"Mahal." Nilingon ko si Sophia na ngayon ay nakapatong ang ulo sa balikat ko.
Nandito kami sa beach dahil gusto niyang makita ang paglubog ng araw. Nakapaikot ang kamay ko sa beywang niya at pinapakiramdaman ko ang bawat pag-ihip ng hangin sa balat ko pati na rin ang ingay na dulot ng pag-alon ng dagat.
"Ano 'yon, Mahal?" tanong ko pabalik sa kaniya. Ipinikit niya ang mata niya at saka siya ngumiti. Ngiting mapayapa kaya naman napangiti rin ako.
"Kwentuhan mo naman ako." Ilang sandali akong napatitig sa kaniya. Bihira kasi na hilingin ni Sophia na magkwento ako pero siguro, ganito talaga. Ganito yata talaga kapag alam na niyang malapit na.
Ibinalik ko sa dagat ang paningin ko at saka ko inalala ang unang pagkakataon na nakilala ko siya.
"Sige. Itong ikwe-kwento ko sa'yo ay talagang magugustuhan mo, Mahal ko." Muli na namang ngumiti si Sophia at kahit na mahirap para sa akin ay nagawa ko pa rin siyang gantihan ng isang ngiti. Nagpakawala muna ako ng isang buntong-hininga bago ko hinigpitan ang pagkakahapit ko kay Sophia.
"Noon, may isang batang babae na parang lalaki kung kumilos. Ang mga kalaro niya noon ay mga lalaki. Bansak, tumbang-preso, at shatong ang nilalaro niya imbes na step baro o kaya naman ay chinese garter." Nakatitig lang ako kay Sophia habang nagkwe-kwento ako. Nanatili siyang nakapikit pero hindi nawawala ang ngiti sa labi niya kaya naman ipinagpatuloy ko ang pagkwento ko.
"Wala siyang pakialam kahit tinutukso na siyang tomboy ng mga kaklase niya pati na rin ng mga kapit-bahay niya hanggang sa may isang gwapong paslit ang minsang nagtanggol sa kaniya mula sa panunukso ng ibang bata sa babaeng 'yon." Nakita kong may luhang tumulo mula sa mata ni Sophia kaya naman mas lalo ko pang hinigpitan ang pagkakayakap ko sa kaniya.
"Iyon ang pagkakataon na naging magkaibigan silang dalawa. Laging magkasama sa mga laro. Sabay na pumapasok. Sabay na umuuwi. Kung tutuusin, sa batang edad nila na 'yon, maswerte sila dahil nahanap nila ang isa't-isa." Ayaw kong umiyak. Ayaw kong ipakita kay Sophia kung gaano kasakit sa akin na alalahanin ang mga nangyari sa amin noon. Masasayang alaala pero iba ang epekto sa akin ngayon. Iba ang hatid na lungkot ng masasayang pinagsamahan namin ng babaeng mahal ko.
"Noong nasa college na sila, sino ba ang mag-aakala na 'yong babaeng mala-tomboy noon ay magiging isang babaeng napakaganda at pinapangarap ng kalalakihan sa school nila? Noong panahon na 'yon, nanlumo 'yong lalaking kasama niya simula pagkabata. Akala niya, hindi siya mapapansin no'ng babae dahil kumpara sa mga lalaking nakapaligid sa kaniya ay wala siyang binatbat." Ipinagpatuloy ko ang pagkwento kay Sophia. Noong panahon na 'yon, hindi ko rin inakala na mahal niya ako. Hindi ko inakala na sa dami ng mga nanligaw sa kaniya, ako ang sinagot niya.
"Hanggang sa umamin 'yong lalaki sa babae. Una, natakot siya na baka masira ang pagkakaibigan nila sa oras na umamin siya pero hindi. Doon niya nalaman na mahal din pala siya no'ng babae na 'yon. Doon ko nalaman na mahal mo rin pala ako, Mahal ko." Narinig ko ang paghikbi ni Sophia. Tiningnan ko ang mukha niya at patuloy sa pag-agos ang luha niya. Pakiramdam ko ay pareho kami na nararamdaman ngayon. Pareho kaming nasasaktan. Nasasaktan sa katotohanan na 'yong saya na meron ang mga alaala naming dalawa ay lungkot na ang hatid sa amin sa mga oras na 'to. Masakit alalahanin ang mga bagay na naging dahilan ng kasiyahan mo. Masakit kasi alam mong anomang oras ay maaari nang mawala ang taong kasama mo sa alaalang 'yon. Masakit. Sobrang sakit.
"Mahal ko." Napalingon akong muli kay Sophia. Hinawakan ko ang mukha niya saka ko pinunasan ang luha niya.
"Ano 'yon, Mahal? Bakit ka ba umiiyak? Nakakaiyak ba ang kwento natin?" tanong ko sa kaniya habang patuloy kong pinupunasan ang luha niya. Noong iminulat niya ang mga mata niya ay sumakto 'yon sa mga mata kong nakatitig sa kaniya.