Eternal Spirit

235 10 29
                                    

Eternal Spirit

By: Khelielove

Word count: 3082

Nagmadaling nag-ayos si Fiona nang marinig ang code red warning. Pagkatapos niya mag-ayos ay mabilis siyang umakyat ng trak kasabay ng kanyang mga kasamahan. Umalingawngaw sa buong kapaligiran ang tunog ng sirena na nanggagaling sa trak ng mga bumberong kanyang sinasakyan.

Pagkadating nila sa nasusunog na bahay ay agad bumaba si Fiona at pinasadahan ng tubig ang mga apoy sa paligid. Nakarinig siya ng tinig ng babaeng sumisigaw sa hindi kalayuan at sinasabing nasa loob pa ang kanyang anak. Lumingon siya sa pinanggalingan ng sigaw at doon niya nakita ang isang ginang na nakatingin sa kanya. Itinuro nito ang ikalawang palapag ng bahay at muling binanggit na nasa loob pa ang kanyang anak. Kaya naman, hindi na nagdalawang isip si Fiona, mabilis siyang kumilos at sumugod sa loob.

Ang daan paakyat ng bahay ay medyo natutupok na ng apoy kaya naman nahirapan siyang baybayin ito. Ngunit sa halip na umatras at humingi ng tulong sa ibang kasamahan, itinuloy niya pa rin ito at nag-isip ng ibang paraan. Ayaw niyang sayangin ang bawat minuto dahil kung patatagalin pa ay mas lalong lalala ang sitwasyon.

Pagkadating niya sa itaas ay agad niyang hinanap ang taong ililigtas. Laking gulat niya nang makita ang isang lalaki na nakatayo lamang at nakatingin sa labas ng bintana na para bang hindi nag-aalala sa nagaganap na sunog. Mabilis niya itong nilapitan at hinigit para makalabas na sila agad.

"Bumaba na tayo bago pa tuluyang matupok ng apoy ang buong bahay ninyo," sambit ni Fiona.

"Ayoko!" malakas na tugon ng lalaki. Hindi ito pinansin ni Fiona, hinatak niya pa rin ito palabas ng kuwarto.

"Sino ka ba! Sabi ng ayoko! Dito lang ako at maghihintay sa pagbabalik niya!" Tinanggal ng lalaki ang pagkakahawak ni Fiona at bahagya itong itinulak.

Napasapo sa noo si Fiona at pigil hiningang hinigit ulit ang lalaki. Nang pumalag pa rin ito ay saka siya sumigaw, "Ano bang gusto mo? Ang lahat ng kapamilya mo ay nasa baba na, ikaw nalang ang naiwan dito!"

"Hindi ako aalis dahil babalikan niya ako rito!" iritableng tugon ng lalaki.

Imbes na mainis ulit ay nakaramdam na ng awa si Fiona, kitang kita niya ang lungkot sa mga mata nito at nakakasigurado siyang may pinagdadaanan itong mabigat. Pero kailangan na niyang kumilos, kailangan na nilang makalabas.

"Nahihibang ka na ba? Magpapakamatay ka ba? Sa tingin mo babalikan ka pa ng taong hinihintay mo kapag wala ka na sa mundo?" wika ni Fiona na nagpatigil sa umaalmang lalaki.

Sinamantala na niya ang pagkakataon, mabilis niyang hinila ang lalaki at sa wakas ay nakalabas na sila ng bahay. Sinalubong sila ng mga kamag-anak nito at nang makita niyang okay na sila ay saka siya bumalik sa trabaho at tinulungan ang kanyang kasamahan na masugpo ang apoy.

Kinabukasan, pagpasok niya sa trabaho ay masaya siyang sinalubong ng kanyang mga kasamahan at binati sa matagumpay na misyon. Ngumiti siya sa mga ito at lumapit sa kaibigan para magtanong tungkol sa pamilya nang nasunugan.

"Bianca, sino nga pala ang nasunugan kahapon?"

"'Yong iniligtas mo? Sila ang mga Santiago," sagot ng kaibigan.

Nanlaki ang mata ni Fiona nang marinig ang sinagot nito, "Santiago? Ang pamilya ng batikang doctor sa lugar natin?"

"May tama ka! At ang iniligtas mo ang nag-iisang anak nila. Doctor na rin 'yun."

"O talaga?"

"'Wag mong sabihin na hindi mo 'yun kilala ha?" Tumango naman si Fiona bilang pagsang-ayon.

Sorelle CompilationTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon