Entry #9

6 0 0
                                    

"Ang Kalikasan ng Tao"

TAPalacio

Mga kaibigan, walang halong birong katanungan,
Para kanino ka nga ba talaga bumabangon?
Para sa mga magulang, kaibigan, mga taong minamahal,
Pinakamabisang sagot na madaling lasunin ng kainggrataha't kawalang respeto ng tao.

Nais kong malaman kung nagsasakripisyo nga ba ako sa tamang tao?
Kaya rin ba nilang gumanti ni katiting na sakripisyo para sa akin?
Kung mananatili ba sila, may pabuya bang sa aki'y naghihintay?
O kung kaya ba nilang punan ng tuwa ang puwang ng kalungkutan sa aking puso?

Nais kong tanungin ang mga taong minsan nang nakatungtong sa tugatog,
Masaya bang habulin ang pangarap ng nag-iisa?
Nagpakapagod, dinugo sa paghahanda, nilampasan ang sariling limitasyon,
Ang dahilan nga lang ba nito'y para iangat ang sarili, o may mas hihigit pa?

Walang katapusan ang karera patungo sa pagmamahal sa sarili,
Walang kasiguraduhan, at walang tunay na kakuntentuhan,
At ang pagpapatiwakal ay kasing-kahulugan ng panalong kayabangan,
Isang makasariling hangarin sa pagmamakaawa ng huwad na kapayapaan.

Naniniwala akong kagaya sa buhay, may kalayaan rin sa pagpili kung paano tayo mamamatay,
At bago pa natin tuluyang bitawan ang manibela ng ating buhay,
Kailangan na muna nating mamatay sa ating mga lumang sarili,
At ialay ang panibagong buhay sa serbisyo para sa kapwa.

Sa pagpapatuloy ng aking panata, sino nga ba talaga ang tunay na kapwa?
Subukan mo munang hinaan ang ingay ng sariling mundong ikaw rin naman ang may kagagawan,
Pansamantalang kalimutan ang sarili't buksan ang puso't isipan,
Nariyan lamang sila sa paligid, nagugutom, nanghihingi ng saklolo, walang kalaban-laban.

Saka na lilinaw sa pandinig ang mga kaluluwang nananaghoy,
Nanghihinang mga tinig na dadagundong at bibiyak sa iyong tumitibok na puso,
Mga iyak ng dalamhating aabala sa pagtulog mo gabi-gabi, inuutusan kang kumilos at manindigan,
Sapagkat tayong mga tao, sa pinakalikas at dalisay nating anyo, ay tinadhanang magmahal ng totoo.

Palaging nananalo ang pusong may pagmamahal,
Isang katotohanang hirap maunawaan ng taong labis-labis na ginagawang sentro ang sarili,
Maging madunong sana tayo para tanggapin ang reyalidad, hindi mo kailangang makaungos parati,
Huwag rin sana nating iatang sa ibang tao ang obligasyon para pasayahin ang ating mga sarili.

Dumipa para yumakap, Iunat ang kamay para abutin ang mga kapwang salat sa biyaya,
Ngunit matutong makuntento, magtyaga, magpasalamat pa rin kung ngiti lamang ang kaya nilang isukli,
Huwag magpapakabingi sa malakas na mga papuri, ni maghintay ng anumang pabor na babalik,
Sapagkat ang totoong pusong may malasakit, hindi kailanman magiging sakim o pulubi sa kapalit.

 Mahal Kong Bayan Where stories live. Discover now