JANXENT ANDREI REGALDON
"Uy, Drei, kanina ka pa tulala," rinig ang pag-aalala sa boses ni Trexi.
Nabalik ako sa katinuan nang dahil doon. Hindi ko napansin na kanina pa pala ako nakatungo magmula nang matapos ang laban. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin nagrerehistro sa akin ang nakita kanina.
Totoo ba talagang kumindat siya? Hindi kaya namamalikmata lang ako? O baka naman napuwing lang siya, 'di ba? At tsaka, baka naman hindi ikaw ang kinindatan, Andrei. Bakit ka naman kikindatan ni Kuya Rexlion? Sira ba ulo mo? Isa ka rin palang may ubo sa utak, e!
Para na akong tanga ngayon na kausap ang sarili. Umiling iling ako, nagbabakasakaling mawawala ang mga boses na nagtatalo sa isip ko.
"Tignan mo 'to, nasisiraan na ng ulo. Gan'yan ba epekto sa 'yo ni Aica?" Bahagya pa akong dinuro ni Trexi.
Halos makalimutan ko na ang nangyaring pagtatabi namin ni Aica. Kanina ay hindi ako mapakali sa kinauupuan. Iyon nga lang ay hindi ko malaman kung dahil ba sa katabi ko ang babaeng matagal ko nang kinababaliwan o dahil sa nakatanaw sa amin at masama ang tingin.
"Ewan ko sa 'yo, Trexi. Halika na sa canteen. Nagugutom na ako," pag-iiba ko ng usapan.
Ayoko na munang pag-usapan ang magkapatid na 'yon. Nang dahil sa kanila ay na-i-stress ako ngayon. Katabi ko nga si Aica kanina at nakausap ko pa pero hindi ko naman masulit dahil ang asungot niyang kuya ay panay ang tingin sa amin. Bantay sarado lagi na akala mo any time ay susugurin ako at sasapakin.
"Saan tayong canteen? COED o COE?" Tanong ni Trexi.
"COE na lang, para malapit. Teka, mauna ka na roon. Kuhanan mo tayo ng pwesto, iihi lang ako," ani ko na tinanguan niya naman saka umalis na.
Napapansin ko ang pagiging balisawsaw ko nitong mga nakakaraan. Lagi na lang ako nakakaramdam nang pag iinarte ng pantog.
Ganito ba kapag laging ninenerbyos?
Kung nerbyos lang ang pag uusapan, ang pangunahing salarin dito ay walang iba kundi ang ubod ng sama kung makatingin, si Rexlion One Guilien.
Tuwing makikita ko ang asungot na 'yon ay lagi na lang akong naiihi. Para bang tuwing titingin siya ay pinipiga niya ang pantog ko. Ang weird pakinggan, pero totoo 'yon. Tangina!
Dumiretso ako sa pinakamalapit na building. ICT Department. Mabilis akong tumakbo papuntang CR at doon inabala ang sarili. Kahit maghahapon pa lang ay medyo natakot ako dahil walang tao ang buong building. Siguro ay nasa iba't ibang lugar ang mga estudyante nito at nanonood sa mga laban na nagaganap.
Sakto nang matapos ako ay bumukas ang pinto ng CR. Muntik pa akong mapatalon sa gulat dahil do'n. Pero parang mas lalo pa akong nagulat sa taong iniluwa niyon. Parang gusto kong pumasok sa isang cubicle at doon magkulong.
Kung minamalas ka nga naman, kung sino pa talaga ang ayaw mong makita, siya pa talaga ang ipapakita sa 'yo. Kung hindi ba naman sira ang ulo ni tadhana.
Dahil huli na at hindi ko na pwedeng itago ang sarili ko ay nagkunwari na lang ako at nagpatay malisya. Diretso lang ang tingin ko sa lababo at doon ay inabala ko ang sarili ko sa paghuhugas ng mga kamay.
Nang hindi mapigilan ang sarili ay tumingin ako sa salamin at nagtama ang aming tingin. Iyon na naman ang mga mata niyang may ipinahihiwatig. Sa sobrang gulo ng mga emosyon doon ay hindi ko magawang basahin ang mga iyon.
Tangina, naiihi na naman ako.
Nag-iwas ako ng tingin at nagpatuloy lang sa pagsabon sa aking mga kamay. Halos maubos ko na ang sabon doon sa kakakuskos ko sa mga ito.
BINABASA MO ANG
Your Force
RomanceLPHBT Series #1 (a bl story) Janxent Andrei Regaldon, a guy with a troubled past, tries to start fresh by enrolling in a new school. There, he meets Rexilian Aica Guilien, a girl who instantly captivates him. Too shy to approach her, he watches from...