ISLA

3.1K 67 1
                                    

Chapter 1

"Mag-iingat kayo dun. Ken ikaw na ang bahala sa daddy mo, bantayan mo iyan dun baka mag-inom nang mag-inom. Magtext ka kaagad sa akin pagdumating na kayo dun." Bilin ni mommy sa akin.

Tumango ako kay mommy. Ang dami niya kasing bilin kanina pa.

"Iyang pera mo Ken ha baka naman gastusin mo nang basta-basta sa walang kwentang bagay. Yung mga padala ko sa Auntie Melba mo ha baka pabayaan mo. Kabilin-bilinan niya ang mga iyan. Magagalit iyon kapag nawala mo."

Hindi talaga matapos-tapos ang mga bilin ni mommy. Pinabaunan niya nga din kasi ako ng ten thousand pesos para daw may allowance ako habang nandun kami sa province nina daddy, pocket money kumbaga. Tapos punong-puno ng kung anu-anong laman ang backpack ko. For sure kung anu-ano na naman ang pinaglalagay ni mommy dito.

Papunta kami ni daddy sa province nila dahil aattend kami sa kasal ng bunso niyang kapatid na si Tita Eryn.

Hindi makakasama sina mommy at Kuya Emman dahil may trabaho ito at syempre sasamaham siya ni mommy para may mag-asikaso sa kanya. Hindi kasi pwedeng umabsent sa trabaho niya si kuya. Kaya kami na lang ni daddy ang pupunta sa province.

"Edward, ayang anak natin ha. Baka hayaan mong kung saan-saan magsusuot yan dun. Huwag mong hayaang makipagkarera sa motor baka ayain iyan ng makuya Joot niya dun at saka ni Toper."

Si Kuya Joot ay anak ni Tita Emme na ate ni daddy. Si Kuya Toper ay pinsan din namin, anak naman ng kamag-anak ni daddy. Mahilig daw kasi ang mga itong makipagkarera sa motor.

"Akong bahala darling, ikaw naman binata na yang bunso natin kung itrato mo akala mo baby pa din." Sabi ni daddy kay mommy. "O siya, nandito na si Pareng Abel, aalis na kami at baka bumuhos na naman ang malakas na ulan eh bahain kami sa daan." Paalam ni daddy kay mommy.

Tamang-tamang pumarada sa harap ng gate namin ang kotse ni Tito Abel ang siyang nirentahan ni daddy para maghatid sa amin sa pier.

Hindi ko alam exactly kung paano kami magbabiyahe papunta sa province.

Si daddy na ang bahala basta ang alam ko ay sasakay kami ng barko.

Mula pier ay sasakay daw kami ng barko papuntang province. Pero pagdating namin sa pier sa province ay susunduin na kami ng van nina Tito Erlan kapatid ni daddy. Halos kulang dalawang araw daw ang byahe namin.

Nagpaalam na kami kay mommy at lumabas na kami ng gate para sumakay sa kotse. Medyo umaabon na nga. Ilang araw na din na palaging kulimlim ang langit at umuulan.

Kumakaway pa si mommy habang tumatakbo na ang kotse namin palayo.

"Gaano kayo katagal dun pare?" Tanong ni Tito Abel habang nagmamaneho. Sa front seat sa katabi niya nakaupo si daddy. Ako naman syempre sa likuran.

"Ilang weeks lang pare baka dalawa, may pasok pa kasi itong si Ken eh, nagkataon lang na may one week silang bakasyon ngayon. Pagkakakasal ay uuwi din kami. Alangan lang na hindi kami makipagkasal at malamang sasama ang loob ng nanay at tatay ko. Kasal ng bunso namin tapos babae pa. Magagalit sila kapag hindi kami nakapunta." Sabi ni daddy.

Pumikit na lang ako para makatulog habang nasa biyahe, medyo inaantok ako dahil maaga akong ginising ni mommy kanina.

Medyo lumakas na ang ulan kaya ang sarap sanang matulog kung nasa kama ko lamang ako. Hinayaan ko na lang na magkwentuhan sina daddy at Tito Abel.

Hindi rin ako interasado sa mga pinag-uusapan nila. Hindi ako interesado sa mga kuwento ni Tito Abel kaya matutulog na lang talaga ako.

Paminsan-minsan ay humihinto kami dahil sa traffic.

"Akala ko ba ay nakalabas na ang bagyo, bakit ganito pa din ang panahon. Laging madilim ang langit at umuulan." Narinig kong tanong ni daddy.

"Aba eh may pumasok na naman daw ata ulit na bagong low pressure, ewan hindi na ako nakapanuod ng balita kagabi dahil sa subrang pagod, nakatulog ako kaagad. Saka alam mo naman madalas ay magulo talaga ang forecast minsan ng Pag-asa. Pero sigurado ka bang may byahe daw?" Si Tito Abel.

"Meron pare, tumawag ako kanina sa opisina ng MV Claudia. May permiso daw ang coastguard na magbyahe sila."

Nakatulugan ko na lang sina daddy at Tito Abel na nagkukuwentuhan. Naalimpungatan na lang ako nang gisingin na ako ni daddy.

"Ken halika na. Gising na." Mahinang inalog ako ni daddy sa aking balikat.

Nag-inat ako. Nawawala pa ako sa huwesiyo ko kung nasaan ako? Akala ko nasa kuwarto ko lang ako at natutulog. Nasa pier na pala kami. Ang tagal ko rin palang nakatulog.

Nagpaalam lang si daddy kay Tito Abel at tumuloy na kami sa tubusan ng ticket. Bitbit namin ni daddy ang mga bag namin na laman ang kanya-kanyang gamit.

Ako isang backpack at isang travelling bag. Si daddy naman ay traveling bag lang ang dala.

Pagkabili namin ng ticket ay tumuloy na kami sa barko. Ipinakita lang namin sa tauhan ng barko ang ticket at pinaakyat na kami ng barko.

Bata pa ako nang makasakay ng barko, siguro mga six or seven years old pa lamang ako. Nagbakasyon din kami sa province noon ni daddy. Si mommy nga pala ay taga Manila lang mismo.

Tig-isa kami ni daddy ng teheras. Alam kong teheras ang tawag sa parang kamang siyang pupuwestuhan namin dito sa barko.

Actually kama nga talaga ito, double deck nga ito. May nakapwesto sa itaas, hindi ko kilala. Si daddy ay sa katabing teheras ko nakapuwesto.

Medyo napaaga ang dating namin ni daddy. Puwesto ako ng higa sa teheras ko para ipagpatuloy ang naudlot kong tulog kanina. Nakakaantok din kasi talaga ang mahinang pag-alog ng barko gawa siguro ng pag-alon ng tubig. Nakita ko si daddy na busy sa cellphone niya, may katext siguro, malamang si mommy.

Mga ten ng umaga nang magsimulang lumayag ang barko. Nakatulog na nga ako at nagising lang dahil sa malakas na busina nito signal na paandar na nga ito sa pier.

Tumingin ako sa labas dahil kita naman ito mula sa puwesto ko. Mukhang malakas na ang buhos ng ulan. Halos hindi ko na makita ang paligid dahil sa lakas ng buhos ng ulan.

Tumingin ako sa loob ng barko. Marami ding biyahero bagamat marami ding teheras ang bakante. Siguro dahil hindi pa naman peak season ngayon.

Tinapunan ko ng tingin si daddy, mukhang tulog din ito kaya bumalik ako sa dati kong pwesto at natulog ulit.

...

"Ken... Ken... Gising na."

Nagising ako sa mahihinang alog ni daddy. Nag-inat muna ako bago ko siya tiningnan.

"Hindi ka ba nagugutom?" Tanong ni daddy. May hawak siyang cup noodles at hotdog sandwich. Iniabot niya ang mga ito sa akin. Napilitan akong bumangon. Kinuha ko ang cup noodles at sandwich saka ipinatong sa teheras ko.

Anong oras na ba?

"Shit..." Bulong ko nang muntikan nang matapon ang sabaw ng noodles dahil umalog ng medyo malakas ang barko. Mukhang maalon na.

Umupo si daddy sa teheras niya, may hawak din siyang cup noodles at hotdog sandwich. May kape rin siya, hindi na niya ako binilan dahil alam niyang hindi ako mahilig magkape kapag ganitong oras.

Kinapa ko muna ang cellphone ko sa bulsa ng bag ko saka binuksan ang screen, alas tres na ng hapon? Grabe ang tagal ko palang nakatulog? Walang signal. Ibig-sabihin ay nasa laot na kami.

Gaano na kaya kami kalayo? Ibinalik ko na lang ang cellphone ko sa lagayan nito at dinampot ko ang cup noodles. Nagugutom na rin talaga ako.

Yung ibang biyahero ay tulog din, ang iba ay nagkukwentuhan, ang iba ay nagbabaraha, naglalaro ng tong-its.

ISLA: A DAD and SON PARADISE (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon