CHAPTER 9

145 4 0
                                    

CHAPTER 9

BISPERAS ng pagbalik ng mga magulang ni Yehlen sa Hawaii ay dumalaw ulit si Carlos sa bahay ng doktora. Naghanda si Yehlen ng kaunting pagsasaluhan nilang apat, despedida na rin sa dalawang matanda. Nagluto siya ng ilang putahe, at ang iba naman ay inorder niya online at pina-deliver na lang niya sa bahay.

"Kumusta ka, Carlos?" bating tanong sa kanya ni Ramon.

"Mabuti naman po. Busy lang sa trabaho. Nag-enjoy po ba kayo sa bakasyon n'yo ng isang linggo?"

"Kaya naman kami nagbalikbayan ay para makasama kahit ilang araw lang si Yehlen. Kaya masayang-masaya kami dahil sulit na sulit ang bawat minutong kasama namin siya," puno ng kasiyahang sabi ng matandang lalaki.

"May dala nga po pala akong ilang mga pinoy pasalubong. Pagpasensyahan n'yo na po." Iniabot niya sa ama ni Yehlen ang mga pasalubong goodies.

"Matutuwa ang mga kumare ni Alicia 'pag natanggap nila ang mga ito. Maraming salamat, Carlos."

Lumapit sa kanila si Yehlen. "Dad, food is ready. Kumain na tayo," yaya sa kanila ng babae. Umabrisyete pa siya kay Carlos at saka hinila ito papunta sa mesa.

Masaya nilang pinagsaluhan ang pagkaing nasa mesa. Kung titingnan ay aprubado naman kina Ramon at Alicia ang relasyon nina Yehlen at Carlos.

***

GALING sa opisina si Lerma at sakay ng grab car pauwi. Bago pa man huminto sa tapat ng gate ng bahay na tinitirhan nila ay nakita na ni Lerma ang batang lalaking lumabas sa gate ng katabi nilang bahay. Ito 'yung batang nakita niyang kasama ng guwapo nilang kapitbahay doon sa pool.

Paglabas ng gate ay nagpalinga-linga ang bata na para bang may hinahanap.

Bumaba si Lerma sa grab car at mabilis na lumapit sa bata.

"Bata! Saan ka pupunta?" tanong niya rito.

"Hinahanap ko si Daddy," sagot ng bata na sa tingin ni Lerma ay pitong taong gulang na.

"Pumasok ka na ulit sa bahay n'yo. Doon mo na lang hintayin ang daddy mo. Baka kasi masagasaan ka ng sasakyan dito sa labas," pag-aalala niya para sa bata.

"Wala kasi akong kasama sa bahay. Wala si Yaya, tapos umalis din ang daddy ko."

"Saan ba pumunta ang daddy mo?"

"May bibilhin lang daw siya, pero ang tagal niya wala pa rin siya."

"Hindi ka kasi puwede dito sa labas, baka ka mawala."

"Hindi ako mawawala, dito lang ako. Hihintayin ko na lang dito ang daddy ko," katwiran ng bata.

"Ano bang pangalan mo?" tanong niya sa bata.

"Allen..."

"Eh, ang daddy mo, anong name niya?"

"Daddy Greg," sagot ng paslit.

"Ganito na lang, Allen. Pumasok ka na dito sa gate, at sa loob mo na lang hintayin ang Daddy Greg mo. Okay ba sa'yo 'yon?"

Hindi sumagot si Allen dahil napako ang tingin nito sa isang pulang kotseng paparating.

"Ayan na pala si Daddy, eh!" sigaw ng bata na bakas ang sobrang kasiyahan sa mukha.

Napatingin na rin si Lerma sa paparating na kotse.

Pumarada sa harapan nila ang kotse at bumaba ang lalaking nagmamaneho nito.

Parang namalikmata si Lerma nang makita sa malapitan ang lalaki. Ito pala ang lalaking dalawang beses na niyang nakita ang hubo't hubad na katawan. Hindi niya itatangging mas guwapo pala ito sa malapitan.

DANCES WITH FIRETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon