ALEX
Paglabas ko ng bahay, una kong nakita ang motor ni Kean na nakaparada sa tapat ng gate, at pangalawa ay siya mismo na nakasandal sa gilid nito habang abala sa pagtingin sa phone niya, parang wala siyang ginawang malaking kasalanan sa pagsulpot sa bahay namin nang walang paalam at sa pagdedesisyon na lang bigla na susunduin niya ako kahit malinaw naman ang sinabi ko kanina na gusto kong manatili sa bahay buong araw. Pero nang marinig niyang bumukas ang gate, agad siyang napatingin sa direksyon ko, at sa isang iglap ay nagbago ang expression niya na para bang ilang minuto niya na talaga akong hinihintay at ngayon lang siya nakahinga nang makitang lumabas ako.
"Finally," sabi niya habang ibinababa ang phone niya at tinitingnan ako mula ulo hanggang paa na para bang may ina-assess siyang bagay na hindi ko naman alam.
Napakunot agad ang noo ko habang isinara ko ang gate sa likod ko. "Ang kapal talaga ng mukha mo. Una sa lahat, hindi ako pumayag na susunduin mo ako, at pangalawa, ikaw pa talaga ang may gana na magreklamo dahil natagalan akong mag-ready pagkatapos mong bigla-bigla na lang sabihin na nasa labas ka na ng bahay namin."
Ngumiti lang siya, iyong ngiting sobrang nakakainis dahil halatang wala siyang balak makonsensya sa ginawa niya. "Eh, ang tagal mo rin naman kasi. Akala ko nga iiwan mo na lang akong naghihintay dito hanggang gabi."
"Eh di sana umuwi ka," mabilis kong sagot habang nakatingin sa kanya nang masama. "Hindi naman kita pinilit na pumunta rito."
"I know."
"Then bakit ka pumunta?"
Hindi siya agad sumagot. Sa halip, inayos niya muna ang pagkakasandal sa motor bago ako muling tiningnan, at ewan ko kung bakit pero parang biglang naging mas tahimik ang paligid nang ngumiti siya nang bahagya.
"Because I wanted to see you."
Napatigil ako.
Pwede ko siyang tanungin kung bakit parang wala siyang ibang ginagawa sa buhay kundi ang bigla-bigla na lang sumulpot sa harap ko. Pwede ko ring sabihing hindi naman niya kailangang pumunta rito kung gusto lang niya akong makita.
Pero sa halip, ilang segundo lang akong nakatayo roon habang nakatingin sa kanya.
Tahimik. Then I narrowed my eyes.
"Ang cheesy."
Napatawa siya agad. "Hindi ka ba kinilig?"
"Hindi."
"Sure ka?"
"Very sure."
"Sinungaling."
"Kean."
"Okay, okay," sabi niya habang nakataas ang dalawang kamay na parang sumusuko, kahit halata namang hindi talaga siya nagsisisi. Lumapit siya sa motor at kinuha ang extra helmet bago iyon iniabot sa akin. "Here, princess."
Agad ko iyong kinuha sa kamay niya. "Alam mo, feeling ko sinasadya mo talaga akong inisin dahil wala kang ibang mapaglibangan."
"Effective naman kasi."
"Hindi."
"Sure?"
Hindi ko na siya pinansin dahil alam kong kapag pinatulan ko pa siya, siguradong hahaba lang ang usapan at mauuwi na naman kami sa walang katapusang asaran. Isinuot ko ang helmet at maingat kong inayos ang buhok ko sa gilid, pilit inilalabas ang ilang hibla na naipit habang tinitingnan ko ang sarili ko sa maliit na salamin ng motor.
Tahimik lang siya at nang mapansin kong nakatingin lang siya sa akin, napakunot ang noo ko.
"Ano?"
"Wala."
