Celestine.
Nagsisitakbuhan ang mga bata sa paligid habang abala akong hinahanap ang daan na tatahakin ko gamit ang bisekletang dala.
Ang taas-taas ng tirik ng araw. Nakapanglalagkit ang init sa balat. Mabuti na lang at sinunod ko ang bilin ni itay na magdala ng sumbrero dahil kung hindi, sigurado kanina pa tostado ang ulo ko pati na rin ang balat ko.
"Manong Pepe! Ito na po pala yung in-order nyong panggatong!" dali-dali kong ibinaba ang dalawang bungkos ng tig-isang dosena ng kahoy sa may lupa. Mabigat ito pero sa halos ilang taon ko na rin itong ginagawa, nasanay na yata ang katawan ko.
"Salamat hija. Pakisabi sa nanay at tatay mo na kakailangan ko pa ulit ng panibagong bungkos sa susunod na linggo. Makakapagpadala ba kayo ulit?"
"Opo. Sasabihin ko." Kinuha ko na ang bayad sa kanya at nagpaalam.
"Celestine, hija?"
"Po?" Pahinto kong minanibela paharap ng konti sa kanya ang sakay kong bisekleta. Ngumiti sya sa akin. "Kay ganda ng sikat ng araw. Minsan, subukan mo ring ngumiti. Hindi lang nakakagaan ng nararamdaman. Nakakaganda rin."
Pidal ako ng pidal sa sinasakyan kong bisekleta. Para sa akin ay magandang ehersisyo na ito para sa umaga. Pagkatapos ng sinabi sa akin ni manong Pepe ay dumaan ako sa may batis kanina. Pinagmasdan ko ang repleksyon ko sa tubig at isang pamilyar na babae ang bumungad sa akin. Maikli ang buhok, hindi bababa sa may balikat. Mayroong nangungusap na mga mata at sa may kanang pisngi nito mula sa kilay pababa sa pisngi ay isang peklat. Wala sa sarili akong napahawak dito.
Paano ako ngingiti kung sa araw-araw ng buhay ko ay itong mukhang ito ang nakikita ko? Isang masakit na ala-ala sa mga napagdaanan ko nitong mga nagdaang taon.
Dahan-dahan kong iginuhit ang mga daliri ko sa peklat na ito. Ikinuyom ko ang kamay ko at inilayo ang tingin mula sa repleksyon ko sa may tubig. Ibinaba ko lalo ang suot na sumbrero sa mukha ko.
"Kanina pa kita hinahanap. Sabi ko na nga ba eh, dito kita makikita."
Unang sulyap ko pa lang sa napakalaki nyang ngiti ay naiirita na ako. Dinaanan ko sya upang dumiretso sa biseklata na inawan ko sa gilid.
"Anong kailangan mo? Naihatid ko na lahat ng bungkos ng kahoy na kailangan kong ihatid. Iwan mo na ako. Gusto kong mapag-isa."
Nakalayo na ako sa kanya noong napansin ko na humahabol sya sa akin. Dala-dala nya rin ang bisekleta nya sa tabi. Kanina ko pa gustong patakbuhin ang akin ang kaso narito kami sa parte kung saan baku-bako ang lupa tapos maputik pa ang daan. Ayokong masira ang bike ko. Kapapaayos ko lang kahapon dahil sumpemplang ako ng hindi ko inaasahan. Naaalala ko pa. Maliwanag na maliwanag pa sa isipan ko kung paano nya ako pinagtawanan. Ni hindi man lang nya ako tinulungan.
"Sasabay na ako sa'yo pauwi. Pinapasundo ka na rin sa akin nina itay."
"Sabihin mo mamaya na ako uuwi."
"Hindi naman pwede. Ako ang mapapagalitan eh."
"Ikaw na ang gumawa ng dahilan. Basta, kahit ano. Lubayan mo lang ako."
Hinarangan nya ang dinaraanan ko gamit ang bisekletang dala.
"Celestine." sambit nya sa pangalan ko na tila ba nauubusan na sya ng pasensya sa akin.
"Cello." pambawi ko naman sa parehas na tinig.
Nagkatitigan kami roon ng hindi ko alam kung gaano katagal. Sa pagtitig na iyon ay hindi ko maiwasang mapansin kung paano kumunot ang noo nya-- ang palagi nyang ginagawa kapag alam kong naiinis na sya. Minsan hindi ko maintindihan kung bakit ang daming nagkakagusto sa kanyang babae sa lugar namin. Hindi naman maganda ang ugali. Hindi naman kagwapuhan. Oo matangkad sya, maganda ang katawan, makinis ang balat, magaling kumanta at higit sa lahat, sya ang pinakamagaling na Kalista sa lugar namin.
BINABASA MO ANG
Listen To My Lullaby
Acción(The Final Installment of G-Clef Song Trilogy) Sabi nila ang buhay ay umiikot sa isang bilog. Minsan nasa taas pero minsan naman ay nasa baba. Bumaliktad ang mundo para kay Jace magmula noong mawala ang pinaka importanteng tao sa buhay nya. Five yea...