Nadatnan niya ang kanyang tiyuhin na nakakunot ang noo habang tambad ang mga papeles sa kanyang harapan.

Rewrite the Stars (The Time Traveler's Boyfriend Book 3)Where stories live. Discover now