p

183 17 4
                                    

JANXENT ANDREI REGALDON

Patuloy lang sa pagtakbo ang mga nanlalata kong tuhod at binti sa gitna ng mainit na field. Hindi ko inaalintana ang pagkapaso ng balat ko sa sikat ng tirik na tirik na araw. Ang gusto ko lang ay ang makalayo sa lugar na 'yon.

Kung may makakakita man sa akin ngayon ay iisiping nasisiraan na ako ng ulo. Ang daming lilim na daan na pwede kong pagdaanan ngunit mas pinili kong tumakbo rito sa initan. Sa dami nang tumatakbo sa isip ko ngayon ay wala na akong panahon pa para maisip 'yon.

Ang gusto ko lang talaga ngayon ay makatakas... kay Diego... sa kanila... sa mga problema...

"Andrei!"

Isang malakas na sigaw ng pangalan ko ang muntik nang magpasubsob sa akin. Biglaan kasi ang naging paghinto ko mula sa mabilis na pagtakbo. Halos dumapo ang mukha ko sa lupa nang dahil doon. Mabuti na lamang at napigilan ko ang katawan ko dahil kung hindi ay daragdag lang iyon sa mga kamalasan kong dinaranas ngayon.

Hindi ako lumingon at nanatiling nakayuko't nakatalikod lang kay Kuya Rexlion. Naririnig ko ang papalapit na tunog ng mga paa niyang lumalapat sa damuhan ng field.

"Andrei," banggit ng boses niyang malalim sa pangalan ko.

Nakita ko sa damuhan ang hulma ng kaniyang anino na unti-unting bumalot sa kabuoan ng sa akin. Napansin ko rin ang pagbabalak ng kamay niyang hawakan ang balikat ko ngunit agad din niya itong binawi.

Ganoon pa rin, hindi pa rin ako lumingon sa kaniya at nanatiling walang kibo. Kagat-kagat ko ang aking pang-ibabang labi sa matinding pagpipigil. Nararamdaman ko na naman kasi ang paghigpit ng aking hininga at ang panunubig ng mga gilid ng aking mga mata. Hangga't maaari ay ayoko nang magmukhang mas ka-awa-awa pa sa harap ng kahit na sino, lalong-lalo na sa harap ni Kuya Rexlion.

"Andrei..." Ang kakaibang lambing ng kaniyang boses ay sumalat sa aking magkabilang tainga.

"Pag-usapan natin—"

Hindi ko na siya pinatapos pa dahil mabilis akong pumihit paharap sa kaniya saka agresibong yumakag sa matipuno niyang pangangatawan.

Naramdaman ko ang gulat niya dahil sa bahagyang pagtalon ng kaniyang katawan. Hindi pa rin ako kumikibo at nanatili lang nakahilig ang ulo sa kaniyang dibdib.

Nang mga oras na iyon ay gustong-gusto kong pakawalan siya at magpakain na lamang sa lupa sa sobrang kahihiyan. Sa aming dalawa ay ako ang may malakas na loob na magsabing humingi muna ng permiso bago hawakan ang isang tao ngunit para ko lang ding nilunok ang dignidad ko nang ako mismo ang nangahas na suwayin iyon.

Akma sana akong bibitaw mula sa pagkakayakap ko sa kaniya nang bigla niyang higitin ang likod ko. At iyon na ang naging tiyempo nang pagbuhos ng mga luhang kanina ko pa pilit na pinipigilan. Mas lalong dumiin ang pagkagat ko sa aking ibabang labi upang kahit man lang sana ay maiwan sa akin ang mga hikbi.

Ngunit gayon na lamang ang dismaya ko sa aking sarili nang kumawala ang hindi kalakasan ngunit sapat na para dumagdag sa kahihiyan kong mga hikbi. Hindi ko na napigilan dahil ang kamay ni Kuya Rexlion na pumaibabaw sa likuran ko ay unti-unting gumapang sa ulo ko saka mas idiniin pa ang pagsubsob ng aking mukha sa kaniyang dibdib.

Nanatili kaming ganoon ang posisyon, ako na nakayakap sa kaniya habang ang kaniyang kaliwang kamay ay patuloy lang sa pagtapik sa likod ko at ang kanan niyang kamay na marahang dumadausdos sa likuran ng aking ulo.

Hindi pa man din ako kumakalma sa pag-iyak nang bigla niya akong ilayo sa kaniya gamit ang pagtaban niya sa magkabilang balikat ko. Yumuko ako dahil sa natanto. Alam kong sabog-sabog ang mukha ko ngayon. Nanggigitata ako sa pawis dahil sa tirik ng araw at namamaga ang buong mukha dala nang pag-iyak. Baka nga ay may uhog pa ako.

Your ForceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon