Chapter 10

19 2 0
                                    

"Riella!"

Malakas kong tawag sa makulit na bata. Kanina ko pa siya hinahanap. Namalengke lang ako saglit pagbalik ko wala na siya sa bahay.

Ang bata talaga na 'yon!

"Ang yabang mo, ah! Wala ka namang Papa!"

Napatigil ako sa paghahanap at lumingon sa pinanggalingan ng boses na 'yon.

Bayolente akong lumunok ng makita si Riella. Nakatalikod siya sa gawi ko kaharap ang tatlo pang bata na babae. Sa hinuha ko ay kasing edad niya lamang ang mga ito. Limang taon.

"Nagsasabi ako ng totoo." Mahinang sabi ng anak ko.

"Ano naman ngayon kung nag-aaway magulang ko! Ikaw nga isa lang magulang mo! Panget ka pa!"

Suminghap ako ng itulak ng mga ito si Riella. Napaupo ang anak ko sa semento.

Nanikip ang dibdib ko sa nasaksihan. Ngayon ko lamang ito nakita. Nag-aalala tuloy ako na baka lagi nila itong ginagawa kay Riella.

"Diyan ka na nga! Hmm!"

Mabilis kong pinuntahan si Riella pagkaalis ng mga bata.

"Riella..." mahinang tawag ko sa kanya nang makarating sa kanyang tapat.

Nakayuko ito. Nang marinig ang boses ko, unti-unti niyang itinaas ang kanyang ulo. Mangiyak-ngiyak kong hinawakan ang kanyang pisngi. Namumula ito gayon din ang gilid ng kanyang mata.

Umupo ako para magpantay ang aming mga mukha

"Mama..."

Bahagya ko siyang nginitian. Hinimas ko ang kanyang mahaba na buhok. "Di ba sabi ko sa'yo huwag kang lalabas ng bahay hanggat wala ako?"

"Sorry po, Mama. Niyaya kasi ako ni Abby na maglaro. Kaso inaway din niya ako."

Kumibot ang aking labi. "Pasensya ka na anak..."

Umiling siya at ngumiti. "Wala ka namang kasalanan kung bakit nila ako inaway Mama. Kasalanan ko po. Sorry." Ngumuso siya. "Hihingi na lang ako ng sorry kay Abby mamaya Mama."

Pumikit ako ng mariin. Masakit na makita ang anak ko na nasasaktan. Hindi niya binabanggit ang tungkol sa kanyang Papa. Hindi ko alam kung bakit hindi siya nagsasalita tungkol doon. Kung sakali din naman na magtanong siya ay wala rin akong masasagot sa kanya.

Niyakap ko si Riella. Hindi ko maiwasang maiyak.

Na kahit niloko at sinaktan ako ni Ivan. Na kahit pangalan ng babaeng mahal nito ang gusto niyang ipangalan sa anak namin, nagawa ko pa ring ipangalan kay Riella ang pangalang gusto niya. Mariella Ally, ang pangalan ng anak ko. Anak rin siya ni Ivan. Kahit na nasasaktan ako, ibinigay ko pa rin ang pangalan na iyon sa anak namin. Na kahit iyon man lang... may alaala si Ivan na iiwan sa anak ko. Kahit masakit.

"Gusto mong gawan kita ng paborito mong laruan?"

Tumunghay ako sa kanya. Nanlaki ang mga mata niya at sunod-sunod na tumango. "Talaga Mama?! Gagawan mo ako ng wind mill na gawa sa straw?"

"Aba syempre naman! Basta para sa Prinsesa ko."

Tumayo ako. Inilahat ang kamay sa kanya. Tatalon-talon niyang tinanggap ang aking kamay.

Masaya ako na kahit ganito lang. Kahit mahirap ang buhay namin. Napapasaya ko pa rin si Riella. Kahit mga simpleng bagay.

Anim na taon na ang nakalipas. Tinanggap ako ni Papa ngunit hindi si Riella. Masakit na pinagmamalupitan niya ito kapag may kamalian na nagagawa ang anak ko. Duble ang balik. Bukod sa naaalala ko sa kanya ang sarili ko noong bata pa ako, masakit na dinadanas din ni Riella ang dinanas ko.

BEAT OF LIES (COMPLETED)Where stories live. Discover now