"Namarahuyong Talulot"
mnemosynthKasing linaw ng payapang alapaap ang banayad na saliw ng mga alon ng dagat. Nais ko pa sanang magtagal, damhin ang malamig na hangin, ngunit mas marikit sa kung ano mang nasisilayan ng mga mata ang aking patutunguhan. Sa bawat paghakbang ay ang masidhing pag-iingat: pag-iingat na huwag malagas sa hawak na tangkay ang mga talulot ng kapa-kapa.
"Ligaya!"
Maingat na hinanap ng aking paningin ang pinanggalingan niyon. Kumaway at ngumiti ako nang matagpuan sa hindi kalayuan si Mayumi, ang kapwa kong uripon dito sa banwa. Nagpatuloy siya sa paglapit kung kaya't akin namang sinalubong.
"Hinahanap ka na ng Bai. Puntahan mo na at baka sundan ka pa rito," sambit niya.
Napailing ako. "Ang mga iyong tinuturan, malabong mangyari."
At hindi kailanman mangyayari.
Hindi ko pahihintulutan. Lilisan muna ako sa mundo bago lumapat ang paa ng pinkamamahal kong alaga sa lupa. Habang ako ang nakatalaga sa tabi niya, mananatili siyang binukot...hanggang handa na siyang maging kabiyak ng kung sino mang ipagkakasundo ng Datu.
Halos malukot ang mukha ni Mayumi. Sa kunot na noo at halos hindi maipaghiwalay na mga kilay ay hindi maitago ang pagkaligalig. "Ngunit Ligaya, batid mo namang kapag hindi ikaw ang naroon, mainitin ang ulo ni Bai Atara. Ngayon ay tila ba talo pa ang isang ginang na nagdadalamhati sa kaniyang asawa!"
Hindi napigilang umikot ng aking mga mata sa mga naririnig. O, siya. Sige na. Kawawa naman si Mayumi. Ngumiti ako at tumango sa kaniya. "Babalik na nga ako sa silid niya."
"Mabuti pa nga."
Nang makarating sa torogan ay nagpunta na agad ako sa silid ng Bai. Sumalubong sa akin ang balingkinitang likuran niya habang nakaupo sa malambot na kama. May dalawa pang mga uripon na bahagyang nasa magkabilang gilid, initataas-baba ang naglalakihang pamaypay. Akala ko galit na galit siya? Tumikhim ako ngunit hindi man lang siya lumingon.
"Iwan niyo muna kami," saad niya. Napangisi ako sa mahinhin niyang tinig. Dati pa man ay nakakahalina na ang paraan ng kaniyang pagsasalita. Ngunit ngayon, malinaw ang
Pagkatapos lisanin ng lahat ang silid at kami na lamang dalawa ang natitira, iniangat niya ang kanang kamay habang nananatiling nakatalikod. Hawak niya ang makintab na kamagi.
"Handog ng aking ama. Ikaw ang nais kong maglagay nito sa aking leeg, Ligaya."
Dali-dali akong lumapit sa kinaroroonan niya. Maingat kong inilapag ang handog na bulaklak sa kandungan niya at saka kinuha ang hawak niyang mukhang gawa sa mamahaling hiyas. Ang makinis na palad ay lumipat sa kapa-kapa, tila pinag-aaralan yaring mga talulot nito.
Bago ko matapos isabit sa leeg ang kamagi, napigilan agad ang pagtanggal ko ng aking mga kamay roon nang kaniyang pigilan at balutin ng kaliwang palad ang aking . Naramdaman ko agad ang init niyon. Kinagat ko ang ibabang labi upang pigilan ang pagngisi.
Iginala ko ang paningin sa paligid bago yumulod at bumulong. Iniwas pa rin niya ang mukha sa akin. "Nananabik ka naman agad sa akin. Batid mo namang babalik at babalik pa rin ako. Iyo bang nagiliwan ang handog kong singrikit mo?"
Ngumisi siya. "Marapat lamang. Akin ka. Ipinagbili sa akin ang buhay at pagkatao mo. Ako lang ang iyong pagsisilbihan."
Tama nga ang tinuran ni Mayumi. Mas lumawak ang ngiti ko. "Sa paanong paraan ba kita dapat pagsilbihan ngayon upang ako'y iyong tingnan na?"
Nanatili siyang tahimik, ngunit ang palad na nakabalot sa aking pulso ay kumuyom. Galit nga ang kamahalan. Tumawa ako nang marahan. Hinagkan ng aking mga labi ang pisngi niyang nakaharap sa akin. "Ganito ba, Atara?"
Napasinghap siya at sa wakas ay binalingan na ako. "Ligaya!"
Dumantay na sa akin ang bilugan niyang mga mata na napaliligiran ng mapipilantik na pilikmata. Agad niya akong binalot ng yakap. Ang init na galing doon ay nagpapawi sa pagod ko mula sa malayong paglalakbay. "Labis akong nag-alala sa iyong paglisang walang paalam."
