CHAPTER 20

56 4 1
                                    

CHAPTER 20

HINDI inaasahan ni Lerma ang magiging bisita niya sa opisina nang araw na iyon. Tinawagan siya ng receptionist at sinabing may bisitang naghihintay sa kanya sa lobby.

"Anong ginagawa mo rito?" gulat na tanong niya nang makita si Greg sa lobby ng opisinang pinagtatrabahuhan niya.

"Gusto sana kitang makausap," sabi nito.

"Hindi ba nag-usap na tayo? At sinabi ko na sa'yong ayaw na kitang makita."

"Pero..."

"Greg, magulo na ang buhay ko. Mas ginulo mo pa."

"Kaya nga gusto kong panagutan ang ipinagbubuntis mo."

Napalinga-linga sa paligid si Lerma. "Sige, lakasan mo pa ang boses mo. Ipaalam mo sa buong mundo na buntis ako." Hinawakan niya sa braso si Greg at hinila papalabas ng opisina.

"Lerma, seryoso ako... Handa akong panagutan ka," sabi ni Greg nang makalabas na sila. Pumuwesto lang sila sa gilid ng gusali ng opisina kung saan walang masyadong dumadaang mga tao.

"Nagi-guilty ka lang. Huwag kang pabida, Greg. Hindi mo ako mahal. Hindi mo gusto ang batang dinadala ko. Kinakalabit ka lang siguro ng konsensya mo dahil nagpadala ka sa kaway ng pera," mariing sabi ni Lerma.

"Mahal kita! Minahal na kita. Sa maikling sandaling nakilala kita, nakita ko ang mga magagandang katangian mo. Mali lang 'yung naging dahilan para magkakilala tayo. Hindi naging maganda ang imaheng naipakita ko sa'yo dahil sa koneksyon ko kay Yehlen, pero alam ko sa sarili ko na mahal kita, hindi dahil naaawa ako sa'yo, o gusto ko lang pagtakpan ang naging kasalanan ko. Hindi ko gagawin ito kung hindi ako seryoso sa'yo, Lerma."

"Umuwi ka na, may trabaho pa ako. Masyado ka nang nakakaabala."

"Lerma, sandali... Ano ba ang kailangan kong gawin para maniwala ka sa akin?"

"Wala, Greg. Basta, layuan mo na lang ako at 'wag ka nang magpapakita sa akin kahit kailan," pakiusap niya. "Tama na, Greg. Sasabog na ang ulo ko sa sunod-sunod na problema. Kakahiwalay lang naming ni Carlos. Ano, iniisip mo na porke naghiwalay na kami ay lilipat naman ako sa'yo? Ano ako, babae ng bayan?"

"Hindi kita pinag-iisipan nang ganoon..."

"Kahit ano pa ang sabihin mo, mas mapapanatag ako kung hindi na kita makikita... kahit kailan."

"Lerma, magkakaroon ako ng anak sa'yo. Hindi puwedeng hindi tayo magkaroon ng komunikasyon. Sa ayaw at sa gusto mo, bahagi na ako ng buhay mo." Desidido si Greg na ipaglaban ang karapatan niya bilang ama ng ipinagbubuntis ng kausap.

"Gaano ka kasiguradong sa'yo nga ito?"

"Eh, kaya ka nga hiniwalayan ni Carlos, 'di ba?"

"Iyan ba ang sinabi sa'yo ni Yehlen?" tanong niya. "Greg, hangga't walang lumalabas na bata, hangga't wala kang katibayang sa'yo nga ito, please stay away from my life. Huwag mong ipagpilitan ang sarili mo, kasi wala kang mapapala. Babae ako. Lahat ng naging desisyon ko ay paninindigan ko. At sa ngayon, hindi ko kailangan ng lalaki para mabuhay." Tinalikuran na niya si Greg at nagmamadaling naglakad pabalik sa opisina.

Susunod pa sana si Greg pero narinig niya ang sinabi ni Lerma sa guardiya, "Guard, pakiusap, huwag mo nang papapasukin ulit dito sa office ang lalaking 'yan." Itinuro pa siya ni Lerma sa guwardiya.

"Yes, ma'am," magalang na sagot nito.

Wala nang nagawa si Greg kung hindi ang umalis. Bakas sa kanyang mukha ang matinding kalungkutan. Mula nang mamatay ang nanay ni Allen, ngayon lang siya ulit nagkaroon ng paghanga at pagmamahal sa isang babae sa kabila ng maraming mga babaeng nakilala niya bilang gigolo.

DANCES WITH FIRETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon