Star-Crossed Lovers
by pople
(Wordcount:3,162)
----------------------------
Halos hindi agad ako nakabawi sa minutong maipaskil ang resulta ng class ranking. Napatitig ako sa nangungunang nakalistang Kiel Guevarra habang ang pangalan kong Allison Jane Montenegro na dati-rating rank one ay pumapangalawa na lang ngayon.
Kung may ikinakabahala man ako, 'yon ay ang magiging reaksyon ng sarili kong ina sa oras na mabalitaan niya na muling natalo ako ng isang Guevarra. Noon pa man, kalaban na ang tingin ko sa kanya tulad ng pagiging magkalaban ng pamilya namin sa pulitika't agawan ng lupa.
"Montenegro..."
Napabaling ako sa taong tanging tumatawag sa'kin sa apelyido ko. Awtomatikong nagmataray ang mukha ko kay Kiel. "Bakit Guevarra? Magmamayabang ka sa'kin ngayon dahil natalo mo ako?"
Simula kindergarten, mahigpit ko ng kakompetensiya si Kiel sa pagsungkit sa pagiging top one. Wala kaming napagkakasunduan dahil laging paglalamangan ang parehong nasa isip namin.
"Wala akong balak makipag-away sa'yo ngayon." Agarang sagot ni Kiel na nakakapanibagong walang pang-iinis o pagmamayabang. "One point lang ang nilamang ng average ko sa'yo at wala akong nakikitang malaking pagkakaiba ng nakuha ko sa nakuha mo. Hindi mababago ng kahit anong numerong 'yon ang kakayahan mo."
Hindi ko mapigilan ang magulat sa kakaibang trato sa'kin ngayon ni Kiel. "B-bakit mo sinasabi yan?"
"Ang totoo, mas gusto kong tapusin na natin ang alitan nating 'to. Can we end this fight, Montenegro? Sawa na ako sa halos araw-araw na bangayan nating dalawa dahil lang sa magkaaway ang mga pamilya natin. Kung hindi man sila magkasundo, sana man lang mangyari sa'tin."
Mas lalo akong nabigla. Ito ang unang beses na nagtangka si Kiel na ayusin ang gusot sa pagitan naming dalawa.
"Seryoso ako Ali, tapusin na natin ang away na 'to at maging magkaibigan."
Sa kabila ng tahimik na pagmamatigas ko, inangat ni Kiel ang braso niya para sa pakikipagkamay.
Hindi agad ako naka-imik sa sandaling nakita ko ang sinseridad mula sa kanya. Sa isang iglap, tinanggap ko ang pakikipag-ayos niya para matapos na rin ang ilang taong lamat sa pagitan namin.
"Ano?! Nagpatalo ka na lang ng ganoon kadali sa isang Guevarra?!"
Galit na boses ni Mommy ang sumalubong sa'kin sa bahay matapos kong sabihin sa kanya ang resulta ng class ranking kanina.
"Mom—"
"Allison naman! Nilalagay mo ulit sa kahihiyan ang pangalan natin dahil lang sa pagpapatalo mo sa kanya. Siguradong pinagtatawanan ako ngayon ni Patricia Guevarra."
"Mommy, rank two nga ako pero iisang puntos lang ang nilamang sa'kin ni Guevarra. Hindi mababago niyon ang kung anong kakayahan ko." Pangangatwiran ko sa kanya gamit ang salitang mismong nanggaling kay Kiel.
Sa halip na maliwanagan, mas lalo lang niyang ikinagalit ang sinabi ko. "Yon na nga eh! Iisang puntos lang ang nilamang niya sa'yo na hinayaan mo!"
Wala na akong ibang naisagot sa kanya kun'di ang pagtitig habang pinipigilang maluha. Masyado ng sarado ang isip niya dahil sa malalim na galit niya sa Guevarra.
"Allison, simula ngayon, hindi lang doble kundi triple ang dapat na ibibigay mong atensyon sa studies mo. Sa huli, ikaw dapat ang maging Valedictorian at hindi ang Guevarra! Naiintindihan mo ba ako?"