CHAPTER 16
TAPOS na ang clinic hours ni Yehlen. Naghahanda na siyang umuwi, ganoon din ang kanyang secretary sa clinic nang may isang lalaking pumasok pa.
"Sir, close na po kami. Balik na lang po kayo bukas," magalang na sabi ng sekretarya.
"Hindi ako magpapakonsulta. Hinahanap ko lang ang doktor n'yo dito. Gusto ko siyang makausap," sabi ng lalaki.
"May appointment po kayo kay Dra. Lorenzo?"
"Wala, pero kilala niya ako. Pakisabing gusto siyang makausap ni Dr. Antonio Salva."
"Ah... Maupo po muna kayo, Dr. Salva. Tatawagin ko lang po si Dra. Lorenzo."
Napangiti si Dr. Salva. "Maraming salamat."
Pumasok ang sekretarya sa check-up room. Naabutan niyang nakayuko si Yehlen at may sinusulat. "Doktora, may naghahanap po sa'yo. Siya raw si Dr. Antonio Salva."
Nag-angat ng mukha ang doktora. Hindi masabi ng sekretarya kung mukha bang nagtataka si Yehlen o mukhang masaya. "Dr. Antonio Salva?"
"Yes, Doktora," sagot ng sekretarya.
"Saglit na nag-isip si Yehlen at saka nagsalita, "Sige, mauna ka nang umuwi. Ako na ang bahala rito. Kakausapin ko lang muna ang sinasabi mong Dr. Antonio Salva."
"Sige, Doktora, uuwi na ako," paalam ng sekretarya at saka lumabas na ng check-up room.
Nasa receiving room pa rin si Dr. Salva at naghihintay.
"Lalabas na po si Doktora, pakihintay n'yo na lang po siya," paalala niya sa bisita. Inayos niya ang kanyang mesa, kinuha ang kanyang bag, at saka lumabas ng clinic.
Nang wala na ang sekretarya ay saka nagdesisyon si Yehlen na lumabas ng check-up room. Huminga muna siya nang malalim at sinigurong maayos ang kanyang itsura. Hindi niya alam kung paano haharapin ang dati niyang nobyo. Matagal niya itong hinanap at inasam na makitang muli para tuparin ang usapan nila noon sa med school. Bakit ngayon pa ito biglang magpapakita kung kailan umaayos na ang buhay pag-ibig niya?
Pagkakita niya sa dating nobyo ay biglang lumakas ang tibok ng puso ni Yehlen. Heto na sa harap niya ang lalaking kasama niyang bumuo ng mga pangarap habang nagpapakahirap sila sa pag-aaral ng medisina. Wala pa ring ipinagbago ang itsura nito. Guwapo pa rin at simpatiko.
"Yehlen..." tanging nasabi ng doktor nang makita siya. Tumayo ito at mabilis na lumapit sa doktora.
"K-kumusta ka?" tanong ni Yehlen sa mahinang boses. "Bakit ngayon ka lang bumalik? Alam mo bang ang tagal kong naghintay sa'yo?" Puno ng hinanakit ang tinig niya.
"Gusto ko sanang humingi ng patawad sa'yo, Yehlen. God knows how much I've wanted to see you. Pero naaksidente ako sa America, na-coma ako at nang magkamalay ay hindi naman ako nakalakad ng maraming buwan. Kinailangan kong mag-therapy. Mahabang gamutan ang nangyari sa akin. At ngayon lang ako naging maayos ang lagay para mapuntahan ka. Nang dumating ang oras na kaya ko nang lumakad nang malayo at bumiyahe, ikaw agad ang naisip kong puntahan. Ayoko nang magsayang pa ng oras dahil baka hindi na kita maabutang wala pang asawa," paliwanag ni Dr. Salva. "Kaya nang malaman ko sa pinsan ko that you're still using your maiden name, kahit paano ay umasa ako na single ka pa rin... katulad ko."
"You're not yet married?"
Tumango ang doktor. "Yes, dahil wala akong ibang naiisip na makasama habang buhay kundi ikaw lang, Yehlen. Mula noong nasa med school pa tayo, hanggang ngayon, ikaw lang ang babaeng minahal ko... at mamahalin nang paulit-ulit."
Nangilid ang luha ni Yehlen. Hindi siya makapaniwala sa mga nangyayari ngayon. Bigla ay naging sobrang komplikado ng buhay niya. Kinarma ba siya sa ginawa niya kay Lerma?
Hindi niya alam kung paano magre-react sa sitwasyon niya ngayon. Doktor siyang naturingan pero parang bigla siyang naging bobo na hindi alam ang gagawin. Kasalanan din naman niya talaga. Ginulo niya ang tahimik na pagsasama nina Carlos at Lerma, dahil lang kahawig si Carlos ng lalaking pinakamamahal niya at inaasahan niyang tutupad sa pangako nila sa isa't isa noong sila'y nag-aaral pa.
"Am I late for your love, Yehlen?" madamdaming tanong ni Dr. Salva. "Sana ay hindi pa."
"Antonio..."
"Handa akong ligawan kang muli. Suyuin... Ipapakita ko sa'yo na ako lang ang lalaki para sa'yo, Yehlen."
Gustong maiyak ni Yehlen dahil sa sinabi ni Antonio. Pero mas gusto niyang umiyak dahil sa komplikado niyang sitwasyon ngayon. Nagawa na niyang paghiwalayin sina Carlos at Lerma. Ano ba ang dapat niyang gawin ngayon? Paano si Carlos kung tatanggapin niya ang pagbabalik ni Antonio? At gugustuhin ba niyang huwag tanggapin ang lalaking kay tagal niyang inasam na bumalik sa buhay niya para lamang makapiling niya si Carlos?
Sino ba ang dapat niyang mahalin? Si Antonio, ang lalaking una niyang minahal? O si Carlos na may malaking pagkakahawig kay Antonio?
"Puwede kayang pag-usapan natin ito sa ibang araw?" pakiusap ni Yehlen. "Give me time. I want to think it over."
"Does that mean I have slim chances of getting a yes from you?" malungkot na tanong ni Antonio.
"No, hindi ganoon," tanggi niya. "Masyadong matagal tayong hindi nagkita. We've totally lost communications and many things have happened during those years. Sana maintindihan mo ako, Antonio. Naguguluhan pa ako ngayon. Don't think na hindi ako masaya na nandito ka ngayon at hinahanap mo ako. Masayang-masaya ako, of course. But you being here also brings confusions to me."
Tumango si Antonio. "I perfectly understand you. Panahon ang matinding naging kalaban natin. I'll give you time to think. But allow me to court you again. Allow me to see you from time to time so you'll easily find me in your heart. Would that be fine?" puno ng pag-asang tanong ng doktor.
"Yes," pagsang-ayon ni Yehlen. Thank you, Antonio. I really appreciate you travelling from the US just to find me."
"Can I give you a hug?"
Hindi naman mnagdamot si Yehlen. Siya na ang lumapit kay Antonio at buong higpit na niyakap ito. Parang tumigil ang ikot ng mundo nang magdikit ang kanilang mga katawan. Hindi ito ang unang beses silang nagyakapan. Pamilyar na pamilyar na silang dalawa sa katawan ng isa't isa.
"I'll see you again, Yehlen. Thank you so much for talking to me and hearing my side," bulong ni Antonio habang nakayakap pa rin kay Yehlen. "Give me your calling card, okay?"
Tumango-tango si Yehlen. "Yes, of course. Yes..."
BINABASA MO ANG
DANCES WITH FIRE
RomanceDoes size really matter? Maraming nagsasabing hindi. Nasa performance daw 'yan. Pero paano kung ang isang lalaki ay hindi na nga nabiyayaan ng inaasam niyang sukat, eh, kulang na kulang din sa performance dahil napakabilis niyang labasan? Pero dapat...