CHAPTER 15

103 4 0
                                    

CHAPTER 15

PAGKAALIS ni Lerma sa bahay nila ni Carlos ay agad namang bumiyahe ito papunta sa bahay ni Yehlen. Aburido dahil sa natuklasang pagbubuntis ni Lerma.

"O, bakit mukha kang nalugi sa sabong diyan?" salubong na tanong sa kanya ni Yehlen. "Natuwa pa naman ako at naisipan mong dalawin ako, pero parang nagpunta ka lang para maglabas ng problema. Ano ba ang nangyari?"

"Hiwalay na kami ni Lerma," malungkot na sabi ni Carlos.

Nanlaki ang mga mata ni Yehlen. "Really? Nagawa mo rin sa wakas! I've been waiting for you to do that. Akala ko, hindi mo na talaga gagawin. Akala ko, forever na lang akong third party sa buhay n'yo. Now, you're free. Mas magiging masaya na tayo, Carlos." Niyakap niya ang lalaki. "I promise to be a very good girlfriend to you. Hinding-hindi ka magsisisi sa pagpili mo sa akin. Oh, my God! I'm on cloud nine!"

"Buntis si Lerma..." Halos bulong lang ang pagkakasabi niyon pero dinig na dinig ni Yehlen.

"Are you serious?" Kumawala si Yehlen mula sa pagkakayakap niya kay Carlos.

"At hindi ako ang ama." Parang may panghihinayang sa boses ni Carlos. Pero para kay Yehlen, ang balitang iyon ay bumuo ng isang senaryo sa kanyang isip.

Kung hindi si Carlos ang ama ng ipinagbubuntis ni Lerma... walang iba kundi si Greg!

"Sino raw ang ama?" tanong ni Yehlen kahit alam naman niya ang sagot sa sariling tanong.

Umiling si Carlos. "Ayaw sabihin, eh. Pero may suspetsa na ako kung sino?"

"Sino?"

"Baka iyong bagong kapitbahay namin. Nakita ko pa silang magkausap sa labas ng gate namin bago pa umalis si Lerma, eh. Ibig sabihin, close sila para mag-usap. To think na bagong lipat lang ang lalaking iyon do'n sa katabing bahay namin. Hindi ko pa alam ang pangalan no'n, eh."

"Pabayaan mo na sila. Hindi naman importante kung sino man ang nakabuntis sa kanya. Ang mas dapat bigyan ng pansin ay ang katotohanang she cheated on you, kaya dapat lang talaga siyang hiwalayan," pagsusulsol pa ni Yehlen.

"Pero ako ang unang nagloko. Ako ang dahilan kung bakit sumayaw siya sa apoy. Kung hindi ko siya binalewala, kung hindi ko siya binigyan ng dahilan para mawalan ng amor sa akin, sana hindi siya naglaro ng apoy. Sana hindi siya nabuntis ng kung sinong lalaki d'yan."

"Eh, bakit sa tono mo parang nanghihinayang ka? Bakit parang nagsisisi ka? Hindi mo ba gustong nagkahiwalay kayo ni Lerma? Matatanggap mo ba siya kahit ganyan na binuntis na siya ng ibang lalaki samantalang kayo, eh, umabot ng limang taon pero hindi ka niya nabigyan kahit isang anak?"

"Ewan ko, Yehlen, naguguluhan pa rin ako."

Nagkunwaring nagtatampo ang babae. "Nakakasama ka naman ng loob. Ako itong nandito at handa kang tanggapin anytime, sa kabila ng mga kakulangan mo, pero parang mas gusto mo pa ring makasama si Lerma. Ano bang nagustuhan mo sa kanya na wala sa akin? Mas nagagandahan ka ba sa kanya kaysa sa akin? Mas magaling ba siya sa kama kaysa sa akin?"

"Yehlen, walang ganoon." Inalo niya ang nagtatampong doktora. "Ikaw na ang nagsabi, limang taon kaming nagsama. Mahirap kalimutan ang limang taon."

"Kung hindi mo na siya mahal, madali mo na siyang makakalimutan. I promise you, gagawin ko ang lahat para makalimutan mo si Lerma. Mark my word..."

Niyakap ni Carlos ang babae at hinalikan sa noo.

Naisipan niyang magpalipas na lang muna ng ilang oras sa bahay ni Yehlen. Humiga siya sa kama para magpahinga, hindi na niya namalayang nakatulog na siya.

DANCES WITH FIRETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon