Real Meaning of L.O.V.E
Written by: Youniqueen
Genre: Romance/Tragic
Word Count: 3552
________________________
"Paano mo pa ipagpapatuloy ang buhay mo, kung alam mong mamatay ka na?"
'Yan ang tanong sa 'kin ng isang kaibigan ko rito sa ospital. Ospital para sa mga taong may cancer.
Sabi nila, kapag nabigyan ka ng chance na mabuhay, maging masaya ka at 'wag sayangin ito. Dahil maraming tao ang gusto pang mabuhay pero hindi na nabibigyan ng pagkakataon.
Kahit gustuhin mo pang mabuhay ng mas matagal para makasama ang mga taong mahal mo, kung hanggang dito nalang ang araw na itinakda sa 'yo, dapat mong tanggapin. Masakit man. Dahil hindi lang naman sa 'yo iikot ang mundo. Maraming tao. At sa pag-ikot nito, may mga taong nawawala, lumilisan. Pero may mga taong isinisilang. May mga taong iiyak sa pagkawala mo, pero sa kabila no'n may mga tao naman ang sumasaya dahil may isang bata na naman ang isinilang sa mundo.
Isang taon na ang nakalipas nang malaman ko na may malubha akong sakit na leukemia. Nagpagamot ako at ilang chemotherapy ang pinagdaanan ko pero habang tumatagal, mas lalo kong nararamdaman ang panghihina ng aking katawan. Lahat ginawa na ng doktor para humaba ang buhay ko.
Hanggang isang araw, tinapat na kami ng doktor na halos magpadurog ng puso ng mga magulang ko. May taning na ang buhay ko.
Masakit malaman iyon, lalo na't marami pa akong pangarap na hindi pa natutupad.
Pero mas masakit palang makita 'yung mga taong nagmamahal ko na pinipigilan ang luha nila, para lang hindi ko makita na nasasaktan sila.
Ginagawa ko ang lahat para labanan ang sakit ko. Dahil gusto kong umabot pa ako sa araw na itinakda sa 'kin ng Diyos. Gusto ko, bago ako mawala sa mundo, handa na 'yung mga taong mahal ko.
Nanghihina na ako ngunit palaging nand'yan ang mga magulang ko para palakasin ako.
"Anak." Napalingon ako sa aking katabi at hinawakan niya ang kamay ko. "Magdasal tayo," ani Mommy.
Napangiti ako at tumango. "Sige po."
Kahit nagkasakit ako ng ganito, kahit kailan hindi ko sinisi o kinuwestyon si God kung bakit sa bilyon-bilyong tao sa mundo, ako pa ang nagkaroon ng sakit na ganito.
Dahil alam kong may dahilan kung bakit.
Masuwerte pa nga ako dahil binigyan ako ng chance para makapag-paalam sa mga taong mahal ko. Iyon nga lang, naaawa lang ako sa mga magulang ko kapag naririnig ko silang sabay na nagdarasal at hinihiling na sana, gumaling na ako.
Hindi ko maitatanggi na sana mangyari nga 'yon, para mas matagal ko pa silang makasama sa mundo. Na sana, mabigyan pa ako ng chance. Na sana, totoo nga 'yung tinatawag nilang himala.
Hanggang nangyari nalang ang hindi inaasahan, bigla akong nawalan ng malay. Nagising nalang ako na nandito na naman ako sa isang puting kwarto.
Isang kwarto na saksi, kung paano ako pinahirapan ng sakit ko.
Pagtingin ko sa kamay ko, may nakasaksak na naman na kung ano-ano at marami na namang gamot ang itinurok sa 'kin. Mga gamot na alam ko sa sarili ko na wala na rin namang epekto.
Palaging ganito na lang ang nangyayari. Gustuhin ko man na palagi ko silang kasama sa mga huling araw ng buhay ko parang hindi na rin nakikiayon sa 'kin ang tadhana. Mismong doktor ko na ang nagsabi na mas makakabuti raw kung mamalagi nalang ako sa ospital dahil palala na raw nang palala ang kondisyon ko.