CHAPTER 23

66 5 0
                                    

CHAPTER 23

HALOS hindi malaman ni Greg ang kanyang gagawin nang dumating sila sa ospital. Si Carlos ay aligaga rin. Si Lerma ay patuloy pa ring namimilipit sa sakit kasama na ang takot sa maaaring mangyari sa ipinagbubuntis niya. Si Nanay Edna ay abot-abot ang panalangin para sa kaligtasan ni Lerma at ng sanggol na dinadala nito.

Ipinasok sa emergency room si Lerma at agad na sinuri ng mga doktor. Sa ganitong pagkakataon, walang magagawa ang mga taong nagmamahal sa kanya kung hindi ang maghintay sa sasabihin ng doktor.

Ilang sandali pa ang mabilis na lumipas at lumapit na sa kanilang tatlo ang manggagamot na sumuri kay Lerma.

"Sino ang asawa ng pasyente?" tanong ng doktor.

Nagkatiningan sina Carlos at Greg. Kapwa sila hindi makasagot.

"Doc, ano'ng lagay ng baby?" tanong ni Greg.

"I'm sorry, hindi na namin nailigtas ang ipinagbubuntis niya."

Pakiramdam ni Greg ay sinaksak siya sa dibdib dahil sa kanyang narinig. Hindi niya napigilang mamuo ang luha sa gilid ng kanyang mga mata.

"Kumusta po ang pasyente, Doc?" tanong naman ni Carlos.

"Maayos naman ang lagay niya, pero kailangan niya munang manatili rito sa ospital para sa iba pang tests na kailangang gawin sa kanya," sabi ng doktor.

"Salamat, Doc," sabi ni Nanay Edna.

Tipid na ngumiti sa kanila ang doktor. "Maiwan ko muna kayo."

"Ako na ang bahalang kumuha ng room para kay Lerma," pagboboluntaryo ni Carlos.

"Salamat, Carlos. Uuwi muna ako para kumuha ng mga gamit ni Lerma," sabi naman ni Nanay Edna.

Nang maisaayos na ang mga dapat ayusin ay nilipat na sa private room si Lerma na mahimbing nang natutulog dahil sa isinaksak ditong general anesthesia para magawa ang proseso ng pagtatanggal ng natitirang pregnancy tissue katulad ng placenta sa uterus niya. Si Carlos at Greg ang nagbantay sa kanya habang hindi pa bumabalik si Nanay Edna.

Walang imikan ang dalawang lalaki habang naghihintay na magising si Lerma. Tila ba nagpapakiramdaman lang sila.

Nang dumating si Nanay Edna ay pinilit niyang umuwi na ang dalawang lalaki.

"Ako na lang ang bahala rito. Magsiuwi na kayo, madaling araw na," sabi niya kina Carlos at Greg.

"Magpapalit lang po ako ng damit at maliligo, pero babalik din ako rito agad," sabi ni Carlos.

"Matulog ka muna, Carlos. Magpahinga ka," bilin ng ina ni Lerma.

"Bukas ng umaga naman po ako babalik," sabi naman ni Greg.

"Mag-iingat kayo sa pagmamaneho," paalala ng matandang babae.

Saka naalala ni Carlos na naroon pa sa bahay ni Nanay Edna ang kotse niya.

"Sige, 'Nay, babalik muna ako sa bahay n'yo, doon naka-park ang kotse ko, eh."

"Maraming salamat sa inyong dalawa... Sige na, lumakad na kayo."

Wala pa ring imikan silang dalawa hanggang sa makalabas ng ospital.

PAGBALIK nina Carlos at Greg sa ospital ay gising na si Lerma. Halos magkasunod lang silang dumating dahil nga magkapitbahay ang dalawang laalaki at nang makita ni Greg na paalis na ng bahay si Carlos ay nagpasya na rin siyang bumiyahe pabalik ng ospital. Parang nagpapaligsahan silang dalawa. Ayaw nilang malamangan sila ng bawat isa.

"Kumusta ka na, Lerma," halos magkasabay na sabi nina Greg at Carlos.

Matipid siyang ngumiti. "Medyo okay naman. Siyempre, malungkot dahil nawala ang baby ko. Pero tinanggap ko nang maluwag sa dibdib. Kung nasaan man siya ngayon, alam ko mas maayos na ang kinalalagyan niya. Hindi na niya mararanasan ang kumplikadong buhay na naghihintay sana sa kanya dito sa mundo kung naipanganak ko siya.

