Chapter 18: Rule Number Four

27 0 0
                                    

Year: 1997, Batanes (Past)

"Kuya Adam, have you ever time traveled to any time before you were born?" usisa ng batang si Noah.

May dala itong basket na naglalaman ng napakaraming pagkain. Ang puso niya ay galak na galak sa muling pagbisita ng binata sa ilalim ng puno. Palihim itong tumakas ng bahay patungo sa panederya bago tumakbo papuntang talampas. Matiyaga itong nag-abang bago pa sumuikat ang araw at siniguradong bagong luto ang mga dala niya.

"Ang dami naman nito? Inubos mo ata laman ng ref ninyo," puna ni Adam habang nakasuot ng maluwag na barong.

Hinahaplos niya ang malaking kumot na inihanda ni Noah upang gawin nilang sapin. Tumatawa pa si Adam habang pinaanuod ang kanyang batang nobyo sa pag-aayos ng pandesal at liver spread na maaga nitong binili sa tindahan.

"At saka saan mo kinuha itong barong na ito? Pareho pa tayo ng suot."

"Kasi nga, date natin," walang kamuwang muwang na paliwanag ni Noah. Wala itong reaksyon ngunit tila alam na niya ang pinagsasabi niya.

Maigi niyang itinago ang mga damit nila ng kanyang ama na minsan nilang isinuot sa isang kasalan. Inihanda niya ito upang ipasuot kay Adam sa muli nitong pagdating. Ang araw ay nagsimulang sumilip sa silangan para sa batang may inosenteng puso. Ang mga ibon ay nagsimulang gumising kasabay ng mahinang pag-awit ni Noah habang inaayos ang termos na may lamang kape.

"Date?" Nagsimulang humagalpak si Adam. Inayos nito ang pagkakabutones ng kanyang damit. Kasabay ng paglaglag ng mga dilaw na bulaklak mula sa puno, muli siyang nahuhulog sa busilak na puso ng kanyang munting nobyo.

"Opo, kaya lang ang napanood ko sa T.V., dapat naka pangbabae ang isa sa atin. Hindi ko po kasi hilig magsuot ng ganoon," paliwanag ni Noah. Mula sa kanyang bag ay inilalalabas ang kanyang mga takdang aralin.

"Noah, ayos lang iyon. Hindi mo naman kailangan mag damit pambabae para masabi na magkasintahan tayo," tugon ni Adam. Namamangha ito sa walang pagatubiling pagbahagi ni Noah ng mga nararamdaman nito. "Puwede mong isuot kahit anong gusto mo. Katawan mo iyan."

Sinimulang kunin ni Adam ang mga libro at kuwaderno ni Noah upang simulang muli ang pagturo rito. Kumuha siya ng isang pandesal habang pumuputok ang araw sa kabilang dulo ng burol. Marahan siyang tinabihan ni Noah upang makita ang kanyang binabasa.

"Kailangan mo ng drawing ng Solar System? Madali lang ito," saad ni Adam. Kinuha niya ang lapis ni Noah at sinumulang tasahan. Kinadagat niya ang pandesal at akmang iguguhit na ang pinakamagandang obra na kaya niyang gawin. Guguhit na sana siya nang biglang agawin ni Noah ang kanyang kuwaderno.

"Huwag ka rito magdrawing," giit ni Noah. Kumuha ito ng blankong papel at marahang inabot kay Adam.

"Akala ko ba kailangan mo ng tulong para sa assignment mo?"

"Opo, pero ayoko ang ikaw ang gumawa. Mag-drawing ka lang at gagayahin ko."

Gaya ng malamig na hangin na biglang umihip sa puweso nila, muling nahumaling si Adam sa pagiging independyente ng batang katabi nito. Gaya ng kanyang nobyo sa kasalukuyan, mas nais ni Noah na kumilos mag-isa. Magdesisyon mag-isa. Humakbang mag-isa gaya ng mga panahong hindi sila magkasama.

Sinimulang gumuhit ni Adam. Nakangiti lamang ito habang may subong pandesal. Nasa kalagitnaan na siya ng pagkukulay nang may maalala ang batang kasama niya.

"Kuya, hindi mo pa sinasagot ang tanong ko kanina," pangungulot ni Noah.

"Ang alin?" tanong ni Adam habang iginuguhit ang mundo.

"Kaya mo bang pumunta sa panahong hindi ka pa ipinapanganak?"

"Bakit mo ba tinatanong?" usisa ni Adam. Natatawa na ito sa pangungulit ng batang kasama niya.

"Kasi, ang astig kaya noon kung nakilala mo si Lapu-lapu, si Rizal," napatigil si Noah bago ito magpatuloy. Nag-isip muna itong mabuti kung itutuloy ba niya ang kanyang sasabihin. "Ang mga magulang mo noong bata pa sila."

Natigilan si Adam sa ginagawa niya. Ilang segundo siyang tulala at nakatitig sa lilang langit na sinisumulang gawing bughaw ng bukhang liwayway. Ang puso nito ay nakaramdam ng kaunting kurot mula sa sinabi ng kanyang munting kasinatahan. Marahan siyang lumingon kay Noah at pinisil ang mga pisngi nito.

"Ikaw talaga, ang dami mong tanong!" bulalas ni Adam. Sinumulan niyang kilitiin si Noah hangang sa pareho na silang tumatawa sa ilalim ng puno.

***

Year: 2013, Palawan (Present)

Pareho pa rin silang lumulutang sa lawa. Dalawang magkasintahan na nakatitig sa langit habang nagbibilang ng mga tala. May mga alitaptap na nakapalibot sa kanila. Ang pilak na buwan ay tuluyan nang nagtago sa malayong bundok.

"Ang dami mong banat, ha?" saad ni Noah sa huling sinabi ng kanyang nobyo.

"Oo nga, napakasuwerte ko dahil nakilala kita," muling saad ni Adam.

"Ang cheesy mo masyado," sagot ni Noah. Muling napabaling ang mga mata nito sa hindi mabilang na bituin sa langit. May mga mga ilang talang wagas kung kumislap samantalang may iba namang tila nawawalan na ng liwanag.

Nakatitig lamang si Adam sa kanyang kasintahan. Nang mapansing maraming iniisip ito ay muli niyang inusisa. "Apple, anong iniisip mo? Kanina ka pa tulala"

"Ang lawak kasi ng sanlibutan. Sobrang liit ko kung ikukumpara sa mga butuing nasa malayo. Para lang akong alikabok," saad ni Noah. Panay ang buntonghininga nito habang patuloy lamang ang paglutang ng kanyang mga agam-agam para sa kanyang nobyo. "I am just a speck in the universe."

"You are not just a speck in the universe. You are my universe in a speck."

Ang mukha ni Noah ay nagsimulang magkutis kamatis sa sinasabi ng kanyang kasintahan. Tila lalong lumalakas ang alon ng lawa dahil sa lakas ng tibok ng kanyang puso.

"Nakakadalawang banat ka na, ah. Quota ka na today," biro ni Noah. Winisikan nito ng tubig si Adam at sabay silang humalakhak.

"Totoo naman, ikaw ang ang kalawakan ko," giit ni Adam na lalong nagpapula sa mukha ng kasintahan nito. Muli silang napahiga sa tubig nang magsawa sa paghaharutan. "Ano bang nakain mo at puro tungkol sa universe ang sinasabi mo?"

"Naalala ko lang ang turo sa akin ng Science teacher ko about sa Solar System noong bata pa ako," paliwanag ni Noah. Muli itong napangiti nang maalala ang araw na ipinasa niya ang kanyang asignatura. "Nakapag-time travel ka na ba sa panahon na nakasoot tayo pareho ng barong?"

"Oo!" bulyaw ni Adam. Nagsimula itong humalakhak dahil sa sobrang tuwa. Bago pa sa kanyang memorya ang araw na iyon kahit ilang taon na ang lumipas para kay Noah. "Oh, pinasa mo ba dati ang ginawa ko?"

Natawa si Noah sa sinabi ng kasintahan nito. Naalala niya na si Adam nga pala ang tumulong sa kanyang tapusin iyon.

"Adik! Siyempre ang gawa ko ang pinasa ko," pagyayabang ni Noah.

"Dapat, ang akin ang pinasa mo, pinagsuot mo pa ako ng barong!" bulalas ni Adam.

Sabay silang naghalakhakan habang nakalutang. Ang puso nila ay sumisigaw sa tuwa habang inaalala ang araw na pareho silang nakasuot ng telang gawa sa hibla ng pinya. Ilang minuto pa ay nagsimula nang humimbing si Noah sa ibabaw ng mga alon.

"Noah, may sasabihin ako sa iyo," biglang singit ng binatilyong walang saplot.

Napamulat si Noah sa biglang pag-upo ni Adam sa lawa. Nakaharap ito sa kanya. Ang itim na langit ay kinukubli ang ang silhuweta nito ngunit sumasabay sa mga kumikislap na bituin at mga kumikutitap na alitaptap ang mga bughaw nitong mga mata.

"Oh, ano iyon?" tanong ni Noah.

"Simula nang bumalik ako sa Pilipinas kasama ka, halos gabi-gabi na akong nagta-time travel," saad ni Adam.

Kasing bilis ng malamig na hangin sa ibabaw na lawa ay mabilis na nagliparan palayo ang mga kulisap na nakapalibot sa kanila. Ang payapang tubig ay nagimbala sa pagbalikwas ni Noah sa kinahihigaan nito.

"Ha? Bakit ngayon mo lang sinabi?" bulalas ni Noah. Para siyang naubusan ng dugo sa katawan dahil sa binalita ng kanyang nobyo. Muling nagpanting sa kanyang tainga ang mga sinabi ni Sij noong nakaraang taon. "You are the trigger, Noah."

"Bakit parang gulat na gulat ka?" usisa ni Adam. Sinumulan nitong tumayo at nagtungo sa pampang upang magsuot ng damit. Hindi agad nakasagot ang kanyang nobyo. Sa lawa ay naiwang nakatulala ito.

Agad na iwinaksi ni Noah ang kanyang mga iniisip. Ayaw niyang mag-isip ng kung ano pa dahil sasakit lamang ang kanyang ulo. Muli niyang ibinaling ang kanyang atensyon kay Adam. "Buti naman ayos ka lang. May masakit ba sa iyo? Okay ka lang ba?"

"Opo, ayos lang ako," nakangiting sagot ni Adam sa paborito nitong tanong ng kanyang kasintahan.

"So, ano ang mga napuntahan mo?" dagdag pa ni Noah. Nagpapangap itong kampante habang marahang tumatayo sa lawa patungong pampang.

"Kung saan-saan. Sa Saturnino, sa gitna ng highway as usual, sa condo kausap si Lolo Miggy. Ang huli ay noong napunta ako sa ilalim ng puno para tulungan ka mag drawing ng Solar System," paliwanag ni Adam. Hindi maipaliwanag ang emosyon nito sa samutsaring lugar na tinalunan niya. "Buti nga noong sa mga highway, five seconds lang at walang masyadong sasakyan. Kay Lolo Miggy minsan 30 minutes. Sa school, saglit lang din. Pero alam mo, anong kakaiba?"

Kinakabahan na si Noah sa pagpapaliwanag ng kasintahan nito. "Ano?" tanong ni Noah

"Wala akong trigger. Madalas alas dose ng gabi oh 'di kaya, ikatlo nga madaling araw," pagtataka ni Adam.

Tila bulalakaw na gumuhit sa kalangitan ang mga katagang kanyang binitawan. Mga salitang lalong nagpasikip sa dibdib ng kanyang kasintahan.

"Siguro dahil kaka-imagine ko sa Nanay ko at dahil sa lugar na ito," paliwanag ni Adam. " Gusto ko kasing makita ano itsura niya noong bata pa siya. Gusto ko siyang puntahan. Iyon siguro ang trigger."

"Rule number four!" bulalas ni Noah. Nakayuko lamang ito habang walang mapagsidlan ang kanyang mga agam-agam. "You can not time travel to anytime before you were born."

"Siguro nga," saad ni Adam. Muling nabalot ng lumbay ang kanyang puso habang inaalala ang kanyang ina. "Pero ang weird talaga."

"Tara na nga," pag-iiba ni Noah sa kanilang usapan. Tumakbo ito patungo sa lampara at sinimulang sindihan. Sabay nilang binagtas ang ang kakahuyan pabalik sa tahanan ng mga Banawag.

Tahimik silang naglalakad sa kadiliman. May mga kaluskos ng dahon at huni ng palaka ngunit hindi lamang iyon pinapanisn ng dalawa. Natigilan si Noah nang sumigaw ang kasintahan nito.

"Owlie!" bulalas ni Adam.

Napalingon si Noah nang biglang tumigil sa paglalakad ang kanyang nobyo. Nakaturo na si Adam sa taas ng isang puno.

"Apat na kuwago!" pagmangha ni Adam sa apat na pares ng matang nakatitig sa dilim. "Meron din pala niyan dito?"

"Halika na nga," yaya ni Noah. Muling itong napalunok at hinatak ang kanyang kasintahan pabalik ng bahay.

***

Kinabukasan ay tinutulungan ni Adam si Sandro sa pag-aayos ng kanilang flower shop sa plaza. Patuloy pa rin ang pagdiriwang para sa kapistahan ng Barangay Alitaptap at ang mga bulaklak na tanim nila ang binebenta sa peryahan.

"Badtrip. Walang customer," reklamo ni Sandro dahil kanina pa nilalangaw ang kanilang paninada. Bagamat maraming turista ay tanging sa kanila lamang walang masyadong dumadayo. Hindi rin ganoon katirik ang araw gaya ng mga nagdaang linggo. "Noah, halika nga rito."

Abala sina Noah at Perlita sa pag-asemblo ng mga bouquet at basket ng mga bulaklak. Kanina pa nakatitig si Perlita kay Noah na siya namang kinaiinis ni Adam. Nakasuot silang tatlo ng apron na itim habang may sun visor sa kanilang mga ulo.

"Oh?" Mabilis na tumakbo si Noah palapit kay Sandro.

"Tumugtog ka sa labas," saad ni Sandro. Mula sa gilid ng tindahan ay inilabas nito ang kanyang gitara at iniabot kay Noah. "Baka sakaling dumugin tayo."

Natawa naman si Noah sa utos nito. Napalingon siya sa kanyang likuran at nakita ang matalim na titig ni Adam.

"No problem," sagot ni Noah.

"Hindi na, ako nalang ang bibili ng mga bulaklak," bulalas ng naiinis na si Adam.

"Baliw!" pagkutya ni Noah. Kinuha nito ang gitara at nagtungo sa labas. Ilang minuto pa ay nagsimula itong tumugtog.

Kasabay ng malambing niyang boses ay ang pag-ihip ng hangin sa mga bulaklak. Humahalo ang malumanay na tinig ni Noah sa amoy ng mga ilang-ilang at rosas. Ang mga matamis na liriko na nagmumula sa kanyang bibig na sumasaliw sa bawat kalabit ng kanyang gitara ay nang-aakit sa sino mang dumaan.

May mga ilang dalagita ang dumumog. Isa-isa na ring nagsibilihan ang mga ito. May mga tao ring kinukuhaan pa si Noah ng video habang umaawit sa kahoy na silya nito. Panay naman ang pagsalin ni Perlita ng mga paninda nila bago pa tuluyang maubos habang patuloy lang sa pag-awit si Noah.

"Ano ba iyan, Perlita? Hindi pa ba ubos?" naiinis na tanong ni Adam. Nanggagalaiti na ito sa nananadya niyang pinsan na halatang pinapatagal lamang ang pag-awit ni Noah sa harapan.

"Hindi pa! Chill ka lang diyan," giit ni Perlita. Kinikilig ito habang bitbit ang mga kahon ng sunflower at tulip.

Nakatayo lamang si Adam sa loob. Nakatago sa lilim habang ang nobyo nito ay patuloy lamang sa pagngiti sa harap ng mga kamera. Nang mapuno na ay nilapitan na niya si Sandro.

"Kapag naubos ba ito, titigil na siya sa pagtugtog?" tanong ni Adam. Sinimulang alisin ni Adam ang suot niyang Apron habang nagtatanong sa kanyang pinsan.

"Ah, eh. Oo," pagtataka naman ni Sandro.

Si Noah na payapang umaawit sa labas ay natigilan dahil sa malakas na tilian ng mga babae. Lumabas si Adam na walang pang-itaas at may mga bitbit na bulaklak. Tumatama ang gintong sinag ng araw sa magandang hubog ng kanyang katawan at sa buhok niyang kulay kahoy.

"Bili na po kayo, ubusin niyo na po ito!" sigaw ni Adam. Ang mga dalaga at turistang nanunood kay Noah ay napatakbo sa binatilyong may katawang parang inukit sa bato.

Tuluyan nang itinigil ni Noah ang kanyang pag-awit. Tatlumpung minuto niyang pinanood ang kanyang kasintahan sa paglalako. Tatlumpung minuto bago tuluyang maubos ang paninda nila. Tatlumpung minutong kinailangan upang mawala ang mga agam-agam ni Noah.

Rewrite the Stars (The Time Traveler's Boyfriend Book 3)Where stories live. Discover now