Entry #1 (Part 2)

5 0 0
                                    

"Komyuterong Hero"
TAPalacio

Video ng isang graduation ceremony ang pinapanood ng katabi niyang manong. Mahina lang ang volume pero rinig ni Rolly ang mga nangyayari sa palabas. Medyo magalaw ang pagkakakuha ng cameraman ngunit hindi maaring magkamali ang binata sa nakita niya nang mahagip ng camera ang logo ng school.

"Manong sa Sta Elena High School po ba 'yan, sa Camarines Sur?" hindi mapigilang mapatanong si Rolly sa katabi.

"Ay oo totoy." tugon ng lalake saka humarap sa binata "Pa'no mo nalaman? Taga-Bicol ka rin?"

"Opo 'tay. Doon ako lumaki. Sa Sta Elena rin po ako nag-high school. Dyan din po ako sa stage na 'yan nagmartsa noon."

"Tignan mo nga naman ang pagkakataon 'toy, anliit din talaga ng Maynila."

"Oo nga po. Limang taon na nakakalipas, parang wala pa rin pong pinagbago yung school namin. Sino po pala yung nandyan sa video?"

"Panganay ko 'toy, anak kong babae." hindi maitago ng manong ang nararamdamang tuwa at pagkasabik at nagawa pang i-forward ang pinapanood nilang video "Ito sya o. Valedictorian 'yan."

Lalong napatutok ang mga mata ni Rolly sa video. Sinusundan niya ng tingin ang isang dalagitang may cute na ngiti at balingkinitang pangangatawan. May napakaraming medalyang nakasabit sa kaniyang leeg.

"Ay congrats po pala 'tay. Sobrang talino po pala ng anak ninyo."

"Ayun ako 'toy o, kasama ko yung asawa ko." turo ng manong sa kanyang sarili "'Yan yung oras na pinaakyat na kaming mga magulang ng mga honored students."

Hindi mawaglit ang tingin ni Rolly sa tatay na nasa video. Panay kasi ang talikod nito para itago ang pagluha sa camera. Napansin din iyon ng announcers at lahat ng mga manonood kaya hindi nila maiwasang siya ay kantyawan. Maging ang ilan sa mga boses sa video'y nag-iiyakan na rin. Naaantig ang puso nila sa reaksyon ng tatay ng valedictorian. Parang may kung anong kurot din sa dibdib ang biglang naramdaman ni Rolly.

"Nakakahiya naman 'tong video 'toy. Napanood mo pa talaga akong umiiyak." wika ng lalake na natatawa pa.

"Naku OK lang po 'yon 'tay. Kung ako nga po ang may anak na valedictorian, baka hindi ko rin mapigilang umiyak." wika ni Rolly. "Matanong ko lang po 'tay, ano po bang iniisip nyo ng mga oras na 'yan?"

Bahagyang natigilan ang manong saka bumuntong-hininga ng malalim.

"Marami 'toy. Magkakahalong pakiramdam. Bukod sa sobra-sobrang tuwa, nanliliit din ako sa sarili ko."

"Nanliliit? Bakit naman po 'tay?" naguguluhang usisa ni Rolly.

"Alam ko kasing hindi ako karapat-dapat na maging tatay ng isang valedictorian. Mahirap lang kami. Ni hindi nga ako nakatapos sa elementarya. Kung hindi ako lumuwas at nag-construction worker dito sa Maynila ng walong-taon, malamang pagsasaka pa rin ng lupa ng iba ang hanap-buhay ko.

"Noong sumampa kami sa stage ng asawa ko, para akong nanliit. Yung ibang mga parents anggagara ng suot, mga de-kotse pa ang ilan, disente ang mga trabaho. Kumpara sa amin, pakiramdam ko para lang kaming mga langgam sa zoo. Naturingan ngang hayop, pero walang sariling pangalan, walang sariling hawla, kung matapakan ng iba, tiyak walang makakapansin."

Napatungo pa ng mas mababa ang ulo ng manong saka hinimas ng kanang kamay ang kanyang batok na parang hiyang-hiya. Muli niyang itinuloy ang sinasabi.

"Para sa mga taong nando'n, kwento ng tagumpay 'yon, na anak lang ng isang construction worker ang valedictorian nila. Pero bilang isang padre-de-pamilyang responsable sa paghahanap-buhay, sobrang baba ng tingin ko sa sarili ko noon. Na para bang pagsubok o hadlang sa tagumpay ng anak ang kakulangan ng tatay niya.

 Mahal Kong Bayan Where stories live. Discover now