Entry #2

9 0 0
                                    

"Liham Mula sa Isang Rebeldeng Anak"
TAPalacio

Para sa Aking Inay,

Inay, buhay pa ako. Buong-buo, nakakabit pa rin ang ulo ko sa aking katawan, kumpleto ang dalawang kamay at paa.

Hindi ako kabilang sa mga bangkay na ibinilad ng mga sundalong Amerikano sa plaza at ngayo'y mistulang pagkain na lamang ng mga uwak at buwitre. Magkagayun pa ma'y hindi ko ito maituturing na isang pagpapala, sapagkat si Teyong na aking katokayo't matalik na kaibigan, sampu ng mga miyembro ng kilusan ang sinawim-palad na naroo't nagbuwis ng kanilang buhay.

Dumating ang mga kaaway sa dis-oras ng gabi. Sa sandali ng aming kapahingahan, nagdiriwang, tumatamasa ng kaluwalhatian mula sa isang maliit na tagumpay. Ibinuhos namin ang buong lakas at pinadanak ang sariling dugo para mabawi ang munisipyo. O anong sarap malasahan ang luha ng kaaway. Maging silang matataas at may tangang mga makabagong uri ng armas, inuusig rin pala ng karuwagan sa harap ng kamatayan.

Ngunit maiikli lamang ang mga panaginip. Ang kagaya nilang nasanay sa itaas ay gagawin ang lahat para manatili sa tuktok. Hindi kailanman makukuntento ang puso nilang pinalobo ng yabang at kasakiman.

Binalikan nila kami nang gabi ring iyon, hatid ang isang madugo't masalimuot na kapalaran. Dinurog nila kami, pinaglaruan ang aming kahinaan, na tila ba mga baliw na naliligayahan habang pinagmamasdang unti-unting matuyotan ng pag-asa ang nanghihina naming mga katawan. Ganitong kasawian ang natagpuan namin habang walang patumangga nilang kinakamkam ang mga bagay na tayo ang nagmamay-ari.

Hindi ko na kayang burahin sa aking isipan ang karahasang nasaksihan ng aking mga mata Inay.

Gumising ka Inay! Hindi kailanman magiging kasagutan ang pakikianib sa Estados Unidos. Isang malaking ilusyon ang kapayapaang hatid nila. Hindi sila gagastos ng limpak-limpak na kayamanan para patawirin sa dagat Pasipiko ang mga barko nilang pandigma. Bigo ang Espanya sa pagpapalawak ng kanilang imperyo kaya ibinenta na nila tayo sa mga Amerikano sa halagang labis na hindi tutumbas sa ating mga dangal.

Hindi nila balak makipagkaibigan sa ating mumunting Bayan.

Pangakuan man nila tayo ng pambansang progresibo at pantay-pantay na edukasyon, hindi magbabago ang mababaw nilang pananaw sa atin. Sa kanila'y para lamang tayong atraksyon sa perya, isang dugyot na tribong nakatira sa silangang globo, mga mal-edukadong kumakain ng buhay na hayop, kailangan nilang paliguan, bihisan, at pakainin.

Ganoon katarik ang tingin nila sa kanilang mga sarili. Paniniwala nila'y taglay nila ang mapagpalang kamay na magliligtas sa sangkatauhan.

Walang kalayaang naghihintay sa pagpapasakop sa kanila. Nagpalit lang tayo ng tanikala sa ating mga kamay ngunit mananatili pa ring sunud-sunurang tagapaglingkod sa panibagong panginoon. Daig pa natin ang nakipagtalik sa de-bayonetang baril habang umaasang hindi tayo masusugatan sa huli. Mga barbaro rin silang kawangis ng nakaraang mga mananakop. Isulat mo ng maingat sa pinakaputi't pinakamalinis na papel ang pagnanais natin sa ganap na soberanya, gagawin lang nila itong pamahid-tumbong matapos dumihan ang ating sagradong lupain.

Buhay pa ako Inay, subalit ngayon pa lamang ay muli akong dudulog ng inyong kapatawaran. Hindi ko gustong patuloy kang pasakitan. Alam kong wala kang ibang hangad kundi ang kaligtasan ng iyong rebeldeng anak. Ngunit ang kadiliman ng panahon ang tumawag sa akin papalayo sa isang mapayapang pamumuhay. Sadyang hindi ko lamang maaatim na magsawalang-bahala sa kahirapan at hindi makataong nagaganap sa ating paligid--sa ating Bayan.

Nais kong maunawaan mo Inay, na hindi kusang ihahain sa atin ng kapalaran ang inaasam nating kalayaan. Balutin man sa pinakamatamis na salita'y hindi rin tayo nito maililigtas sa mapait na katotohanan. Kailangan ng bansang ito ang bawat kaluluwang handang magbuwis ng buhay para sa ninanais na pagbabago.

Patuloy akong makikibahagi sa himagsikan Inay. Pagod na akong magtago sa aking kamusmusan. Ang lugmok na kalagayan ng ating Bayan ang nagmulat sa aking murang pag-iisip. Nawa'y nakamasid rin sa amin ang mga susunod na henerasyon. Nawa'y hindi sa amin magtapos ang kagitingan at damdaming makabayan, hanggang sa tuluyan ng makamit ng pinakamamahal nating Bayan ang ganap nitong kasarinlan.

Aking Inay, laman ng bawat hiling at dalangin ko ang isang bukas na magkakasama tayong muli. Pagkalipas ng lahat ng ito, ninanais ko muling bumalik sa bisig mo't paliguan ka ng yakap at halik.

Lubos na nagmamahal,

Theopilo Palacio
#UMBuwanNgWika
#UMWeeklyWritingActivity
#UMWeek3
#UMLihamParaSaBayan

 Mahal Kong Bayan Where stories live. Discover now