Sumilay ang aking ngiti sa kaniyang tinuran. "Bakti? Ako ba ay . . . tinatangi mo na rin?"
"Akin ka."
Oo nga pala. Malabo ang ninanais ko. Tipid akong tumango.
Ang haplos ng kalungkutang nadama ay agad ring napawi nang sumikdol ang sunud-sunod na mga putukan sa labas. Pagtataka at pangamba ang bumalot sa akin. Ang mga ganoong pagputok sa labas ay ngayon ko lamang nadinig. Hindi ko inasahang mas payapa pa ang mga nagngangalit na kulog sa langit kaysa rito. Dambol ng kaba ang bumalot sa aking puso nang magtama ang aming tingin sa paghiwalay ng aming yakap.
"Dito ka lang." Agad akong lumabas ng silid ngunit bago pa makalayo ay nakita ko ang isang tagabantay na nagkukumahos.
"Dimasilaw! Anong mga nagaganap sa labas?"
Maging siya ay tila hindi naiintindihan ang mga nangyayari. "Mga taong may dalang mga kagamitang pandigmang higit na mas malakas kaysa sa aming mga sibat at itak. Halos lahat ng kasamahan ko'y nakahandusay na!"
"A-Ano?"
"Ang Bai, iyo nang itakas. Magmadali kayo!"
Paano? Ang Bai ay isang binukot. Bahala na!
Napapikit ako. "Ibigay mo muna sa akin ang iyong sibat!"
Halos manlamig ako habang pabalik sa Bai. Nababanaag ko rin ang matinding takot sa kaniyang mukha. Huminga ako nang malalim. "Atara, kailangan nating lisanin ang banwa. May mga nais manakop dito. Nalagasan na tayo ng mga bantay. Hindi ko alam kung magiging ligtas ka kapag tayo'y nanatili pa."
Patak ng luha ay tumulo mula sa nag-aalalang nga mata. Nag-iwas ako ng tingin dahil kahit ako ay nahihirapan sa nsasaksihang ganito. "Paano ang aking ama at ina?"
"Hindi ko alam, ngunit ikaw ay dapat ligtas." Iniyukod ko ang aking katawan upang siya ay makasakay sa aking likuran. "Paasanin kita. Dali na!"
Naramdaman ko ang ang kaniyang mga bisig sa aking leeg, hanggang tuluyan nang isinuko sa akin ang bigat ng kaniyang katawan. Ang isang kamay ay dala pa rin ang mga bulaklak na ibinigay ko.
Takbo. Lakad. Takbo. Hingal. Takbo. Hikbi. Ang aking mga talampakan ay nagdurugo na. Hindi ko na kasi tinitingnan pa ng inaapakan. At sa papalubog na araw, nakarating kami sa ibayong laot kung saan ay may munting bangka.
Lumapit ako at ibinaba ang Bai roon. Naghalo na ang pawis at luha sa aking mukha ngunit mas pinili ng aking mga kamay na haplusin ang kaniya. Ngunit sa munting kaginhawaan ay muling pagsibol ng mga putukan. Sa malayo ay may mga paparating na kalalakihan. Mga dala'y tila mga inilarawan kanina ni Dimasilaw.
Nanlaki ang aking mga mata. "Ipinakikiusap ko kay Bathala na makarating ka nawa sa kung saan ligtas at payapa, aking mahal na Bai."
Kumunot ang kaniyang noo. "Hindi mo ako sasamahan?"
Malungkot akong umiling. At halos nakalapit na nga sila. Ang mahinang pagsubok na ihagis ang sibat ay siya namang tama ng baril sa aking tagiliran. "Ligaya!" sigaw ng Bai.
Mauuna pa akong malagutan ng hininga bago masaksihan ng dalawa kong mga mata ang paglapat ng mga paa niya sa lupa. At bago pa man niya ihakbang ang mga paa papunta sa aking kinalalagyan, itinaas ko ang kanang kamay, puspos ang pag-asang tumigil siya sa gagawin at magpatuloy nang lumisan.
"Iniirog kita nang labis, Atara," usal ko sa hangin.
Kahit nanghihina na, buong lakas ko pa ring itinulak palayo ang bangka. At bago pa man tuluyang mandilim ang paningin, aking nakita ang takot sa marikit niyang mukha, kahit pa sa ilalim niyong mapipilantik ma pilikmata.
At bago makalayo ang bangka, tumitig sa akin ang nangungusap niyang mga mata. Mahigpit niyang itinapat sa puso ang nga bulaklak na kaloob ko. "Ikaw ang tanging ligaya ko."
Sapat na iyon upang akin nang ipikit nang tuluyan ang mga mata.
YOU ARE READING
Mahal Kong Bayan
RandomMapagpalaya ang wika dahil bagaman katulad ng mga Pilipino ay dumaan ito sa maraming pagbabago, nananatili ang kalakasan nitong iparamdam ang totoo nating damdamin at ang katotohanan ng mundo sa pamamagitan ng pagbigkas at pagsulat. Ang mga tulang i...