ALEX
Kinabukasan, mas maaga akong nakarating sa university kaysa sa nakasanayan ko, at kahit gusto kong isipin na dahil lang iyon sa maaga akong nagising, alam kong hindi iyon ang buong dahilan. Sa totoo lang, halos hindi ako nakatulog nang maayos kagabi dahil paulit-ulit na bumabalik sa isip ko ang nangyari sa labas ng mall—iyong mga lalaking nakita ko, iyong paraan ng pang-aasar nila sa akin noong isang araw, ang bigla kong pagkadapa, ang sakit na naramdaman ko sa braso ko, at higit sa lahat, si Jeth na hindi ko pa rin maintindihan hanggang ngayon.
Ilang beses kong tinanong ang sarili ko kung bakit niya ako tinulungan, lalo na kung kasama naman siya sa grupo ng mga iyon noong una. Kung isa siya sa kanila, bakit siya pa ang lumapit at nag-abot ng kamay niya para tulungan akong tumayo? Bakit hindi niya ako tinawanan? Bakit wala siyang sinabi? At bakit parang may kung anong ibig sabihin ang tingin niya sa akin bago ako tuluyang umalis? Ang dami kong tanong na wala namang kasagutan, at habang mas iniisip ko iyon, mas lalo lang akong nalilito, kaya kaninang umaga pa lang ay paulit-ulit ko nang sinasabi sa sarili ko na huwag na lang siyang isipin, dahil wala naman akong dahilan para makialam sa buhay niya.
Habang naglalakad ako sa mahabang hallway ng university, tahimik ang paligid dahil maaga pa at iilan pa lang ang mga estudyanteng nagsisipagdating, kaya mas malinaw kong naririnig ang tunog ng mga yapak ko sa sahig at ang mahihinang boses ng mga estudyanteng nag-uusap sa malayo. Hawak ko ang strap ng bag ko habang pilit kong inaayos sa isip ko ang mga gagawin ko para sa araw na iyon, hanggang sa hindi sinasadyang mapatingin ako sa kabilang dulo ng hallway.
At doon ko siya nakita, si Jeth.
Nakasandal siya sa pader habang hawak ang phone niya, tahimik na parang wala siyang pakialam sa mga taong dumadaan sa paligid niya, pero kahit ganoon ang postura niya, agad kong napansin ang mukha niya. Mas malinaw ngayon ang mga sugat na hindi ko gaanong nakita kagabi dahil sa layo at gulo. May maliit na band-aid sa gilid ng kilay niya, mayroon ding isa sa pisngi niya, at may bahagyang pasa sa ilalim ng mata na lalong nagpapakita na hindi naging simpleng away lang ang nangyari kagabi. May maliit ding hiwa malapit sa labi niya na tila kagagaling lang sa suntok, at sa unang pagkakataon, naisip ko na baka mas malala talaga ang nangyari kaysa sa nakita ko mula sa motor ni Kean.
Huminto nang bahagya ang mga hakbang ko. Hindi ko alam kung bakit. Siguro dahil hindi ko inaasahang makikita ko siya agad kinabukasan.
Pero bago pa ako makapag-isip nang maayos, bigla niyang iniangat ang tingin mula sa phone niya. At nagtagpo ang mga mata namin.
Hindi ko alam kung gaano katagal, pero sapat na iyon para maramdaman kong parang biglang naging mas tahimik ang paligid kahit alam kong hindi naman talaga nagbago ang ingay ng hallway. Diretso lang ang tingin niya sa akin, walang galit, walang pang-aasar, at wala ring expression na madaling maintindihan, kaya hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin.
Kaya ang ginawa ko, umiwas ako.
I immediately looked away, na parang wala akong nakita at parang hindi kami nagkatinginan kahit ilang segundo kaming parehong nakatayo roon. Pinilit kong gawing normal ang paglalakad ko, hindi masyadong mabilis at hindi rin masyadong mabagal, habang nakatutok lang ang tingin ko sa hallway sa harap ko.
Ayokong pag-usapan ang nangyari. Ayokong malaman kung bakit siya nakipagbugbugan sa mga lalaking iyon. Ayokong tanungin kung bakit niya ako tinulungan.
Kaya nagpatuloy lang ako sa paglalakad.
One step after another. Parang walang nangyari, na parang hindi ko siya nakita.
Parang hindi ko naramdaman ang biglang pagbilis ng tibok ng puso ko nang magtagpo ang mga mata namin. Pero kahit hindi ako lumingon, may kakaibang pakiramdam akong hindi ko maalis yong pakiramdam na may nakatingin pa rin sa akin mula sa likuran.