"Sorry talaga, Lerma. Kung hindi bumangga ang katawan ko sa'yo, hindi ka sana natumba," malungkot na sabi ni Greg.

"Gusto ko ring mag-sorry, Lerma. Kung hindi ko sinuntok si Greg, hindi sana siya tumilapon sa katawan mo. Ako ang talagang may kasalanan dito. Masyadong mainit ang ulo ko," nagsisising wika ni Carlos.

"Wala na tayong magagawa. Nangyari na ang nangyari," ani Lerma. Tiningnan niya ang dalawang lalaki at saka sinabing, "Kayong dalawa, hindi pa ba kayo magkakaayos?"

Nagkatinginan sina Greg at Carlos.

"Kung ano man ang problema ninyo sa isa't isa, ayusin n'yo na," sabat naman ni Nanay Edna.

Namayani ang saglit na katahimikan. Tila nagpapakiramdaman na naman sila.

Unang naglahad ng palad si Greg. "Sorry, Carlos. Sana kahit mahirap, kalimutan na natin ang masamang nangyari sa atin."

Tumingin si Carlos kay Greg at saka niya inabot ang kamay nito. "Sorry din, bro. Pasensya ka na, padalos-dalos ako."

Naiiyak na napapangiti si Lerma sa nakitang pagkakasundo ng dalawang lalaking naging bahagi ng magulo niyang buhay. Si Nanay Edna ay nangilid din ang luha dahil sa wakas ay naging maayos na ang lahat.

Makalipas ang isa pang araw, nasa ospital pa rin si Lerma. Isang delivery boy ang pumasok sa loob ng silid sa ospital kung saan siya naka-confine. May dala itong isang bouquet of white tulips. May maliit ding card na nakasingit sa mga bulaklak.

Iniabot ng lalaki ang bouquet kay Lerma at may pinapirmahan itong isang maliit na papel sa kanya. Pagkaalis ng lalaki ay kinuha niya ang card at binasa ang nakasulat na mensahe roon.

I'm sorry, Lerma. Hindi ko hihingin ang kapatawaran mo ngayon. Pero sana dumating ang panahon na kusa mo iyong ibibigay sa akin. Alam kong hindi ko agad mabubura sa isip mo ang masamang imaheng nabuo ko sa'yo. Pero nagpapasalamat ako dahil ikaw ang nagpamukha sa akin na sobrang kasamaan na ang ginagawa ko. I was never a demon. Hindi ko rin alam kung anong masamang hangin ang pumasok sa utak ko at naisip kong gawin iyon sa'yo. I'm really, really sorry. Gusto ko sanang puntahan ka at makausap nang personal, pero wala na akong mukhang maihaharap pa sa'yo. Again, I'm so sorry... and I wish you well. Yehlen.

Naramdaman ni Lerma na pumatak ang luha mula sa kanyang mata. Parang nakahinga siya nang maluwag nang mabasa ang mensahe ni Yehlen. Dito sa mundo, paulit-ulit na nagkakasala ang mga tao, nagkakamali. Pero ang mahalaga ay tanggapin nila ang pagkakamali at matutong humingi ng dispensa sa bawat maling nagawa na nakasakit sa kapwa.

Nang lumabas si Lerma ng ospital, handa na siyang simulan muli ang kanyang buhay. Magsisimula siya ng bago. Magsisimula siya nang tama. Ang mga payo na ibinigay niya kay Carlos ay sisikapin din niyang gawin para sa kanyang sarili. Dahil sino pa ba ang unang magmamahal sa kanya, kung hindi ang sarili niya mismo. Ang pagmamahal sa sarili ang pinakaimportante sa buhay. Ito ang magbibigay sa iyo ng tiwala sa sarili, pagpapahalaga sa sarili, at sa pangkalahatan, mas positibo ang iyong magiging pakiramdam.

Si Greg ay isang tukso na dumating sa kanyang buhay. Pero ipinagpapasalamat din niya na nakilala niya si Greg dahil ito ang naging daan para mas matuto siyang pahalagahan ang kanyang sarili bilang isang babae sa kabila ng mga pagkakamaling nagawa niya kasama ang lalaking ito.

Lahat sila ay naging biktima ng pagkakataon, pero kailan man ay hindi pa huli para ituwid ang mga pagkakamali, tuluyang bumangon... at magsimulang muli.

WAKAS

DANCES WITH FIRETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon